Saan napupunta ang mga nawawalang panalangin?
“Alin ang mas maganda? Opal Peace Gown or itong Bright Red Justice Suit?” tanong ni Gabbie habang hawak ang dalawang damit sa magkabilang kamay. Nakakunot ang kilay dahil seryoso s’ya sa pagpili.
“Ewan, ano ulit ‘yung okasyon?” tanong ko.
“Ali Merko Niyava,” sagot niya na para bang alam ko na ung ali markovang sinasabi niya,
“Ano ‘yan!”
“Answered Prayer,”
“Bat may pa Ali meryenda ka pang nalalaman,”
“Eh ayan yung tawag, bat ba,” iritang sagot niya. “Inaccurate nga yang ‘answered prayer’ niyong term eh,” paliwanag niya. “Lahat naman ng prayer, nasasagot, kaya dapat prayer lang tawag niyo,”
“Kaysa naman ali merry christmas, ang haba-haba,” pang-aasar ko. “Pero ako ang pipili, ang ganda sa’yo ng Opal,”
“Ay talaga, ang daming nagsasabi niyan!” lumiwanag ang mukha niya habang nilalapag sa malapit na lamesa ang pulang suit. Nausog naman nito ang plakang pangalan niya na nagsasabing office table niya ‘to. Gabrielle.
“Ali Merko Niyava,” hindi nawawala ang ngiti niya habang nakatitig sa hawak na gown. “Payapa ang kulay ng mensahe ng Opal,” paliwanag niya.
“Kahit pala dito sa langit nag-ga-gown kayo,” sagot ko. Sa daming beses ko nang bumisita sa aklatan, hindi ko pa rin lubos maisip na nasa isang parte ako ng langit. O at least sa entrance kung saan napasok ang mga panalangin.
“Hindi pa ‘to langit per se bhe,” paliwanag niya, “well, technically? Isipin nating nasa entrance lang ‘to kung saan napasok ang panalangin. Parang, dito napasok ang panalangin patungong langit, hindi ito pasukan ng tao. Unless kasya ka sa sobre,” pagbibiro ni Gabbie.
“Right, right,” pagtango-tango ko. Naglipat ako ng kaliwang paa na ididekwatro dahil nangangalay na ko sa mahabang pag-upo. Aklatan. Isang mahabang shelves ng mga libro. Hindi ng kwento, kundi mga panalangin. Kada libro, nakaasign sa isang tao. Minsan ko nang nakita ang laman ng ilan sa mga libro. Nakalakip ang panalangin sa sobreng nakaipit dito. Kada panalangin, nakikita kong binabasa ni Gabbie, niyayakap, hinahalik para maging hangin at unti unti aakyat sa bukas na bubong ng aklatan patungo sa asul na langit. Matapos ang ilang minutong pagtingala sa pinuntahan ng liham, tatanggap ng liwanag ang anghel at agad magsusulat sa aklat na pinagmulan ng panalangin. Sagot.
Lahat ng panalangin, may sagot. Kung ano man ‘yun, ayun ang kahit kailan hindi pinabasa sa akin ni Gabbie.
Ilang buwan na rin simula nang mapabisita ako sa aklatan. Nakakatakot nung una, akala ko patay na ko o nananaginip. Mahirap ipaliwanag ang nararamdaman ko tuwing andito ako.
Masaya? Malungkot? Bored? Kabado?
Namroblema pa nga ko papano kung makaramdam ako ng maihi or worst, matae. San CR dito? Pipilas ba ko ng isang papel ng buhay ng tao dito pampunas? Ang laki ng problema ko.
“Hindi ka matatae dito, ang lala ng naiisip mo!” sigaw ni Gabbie nung tinanong ko kung bakit walang CR ‘tong aklatan.
“San mo pala susukatin yan? Alangang sa harap ko,” paliwanag ko.
Kindat ang sinagot niya dito na naglabas ng nakakabulag na liwanag. At sa isang iglap, nang humupa ang liwanag at naisip kong hindi pa ko nabubulag, suot niya na ang gown. “Ok, sailor moon,” sagot ko. “Next time mag warning ka na bubulagin mo ‘ko.”
“Bagay ba?” walang pakialam niyang tanong. “Pano kung nabulag ako! Papano ko masasabi?”
“Hindi ka mabubulag dito, lahat ng visuals pati dito, ina-adjust ko sa third dimension, sa totoo, hindi ‘to gown, purong konsepto ‘to ng kapayapaan. Hindi to collection name na Opal Peace Gown. Literal na kapayapaan tong susuotin ko. Gown lang ung third dimension view para sa’yo. Hence the liwanag, bhe. Kaya hindi ka mabubulag, ang arte mo lang.”
“Masakit!” reklamo ko sa liwanag.
“Tingnan mo ‘tong likod,” hindi niya pagpansin sa’kin. Nakita kong maganda talaga ang pagkakasuot niya.
“Well, bagay naman.” sagot ko. “Ayan!!” pagsang-ayon niya.
“Pero baka malimutan mong ihatid yung isang liham sa isle 7, kanina pa ilaw nang ilaw ‘yan,” pagturo ko sa isang libro sa kabilang isle ng shelves. “Ay oo nga pala!” Sagot niya habang patakbong naka-gown sa libro. Ginawa ang ritwal ng pagbabasa ng liham, hinatid sa Maykapal at sinulatan ang libro.
“Alam mo bagay kang mag librarian dito,”
“Tingin ko, mas post office to, kesa library”
“Depende, aklatan ang ginawa ng isip mo,” sagot niya. Oo nga pala, ako ang nag-iisip ng three-dimensional view ng lugar.
“Wala pa rin bang sagot kung bakit ako laging andito?”
“Hindi pa,” sagot niya.
“At bakit tuwing mananalangin ako, bakit ako napupunta dito?”
“Wala pang sagot,”
Sa loob ng ilang buwan na nakakalipas, napupunta ako sa aklatan tuwing susubukan kong magdasal. O kada may magdadasal para sa’kin.
Unang “Lord,” boom. Andito na ‘ko. Ilang buwan ko nang hindi nararanasan magdasal.
“Baka may error ung praying system. Nagba-bug sa’kin,” reklamo ko. “Alam naman ni Lord, di’ba? Alam niyang gustong-gusto kong magdasal, gusto kong makausap S’ya? Bad trip ba S’ya sa’kin? Tsaka nasaan ‘yung libro ko, andun yung sobre ko ng panalangin. Ang prayer ko, ibalik niya ko sa dati. Gusto kong normal makapagdasal.”
“‘Wag pa raw munang sabihin sa’yo,”
“Eh hanggang kailan ‘to?”
“Ewan. Hindi pa natin alam.”
“Galit ba S’ya sa’kin?” pinipigilan kong tumulo ang luha ko sa tanong.
“Alam kong alam mo ang sagot d’yan, Moses.” sagot ni Gabbie.
“Eh bakit?”
Dito biglang nawala ang aklatan. Bumalik ako sa gitna ng simbahan. Kaming dalawa lang ni Terrence. Hawak ko ang balikat niya. Naiyak ang isang churchmate kong nagsabing ipanalangin ko s’ya.
“Salamat sa prayer, Kuya Moses,” sagot niya sa’kin. Hindi ko alam ang pinagsasabi ko sa panalangin pero mukang tumagos ‘to sa puso ng binata.
“Basta Terrence, palagi kang pumunta dito sa church, malalampasan mo rin ‘yang problema mo. Kasama natin ang Diyos.” paalala ko. Hindi ko alam kung para sa kanya, o para sa’kin.
Tumango-tango lang s’ya habang pinupunasan ang luha. “Oo Kuya, salamat talaga.” agad niyang kinuha ang bag at inayos ang mga gamit sa loob. Mukha s’yang excited umuwi. Hindi s’ya ganito bago manghingi ng panalangin. Bagsak na bagsak ang balikat ng estudyanteng si Terrence. Sa kauna-unahang pagkakataon kasing bumagsak s’ya sa isang exam. First time niyang ma-disappoint na hindi niya kaya ang isang subject. Masyadong pini-pressure ang sarili. Pero matapos ang panalangin. Kung ano mang narinig niya sa bibig ko habang nasa aklatan ako at nakikipag daldalan kay Gabbie, habang napili ng gown sa event ng anghel, yun ang nagpabago sa nararamdaman niya.
Kaway sa isa’t isa ang mensahe namin ni Terrence.
Dito ko naisip na panalangin niya ang nasa isle 7. Ang hinatid ni Gabriel sa asul na langit ng aklatan. Nakita kong humalik ang hangin ng panalangin patungo sa langit.
Isang bagay na nagbigay ng kaunting inggit, isang bagay na hindi nangyayari sa mga panalangin ko.
‘Bat Ako?
Wala akong kamuwang-muwang na isang araw, mapapadpad ako sa Aklatan ng kalahating panalangin. At lalong hindi ko naisip na magiging sobrang dalas ko dun na para bang napunta na lang ako sa coffee shop para tumambay.
Iisa lang ang rules ng entrance - basta magsimula akong magdasal, dun ako mapupunta sa aklatan. Hindi ko alam kung sinusumpa ba ‘ko ni Lord dahil sa mga kasalanan ko, o isang pribilehiyo ang mapadpad sa ganito ka banal na lugar.
Parang sumpa sa lagay na hindi ako makapagdasal. Bata palang ako, simula nang malaman kong may nakikinig sa mga panalangin, naging gawi ko nang kausapin S’ya. Alam ko, marami sa mga tao ang hindi naniniwala, pero hindi niyo maikakaila na may kakaibang pakiramdam sa panalangin. Ang katotohanan sa isipan palang na may nakikinig, na may masusumbungan. Wala akong tatay, palaging nagtatrabaho ang nanay, may isang kapatid na iniiwasan akong parang Covid. Ayokong makipag-usap sa ibang tao, Ayaw din akong kausapin ng ibang tao. Kaya sorry kung gusto kong kausapin ang Holy Trinity, okay?
Parang sumpa na ang nakagawian kong gawin, ngayon, hindi ko na magawa. Kaya simple mapapasabi ako ng “Lord,” tadan, andito na ko. Hindi si Lord kundi si Gabbie ang nakikita ko. Tinanong ko kung anghel S’ya o kung s’ya mismo ang Diyos.
“Hindi kita ganun kamahal, Moses, hindi ako magpapapako sa krus para sa’yo. Pwedeng pakagatin kita sa chickenjoy pero hindi ko sayo ibibigay ‘yung chicken skin, naiintindihan mo?” in short, hindi s’ya and Diyos.
Hindi rin daw sya anghel, hindi s’ya si Gabriel na nakausap ni Mary. “Bestie ko! Hindi mo gugustuhin makita si Gabby boi!! May dahilan kung bakit ‘Wag kang matakot’ ang lagi niyang bungad sa mga kausap niya,” Hindi ko naiintindihan pero sabi niya, s’ya daw ang espiritung bantay ng mga dalangin. Kung ano man ‘yun. S’ya ang nagtitipon ng mga dalangin sa ibat-ibang “layer” ng aklatan.
“Di’ba dapat post office ka?” tanong ko.
“Maingay sa post office, naiingayan ka ba dito?” sabay kaming huminto para pakinggan ang kawalan. Halos maririnig ko kung may papel na bumagsak sa sahig.
At kung iniisip niyo na “Bakit kaya hindi dito magdasal si Moses tuwing dinadala s’ya dito tuwing sinusubukan niyang magdasal,” na para bang hindi ko sinubukan. Papano ko ba idi-describe. Well, kung naranasan mo na sa panaginip, na hindi ka makasigaw at hindi ka magalaw, parang ganun. Pero palawakin mo lang, at gawing mas nakakatakot, dahil kahit isip mo, hindi makapagsalita. You read it right, kahit isip ko, hindi matuloy ang dasal kapag sinusubukan ko dito sa Aklatan. “Kasi ang dasal,” panimulang paliwanag ni Gabbie. “May proper entry point. Ang nilagay na entry point ng prayer sa inyong mga tao, ay sa lupa. Kung wala ka sa lupa…”
Walang entry point. Basically, kapag dito ako nagdadasal, hindi ako basta napasok sa butas ng karayom, pinipilit kong pumasok sa konkretong pader.
Kaya ayun, basically, ex-communicado ako kay Lord. Hindi ko S’ya nakakausap. Nakakabasa pa rin naman ako ng Bible. Hindi pa naman ako nasusunog tulad ng naiisip mo na. Well, good sign yun na hindi S’ya entirely galit sakin. Galit lang siguro, pero hindi galit na galit? Pero iba parin ang magdasal. Pakiramdam ko wala na kong makakausap.
Sa kabilang banda, blessing rin ang mapunta sa ganito kabanal na lugar. Imagine na dito nadaan lahat ng panalangin. Lahat ng gusto hiling ng puso. “Hindi lang din to basta hiling na sinasabi ng bibig. Lahat ng sulat sa bawat indibidwal na aklat ng buhay ng tao, ‘yun ang dasal ng puso nila,” paliwanag ni Gabbie. “Sa totoo lang,” sambit niya habang pinapakita ang isang pahina ng aklat ng dalangin. “Hindi ‘to nasusulat sa salita.” wala akong makita sa loob ng aklat kundi purong nasayaw na liwanag. “Good luck basahin tong nasayaw na liwanag, buti hindi ka naduduling dito, o nasisilaw,”
“Oh honey, ‘cause I am brighter,” inarte niya.
Katulad ng sinabi ko, hindi ko alam na isang araw, mapupunta ako sa Aklatan.
‘Yan ang lagi kong tanong. “‘Bat ako?”
“‘Bat ako?” tanong ko sa head pastor sa bagong church na ina-attendan ko. Nakabilog kami dahil magsisimula na ang sunday service. Ni hindi ako kasama sa magmiminister sa stage, hahawak lang ako ng laptop para sa lyrics dahil wala ‘yung dapat gagawa. Hindi pa nila ko officially member. Bakit ako magdadasal sa mga taong tatlong araw ng linggo ko palang nakikilala?
“Just pray for us, Moses,” hikayat ng pastor. Nakangiti s’ya sa’kin na parang sinasabing kaya ko ‘yan. Magdadasal lang. Anong mahirap ‘dun? Nagli-lead na ko ng prayer sa dati kong church. Nagli-lead na ko dun. Period. Hindi ko alam kung bakit nagkakaroon ako ng takot ngayon. Hindi naman ako bago sa gawain sa simbahan. Anong nakakatakot?
Na nakasalalay ang buhay nila sa’kin?
Ikaw ba ang magliligtas sa kanila?
Ikaw ba ang sasagot sa panalangin? Irerepresenta mo lang sila.
Ipapako ka ba sa krus.
Hinikayat na ni pastor na maghawak kamay ang mga nakabilog na manggagawa sa simbahan at pumikit.
Hinawakan ko ang mga kamay ng magkabilang tao sa kanan at kaliwa ko.
Hinawakan ko sila ng mahigpit, na para bang hinahanda sa isang nakakatakot na takbo. Magdadasal ka lang. Nagdasal lang din ako noon. Nag-lead lang din ako noon sa unang simbahan. Tapos, anong nangyari?
Madami. Ang daming nangyari. Sampung taon. Nawala ng ganun ganun lang. Dahil sakin. Dahil lang hindi ako marunong sa simpleng dasal.
Magdadasal ka lang. Mahigpit ang pagpikit ko ng mga mata. Na para bang babagsak na ang rollercoaster na sinasakyan ko.
“Dear Lord…”
Boom. Nawala ang bilog ng mga tao. Nawala ang hawak kong mga kamay. Nawala ang buong simbahan. Pagdilat ng mga mata ko, hindi stage ng simbahan, hindi mga upuan, hindi dingding ng simbahan. Kundi walang hanggang bookshelves. Mahaba at kalat kalat na mga lagayan ng ibat-ibang libro. May mga makakapal na aklat, may maninipis, may mga nakabukas, may nakakandado. May mga umiilaw, patay sindi, na parang nakikiusap. May mga huminang ilaw, tila aandap andap. May mga hindi umiilaw. Tahimik. Pagsuko?
“Hello?” ito ang pagbati na bumasag sa katahimikan. Si Gabbie. Ito ang unang pagkakataong napunta ako sa aklatan ng mga kalahating panalangin. “Bakit ka nandito?” tanong niya. “Bakit ikaw?”
“Bakit ako?” pag-uulit na tanong ko.
Resignation
Malakas ang tunog ng pagta-type sa mechanical keyboard ng katabi ni Raymart na si Mar. “Para tunog madaming ginagawa!” ito ang pabirong dahilan ng kaibigan nang misan niyang sinaway ‘to sa ingay. Kahit na nakakatawa ang dahilan na ‘yun, mukhang effective naman dahil hindi nakakatanggap si Mar ng comments sa evaluation ng “Needs to focus more in the job”. Hindi kagaya ni Raymart na kamakailan lang ay napagalitan dahil sa maling output na naibigay sa client.
Ni hindi niya kasalanan ang nangyari. Kasalanan ng manager ng team. Na nagkataong anak ng may-ari.
Sampung taon. Sampung taong serbisyo sa kumpanyang halos naging pangalawang tahanan na ni Raymart. Kung maaalala niya rin namang sa loob ng sampung taon na ‘yun, malaking porsyento ang OT, maagang pagpasok para maiwasan ang traffic. Sa mahabang panahon na halos walang salary increase, nadagdagan lang kapag may mga nagreresign para ‘wag silang ma-encourage sumunod.
500. 500 pesos ang dagdag. Sampung taon, lilima ang umalis, 500 ang dagdag kada aalis.
Mahirap na rin kasing umalis. Nasanay na s’yang ito ang ginagawa sa araw-araw. Magigising ng alas-singko. Magkakape, maliligo(minsan kahit hindi na, malamig naman sa opisina, kaysa ma-late), magbibihis at mata-traffic. Mata-traffic ng sobrang haba na uubos ng pagod mo sa init at siksikan. Minsang mali-late, mapapagalitan, mag-u-OT hanggang 7pm, mahihirapang makasakay pauwi, mata-traffic, magdu-doom scroll, makakatulog.
Repeat.
HIndi sigurado si Raymart kung alin sa routine niya ang nagbabawas ng piraso ng kaluluwa pero sigurado s’yang konting-konti na lang ang natitira.
Sa gitna ng ingay ng tipa ni Mart sa keyboard na tunog masipag na nagtatrabaho pero ang totoo’y nakikipag-away sa comment section ng Reddit, malalim ang pag-iisip ni Raymart. Nakatitig sa draft ng email para sa boss ng kumpanya.
“This was not an easy decision to make, as I am deeply grateful for the opportunities, guidance, and experiences I have gained during my time here…” Ito ang parte ng sulat sa email. Mahirap sa kanya ang umalis. Pero kailangan.
Hindi mawala sa kanya ang dasal ng bagong churchmate na si Moses. Kasama s’ya sa bilog ng grupo ng mga handang mag-serve sa simbahan noong nakaraang linggo. Noon lang s’ya ulit nakasamang tumugtog kasama ang grupo para sa simbahan. Sobrang busy sa trabaho, ito ang lagi niyang dahilan. Linggo na lang ang pahingang mayroon s’ya. Dahil minsan, kinakain din ng trabaho ang rest day niya kapag sabado.
Nakasama lang s’ya sa rehearsal noong sabado dahil sinabi niyang may sakit s’ya. Nagsinungaling pa s’ya para lang makapunta sa simbahan. Sobrang ironic di’ba?
Ilang beses niya nang pinagdadasal kung aalis s’ya sa opisiina, at kung aalis s’ya, saan s’ya dadalhin ng Diyos kung sakali. Gusto niya naman na sigurado ang mapupuntahan bago manlang umalis sa nakasanayang trabaho.
Wala naman kasing pagkakataong mag-apply sa kung saan dahil wala ngang oras makapag-absent.
Pero sa gitna ng gulo sa isip niya, pinili niyang tumugtog sa simbahan nang araw ng linggo. Pinilit niyang pumunta. Umaasa s’ya na kahit isang araw, mawala sa isip niya ang problema sa opisina. Umaasa s’ya na marinig ang mensahe sa kanya ng Diyos. Hindi niya inaasahan na tatagos sa puso niya ang panalangin ng bagong myembro na si Moses. S’ya ang inatasan ng pastor na magdasal para sa team na tutugtog.
Narinig ni Martin ang panalangin ni Moses. Ang panalangin sa pananampalataya, na ang tapang na nagmumula sa Diyos ang gagabay sa bawat gagawin ng mga anak Niya.
Tumanim sa puso ni Raymart ang panalangin, na parang binibgyan s’ya ng lakas. Na naririnig ng Diyos ang hinaing niya sa trabaho. Na naririnig s’ya ng Diyos. Natapos ang dasal ni Moses na may luha sa mga mata ni Raymart. Matapos ang panalangin ng kasama, agad na pinunasan ng binata ang mga luha sa mga mata at hinarap si Moses. Agad niya ‘tong nilapitan at tinapik sa balikat.
“Salamat sa panalangin, bro,” napangiti si Moses. Nagtataka sa sinabi ng kasama na ngayon niya lang nakausap. Naiintindihan ni Raymart ang mga mata ni Moses na parang nagtatanong kung ano ang eksaktong ginawa niya. Pero para kay Raymart, malaking bagay ang tumimo sa puso niya dahil dito. Naramdaman niya ang panalangin na parang malinaw na mensahe.
Kailangan niya ng higit na pananampalataya at tiwala.
Kaya sa gitna ng ingay ng pagta-type sa opisina, sa gitna ng pagtitig sa resignation email para sa boss sa opisina, buo ang puso ni Raymant sa pagpindot ng “Send” button.
Ilang minuto lang hinintay bago s’ya papasukin sa meeting room para kausapin ng manager.
“Final na ‘ba ‘to Ray?” tanong ng manager, ginagamit ang palayaw niya para magtunog close sila. “Yes po ma’am,”
“Dahil lang ba ‘to sa comment sa evaluation mo? Alam mong para rin sa’yo yun, di’ba?”
“Hindi po, honestly, I appreciate your honesty towards my work…” sagot niya. “My ten years of work…” dagdag niya.
“May lilipatan ka na?”
“I’m sorry po pero I’m not comfortable to disclose that, ma’am” wala pa. Salamat sa mga pa-OT niyo. Pero wala kang pakialam. Ito ang gusto niyang idugtong.
“Kung wala pa, I hope you will give yourself time to think about it,”
“No need po, napag-isipan ko na pong mabuti,”
“What if taasan naman ang sahod mo?”
Para taasan niyo rin ang workload ko? No thanks.
“No need po. Although I appreciate the offer.”
Lumingon-lingon ang manager na para bang nag-aalalang makakarinig sa sasabihin. “Please Ray, stay at least the end of the project,” may pakikiusap sa mukha nito, ibang iba sa madalas na matapang nitong mukha. “Mapapagalitan ako ni boss,”
“I think that’s none of my business, ma’am.” sagot ni Raymart.
“Eh saan ka pupunta?” bumalik ang mayabang na asta ng manager. “Mahirap ang competition outside, madaming mas magagaling sa’yo in the field. You can’t come back here, alam mo ba ‘yun?”
“Ma’am, listen, I am not planning to come back. Let’s be clear, but if I do, I’m leaving with a great record sa sampung taong ginugol ko sa kumpanya. Kaya hindi ko problema ang lilipatan ko. With all due respect po, that’s none of your business too.”
“Just give us anything, kung saan ka pupunta, so we can fill this up,” pagpapakita niya ng form na may nakalagay na kung saan pupunta ang mga aalis. Gamit sa mga survey ng mga company.
“Mag-o-audition ako sa The Voice,” nakangiting sagot ni Raymart.
“Pardon?”
“Pipila ako sa audition,”
“The Voice? The The Voice?”
“Yeah,”
”Ray, be serious please”
“I don’t think na nakikipagbiruan ako, ma’am,”
Magtiwala sa regalo ng buhay. Ito ang isa sa linya ng panalangin ng churchmate na si Moses. Ang regalo ng mga pwedeng gawin. Pwedeng hindi s’ya matanggap, o walang mangyari, pero mas walang mangyayari kung hindi niya susubukan.
“Itatapon mo ang career mo because of a stupid audition na hindi ka sure kung makakapasok ka sa Live TV? Or even lilingon sa’yo si coach Sarah?”
“I don’t think na sila pa ‘yung coaches ma’am kasi may mga bagong season na, pero yes, I think I will do that. Please, write down, The Voice.”
“Siraulo ka, Ray.” huling sagot ng manager habang nagfi-fill-up ng form.
Lumabas si Raymart sa meeting room, inasikaso ang mga requirements.
Mabilis ang mga pangyayari. Umabot sa mahabang pila ng mga umaasang maging parte ng latest season ng sikat na singing contest sa TV. requirements, practice at sandamakmak na panalangin, umabot si Raymart sa interview ng audition.
“Bakit sa tingin mo ikaw ang dapat na maging Grand champion ng The Voice, this season?” tanong ng isang judge sa audition.
Bakit ako? Ito ang tanong na umikot sa isip ni Raymart.
“I’m not sure about God’s reason po, una Niya lang pong binigay ang regalo ng boses ko,” at sa huli, boses ni Raymart ang bumalot ng audition room at ng puso ng mga nakarinig.
At hindi magtatagal, sa mga trending videos ng social media at national TV.
