Bangkero

#fiction #stories #tagalog

Sasakay ka ba o mag iinarte ka lang dyan? Bilisin mo kasi sobrang abala ‘ko ngayong araw para maghintay sa pag-iinarte mo”

 

Syempre biro ko lang ’yun. Meron akong isang buong walang hanggan para mag antay ng mga hindi pa handang tumawid sa kabilang buhay dito. ‘Yun lang ang sinasabi ko sa mga taong dapat nang tumawid pero marami paring pag-aalinlangan. Naiintindihan ko ang mga tulad niyo. Ang pagkakaalam ko “Oras” ang tawag niyo sa sukat ng bilis o tagal. Kaya nagana pa sa inyo ang madaliin o kaya sabihang “pakibilisan”.

 

“Dali na!” napipikon na ko, ang tagal umiyak.

“‘San mo ko dadalhin?” sagot ng babaeng may malaking kutsilyong nakasaksak sa dibdib.

 

Napabuntong hininga ‘ko. Naisip kong kakalma lang ang mga katulad niya kapag naging pamilyar sila sakin. Kakalma kayong lahat kapag naging pamilyar kayong lahat sakin. Lahat kayo.

 

“Anong nangyari sa’yo?”. Ibinaba ko ang sagwan kong hawak sa bangka at lumapit sa kabilang dulo para mas makalapit sa kanya - sa babaeng nakaupo sa mga bato ng tabing ilog at may malaking tarak na kutsilyo sa dibdib.

 

Pinilit niyang pigilan ang hikbi at tanggalin ang kamay sa mukha “Natutulog lang ako sa hotel, kagabi. Tapos nakarinig ako ng kalabog. Akala ko, ‘yung boyfriend ko lang kaya tumayo ako. Pagkatayo ko sa kama, biglang may babaeng may hawak na kutsilyo…”

 

Napansin niyang may nakatarak parin sa dibdib niyang kutsilyo kaya napalitan ang iyak niya ng sigaw. Sigaw sya ng sigaw sa gitna ng kawalan ng gubay na kung nasaan man kami. Walang nakakarinig sa kanya kundi ako. Wala nang ibang makakarinig sa kanya.

 

“TUMIGIL KA!!!” sigaw ko. Hindi ako galit. Kailangan kong masapawan ang sigaw niya.

“Lahat ng na andito. Gawa na lang ng isip mo. Ipapaliwanag ko sa’yo kung anong pinaliwanag ko sa mga nauna sa’yo. Kung bibigyan mo ko ng pagkakataong magsalita…”

 

Ganito sa kabilang buhay. Wala ka nang katawan. Hindi mo na makikita ang puno, halaman, ilog o kahit ano. Nasanay lang ang kaluluwa sa matagal na panahong naka sandal sa katawan kaya hanggang sa kabilang buhay lahat ng ‘yun ang gusto niyang makita - ang kaya niyang makita.

 

“Hindi ka na masasaktan ng kutsilyo. Wala nang kutsilyo”

Unti unti syang tumigil. Ang sigaw na nauwi sa iyak. Iyak sa hikbi. Hanggang sa pagkakaunawa.

 

Patay na ‘ko.

Unti unti, natanggap niya habang sinasabi isa isa kung bakit sya nawala. Kabit. Pinatay sya ng asawa ng kinakasama.

 

Naupo sya sa dulo ng bangka habang sinimulan ko ang pagtulak sa bato para umusog kami sa gitna. Sinimulan ko ang pagsagwan. Napansin kong malinaw ang tubig sa tapat ng panahong nakatigil sa alas sais ng hapon. Habambuhay na palubog ang araw. Madilim sa tanghali pero mas maliwanag sa gabi. Parang papikit ang langit pero hindi tuluyan.

Sagwan lang ako ng sagwan habang nakapako ang mata ko sa papalubog na araw. Sagwan lang ako ng sagwan papunta sa gitna ng ilog.

Kinakausap ng mga mata ko ang araw. Inaantok ka parin ba? Hindi ka rin ba makatulog?

 

“‘San ako pupunta?” nabasag ang mga salita ko sa araw dahil sa boses ng babae.

 

“Sa gitna ng ilog” sagot ko.

 

“Ibig kong sabihin. San ako mapupunta?”

 

“Bigla ka lang mawawala sa gitna”

 

“Hindi sa langit?”

 

Napangiti ako.

 

“Hindi porket dinadala mo sa langit yung asawa ng pumatay sayo, dun ka na rin niya gustong mapunta.” pagbibiro ko. “Siguradong hindi ‘dun ang intensyon niyang dalhin ka…”

 

“Sa impyerno pala ko mapupunta dahil nagmahal lang ako?”

 

Sa totoo lang. Hindi ko alam. Simula ‘nung mamulat ako ganito na ang ginagawa ko. May lilitaw na tao sa kabila, ihahatid ko sa gitna. Parang nakatanim sya sa pagkatao ko na yun ang dapat kong gawin. Hindi ko alam kung saan man sila napupunta.

Malapit na kami sa gitna ng ilog. Malapit na syang lamunin ng hamog hanggang sa hindi ko na sya makikita. Tuloy tuloy na luha na lang ang iyak niya at wala nang tunog. Mas nakakalungkot. “Hindi ko alam kung saan ka papunta. Pero, malay mo... Malay mo… may totoong pagibig ‘dun?”

 

Pinilit niyang ngumiti at tumingin sakin “sana wala syang asawa”

 

Mahinahon na tawa ang pinagsaluhan namin. Unti unting dumating ang hamog ng kabila. Dahan dahang syang nawala kasabay ng hamog sa gitna ng ilog.

 

Ibat-ibang tao ang natawid dito. Pagkahatid ng isa, may isa nanaman. Kailangan ko nang bumalik para sa susunod na tatawid. Natatagalan ang tulala ko sa dulo ng bangka. May nararamdaman akong panghihinayang sa mga panahon na ‘yun. Pakiramdam ko lahat ng emosyon ng natawid ay naiiwan sakin. Kung sana mas naintindihan niya nag buhay, mangyayari ba ang lahat ng ito?

 

DALOY.

 

Salitang binabanggit ko para anurin ang lahat ng iniwan nila sa ilog. Pagsisisi, ligaya, tagumpay, lungkot, galit, ngiti. Daloy.

 

 

 


 

 

Ito nag buhay ko sa loob ng milyung-milyong taong dumadaan sa ilog na ‘to. Wala akong alam sa kahit anong mundo. Lahat ng alam kong buhay galing sa mga taong nasakay dito.

 

Madalas may mga taong hindi matanggap na dun na natatapos ang buhay nila. Minsan naman may mga handa nang sumakay. Iba’t iba ang tanong o mga sinasabi nila kapag sa unang pagkakataon ko silang makikita sa tabing ilog na takang tak habang nakatayo sa mga malalaking bato ng ilog. Marami silang tanong kapag sinabi kong nasa kabilang buhay na sila.

 

Kabilang-buhay. Ito ang tawag nila sa lugar na ‘to. Meron silang mga buhay bago sila lumitaw sa ilog. Dumaan sila sa pagkabata. Dumaan sa alaga ng tinatawag nilang Ina at sa proteksyon ng Ama. Meron silang mga kaibigan. Meron silang pamilya. Meron silang mga tagumpay - at mga pagsubok. May mga walang ibang ginawa kundi habulin ang pera. Kayaman ang isa mga mahahalagang bagay na nagpa andar ng tinatawag nilang buhay.

 

Mahirap maniwala sa lahat ng sinasabi nila. Bakit? Wala ni isa dun ang dala dala nila para ipakita sakin. Walang may dala ng pera. Walang may dala ng tagumpay. Walang may kasamang pamilya o kaibigan. Lagi silang mag-isa.

 

Wala silang bitbit sa bangka kundi alaala. Ang mga emosyon lang nila ang dala nila sa ilog. Mga emosyon na aagusin lang ng ilog oras na mawala sila. Daloy.

 

“Hindi pa ‘ko handa, pwedeng dito na lang ako?”

“Ito na ba talaga yung kabilang buhay?”

“Ikaw ba si kamatayan?”

“Mabait naman ako ah”

 

Una sa lahat, sino ba sa inyo ang handa? Maraming tao sa tabing ilog na ‘to ang nakarating dito sa sarili nilang kagagawan. Mga naglaslas, naglason, tumalon sa tulay, at iba pang paraan para mapunta dito pero inaamin nila saking hindi pa sila handa. Karamihan sa kanila, kapag naramdaman ang paligid - katahimikan ng ilog, ang malungkot na antok ng araw, bulong ng mga naglalakihang puno sa gubat - nasasabi parin nilang masarap mabuhay.

 

“Kung sana ganito katahimik ang buhay, gusto ko sanang manatili”. 

 

May mga taong magulo ang buhay kaya nila pinipiling umalis? Alam ko, may mga ilog din ang buhay. Meron din kayong oras na antok ang araw at may mga mas malalaki kayong mga puno. Bakit kailangang umalis sa buhay kung ito lang ang hinahanap ninyo?

 

Pangalawa, Hindi ko alam kung ito ang kabilang buhay na napangako ng buhay na meron kayo. Hindi ko alam kung nasa gitna ang mundong ‘to. Ang alam ko lang, dito niyo madalas natatanggap na magbabago na ang mundo niyo mula dito. Dito dadaloy lahat ng dapat maiwan sa kung saan man kayo galing. Kung anong sugat man o ligaya ang dala ninyo. Dadaloy lahat sa ilog. Daloy.

 

Pangatlo, Wala kayong makikitang patay sa kung nasaan man tayo. Buhay ang ilog at mga bato. Kahit ang bangkang meron ako. Hindi ako kamatayan. Hindi ako naniniwala sa kamatayan. Naniniwala akong walang hanggan ang buhay. Ang hinga ng isang tao. Walang katapusan ang lakbay. Walang kamatayan. Isa lang akong lingkod na tagahatid sa susunod na kabanata.

 

Panghuli, hindi ako ang nagpapasya ng mabuti o masama. Hindi rin ako sigurado kung mabuti ako. Mabuti nga ba na dalhin ko kayo sa isang lugar na hindi ko alam? Hindi ko alam. Isa lang akong parte ng ilog. Kasama ng daloy. Iniisip ko na kayo rin. Kasama tayong lahat sa isang daloy na hindi natin alam. Mabuti o masama, kung anong mapagdesisyunan ng ilog kung saan man mahati ang daan, hindi ko alam.

 

Madalas masungit lang ako sumagot. Kasi naman diba,’yung iba sa inyo, ilang taon lang maging registrar at matanong ng paulit-ulit mga nagsungit na. Ako pa kayang simula mamulat ganito na ang ginagawa.

 

Isipin mong kailangan kong magpaliwanag ng paulit ulit sa kung nasaan kayo. Anong nangyari (Wala akong ideya kung anong totoong nangyari sa kabilang buhay niyo, alam ko lang, bigla na lang kayong lilitaw dito.)

 

Madalas masungit ako. Madalas matipid ako magsalita. Minsan ayoko nang marinig ang mga kwento ninyo dahil karamihan sa inyo pare-pareho lang.

 

Minsan naman din gusto kong makinig. May mga dumadaan sa inyo dinadaan sa biro ‘yung mga nangyari. Hanga ako sa mga tulad niyo. Malaking pagbabago ang nangyari sa buhay ninyo pero nanatili kung sino kayo. Masaya.

 

Alam ko, na emosyon ang saya o ang lungkot. Pero meron sainyong hindi ‘to emosyon. Marami sa inyong parang ito na ang buong pagkatao.

 

Sa katunayan, hindi lang masaya. Pagasa, pagmamahal, pagtitiwala, pananampalataya. Nakikita ko ang buong buhay niyo sa iisa o iilang emosyon na dala dala niyo. Mga kwento ng mga ganitong tao nag gusto kong marinig. 

 

“Manong wala ka bang life-jacket? Baka malunod mga magiging pasahero mo oh” napangiti ako ng hindi ko sinasadya. Biro ang tawag niyo sa ganitong pakikipag usap diba?

 

Anong meron sa kabilang ilog, mamang bangkero?” ito ang madalas nilang tinatanong.

 

Depende.” Hindi ko talaga alam. Hinahatid ko lang sila sa loob ng makapal na hamog sa gitna ng ilog at sadyang mawawala na sila sa gitna. Gusto kong isipin napupunta sila sa lugar na nasasagot ang tanong nila.

 

Pero may mga kasong kakaiba ang nangyayari.

 

“Ayokong tumawid!!!” 

 

Isang lalaki minsan ang nagwawala na ayaw tumawid. Kahit anong pilit ko dahil wala na syang ibang pupuntahan, ipinipilit niyang umalis.

 

Pinilit ko rin syang pigilang tumakbo papasok sa kagubatan. Napaalis ako sa bangka para habulin sya, hawakan sa mga braso para mapigilan.

“Walang gubat! Hindi totoo ang gubat! Walang gubat!!!”

 

Walang gubat. Pawang alaala lang ang laman ng buong senaryong ito. Hindi kayo pwedeng lumabas sa mga senaryo ng isip nang hindi natawid sa ilog. Hanggat may hawak pa kayong emosyon, hanggat may hawak kayong hindi kailangan sa labas ng buhay na ‘to, hindi kayo pwede umalis.

 

Kailangan idaloy sa ilog ang kahit anong hawak ninyong galing sa naunang buhay.

 

“Bitawan mo’ko! Hindi ako natatakot sa gubat! Alam ko kung saan mo ko dadalhin!!!” hindi ako ganun kalakas para pigilan syang magwala. Patuloy lang akong kumapit sa braso niya para ilayo sya sa makapal na gubat - para mapanatili sya sa tabing ilog.

“Kailangan mong dumaloy! Kailangan mong dumaloy!!!” sigaw lang ako ng sigaw.

“Alam ko kung saan mo ko dadalhin! Oo! Pinatay ko sila! Pero dahil pinatay nila ang anak ko! Dadalhin mo ko sa impyerno kung nasan sila!!! Dalhin mo ‘ko sa anak ko!!!”

 

Alam ko kung saan nanggagaling ang lakas niya. Galit. Malakas at umaapoy na galit. Lalo ko pang hinigpitan ang kapit sa braso niya. Kailangan mong dumaloy.

 

Hanggang sa naubos ang lakas ko. Nabitiwan ko sya. Wala akong walang hanggang lakas hindi tulad niya. Kaya niyang makipagbuno sa tagal ng panahon para lang makita ang anak niya muli.

Pero wala sya sa gubat.

Kung tunay ang kagustuhan niyang makita ang anak, bakit patuloy syang nalayo sa lugar na kung nasaan sya?

Kung magiging bukas sya sa pagpapatawad. Hindi ko sinasabing huwag syang magalit. Ang iniisip ko lang. Hanggang kailan?

At bakit patuloy kayong nagagalit kung ito na ang malinaw na naglalayo sa inyo sa taong nawala sa inyo na dahilan ng galit ninyo sa simula pa lang?

 

Tuluyan syang kinain ng madilim na gubat malayo sa ilog. Hindi ko na sya nakita ulit.

 

Parang naririnig ko ang gubat na nagsasabing:

Wala ka nang ibang magagawa.

 

May mga dumating na mga bagong tatawid. Nagpatuloy ako sa sarili kong ginagawa.

Gayunman, may mga panahong napapatingin ako sa gubat. Nagdadasal na maisip niyang lumabas at magpasya bitawan ang galit. 

 


 

 

“Kuya, nasaan ako?” Bata naman ngayon ang dapat ihatid. Grade 3. Naka uniporme pa.

 

Nasaan ang mama ko? Nasa kabilang kalsada lang si Mama. Sinubukan ko lang tumawid mag isa. Pero hindi ko na sya malingon. May binili lang ba sya?” 

 

Hindi ako nagsasalita. Mahirap magpaliwanag sa isang bata kung anong nangyayari. Wala pa silang alam sa kung anong nangyari. Inosente ang mga mata niya sa ilog at sa gubat. Pinilit kong magpakita ng ngiti para pagkatiwalaan niya ako.

 

Inabot ko ang mga kamay ko sa mga kamay niya.

 

“Tara na bata, tawid na tayo” Walang kwento sa ikli ng buhay ng isang bata. Wala akong maririnig na mga pangyayari sa naunang buhay. Hindi ko sya matatanong ng mga pagsubok at pagtatagumpay. Wala pa syang alam.

 

Nagkahawak ang kamay kong kinalyo na kakasagwan at ang maliit niyang kamay.

 

May naramdaman akong hindi ko pa nararamdaman sa haba ng panahon. Ang sarap sigurong mabuhay. Mainit ang kamay niya. Maligaya ang ngiti niya sa isang taong ngayon niya lang nakita.

 

Walang nang mas purong tiwala at pananampalataya meron ang isang bata.

 

Ang sarap sigurong mabuhay. Gusto kong mabuhay.

 

Malakas na liwanag ang bumulag saglit sa amin pareho. Pagmulat ko -

 

Bigla syang nawala. Hindi sya nakasampa sa bangka ko. Alam kong hindi ‘yun palaging nangyayari, pero may mga ganung pangyayari na sa nakaraan.

 

Ibinalik sya ng naunang buhay. Hindi niya pa panahon para tumawid. Napangiti ako. Marami pang makakakita ng ganung ngiti - ganung tiwala. Napadasal ako sa harap ng ilog - gusto kong makita ang ganitong kabutihan. Gusto kong mabuhay.

 

“Nasaan ako?” isang lalaki na ang lumitaw. Kailangan kong ituloy ang gawain ko.

 

Paliwanagan ang mga natawid.

 

Agad naman syang sumampa sa bangka. Nakwento niya ang trabaho niya. Driver kotse ng isang pamilya. May limang anak at nasa kolehiyo lahat kaya kinakailangan niyang maglako ng balot sa gabi.

 

Nag aalala ako, kuyang bangkero. Bago ako bumangga, may nahagip akong batang lalaki...” gawa ng antok kaya sandali syang nawalan ng kontrol sa minamaneho.

 

Napangiti ako sa sinabi niya. Kasiyahan ang bumalot sa lugar. Napangiti ang antok na araw, sa ganitong pagkakataon. Ganito ba ang pakiramdam ng buhay?

 

Nakabalik sya, Manong. Buhay ang bata.

 

“Mabuti naman. Diyos ‘ko, mabuti naman. Patawarin niya nawa ako.”

 

Nakita ko ang ngiti ni Manong. Napatawad.

 

Dahan dahan syang binalot ng hamog sa gitna ng ilog. Ito ang mga huling salita niya, isang panalangin sa batang kisapmata niya lamang nakita:

“Mabuhay ka. Maging maligaya. magmahal . Magkamali at matuto. Gabayan ka nawa ng maylikha ng buhay. Masarap mabuhay.”

 

Nawala sya sa gitna ng ilog na may ganitong mga salita. Naiwan sakin ang emosyong dala dala niya. Punong puno sya ng pag-asa.

 

Gusto kong mabuhay.

 

Kinakausap ko ang antok na araw, ang ilog at ang madilim na gubat.

 

Daloy.

 

Oras na. Gusto kong dumaloy sa buhay.

 

Tumindig ako sa gitna ng lugar na ito. Kung saan walang nangyayari. Kalakip ng bawat kwento ng tao sa isang estrangherong katulad ko - sa isang bangkero.

 

Tumalon ako sa daloy ng ilog. Dahan-dahan kong naramdaman ang tubig na yumayakap sa pagkatao ko.

 

Nakapikit lang ako. Naghihintay sa mangyayari.

 

Unti unting umiinit ang tubig.

 

“Siyam na buwan” bulong ng antok na araw. “Hanggang sa muli” at unti unting siyang natulog at lumubog. Dumilim ang natuloy na takipsilim. Nahimlay ako sa kauna-unahang pagkakataon.

 

Kalakip ng pagkakahimlay ko ay isang panalangin.

 

Nawa ay ‘wag kong malimutan ang mga natutunan ko sa lahat ng taong nakilala ko sa ilog.

 

Nawa ay masulat ko ito sa puso ‘ko.

 

At kung sakaling makalimot, naasa ako na balang araw - sa kahit anong paraan o sa kahit kanino mang akda - mabasa ko ang kwentong ito. Maalala kong pahalagahan ang buhay na meron ako.

 

Patuloy na lumaban kahit mahirap.

 

Patuloy na dumaloy.

 

Daloy, mamang bangkero. Daloy.

Others you might like: