Tingin mo, mas lilinis ang mundo?
Kung wala sana si mang kaloy na pasakit sa buhay ko?
Kung wala yung motor niyang nakaharang sa daan,
Kung wala sana akong tae ng aso niyang natatapakan.
Wala nang laging manenermon tuwing wala akong pambayad ng utang.
Walang bungangerong nagsasabing lagi akong nagsasayang.
Tingin mo, mas lilinis ang mundo?
Kung hindi na pinanganak si tita flora chismosa.
Kung biglang tumalsik sa buwan si ate terya mahadera.
Kung masagasaan ng bus yung mayabang naming kasera.
Tingin mo, mas lilinis ang mundo?
Kung biglang mawala si mang lando.
Kung bigla syang atakihin sa puso.
Wala nang mandadarag sakin ng limampiso kada daan ko.
Tingin mas lilinis ang mundo?
Kung mawawala lahat ng taong kinakainisan ko?
Ang ganda siguro nun, diba?
‘Yung mawala lahat ng nag iisip na sila lagi ang tama.
Mawala ‘yung mayayabang na laging nagpapasasa.
Ipipikit ko ang mata ko ngayong gabi na may isang hiling.
Sana kahit papano, ang langit sa dasal ko naman bumaling.
Sana sa maliit kong “kahit papano”,
luminis manlang ng konti ang mundo.
---
Nagising ako isang umaga sa ilalim ng salamin.
Sa higaan na hindi naman sa’kin.
Sa boses ng Pari at ng mga pekeng nananalangin.
Pinilit kong ikilos ang katawan ko pero diretso parin.
Sumilip si rico sakin na tinuring kong kapatid.
Sa gantong panahon, Inaasahan kong iiyak sya ng walang patid.
Sa halip, iba ang narinig ko sa kanyang bibig.
habang sa mga patay kong mata sya nakatitig.
Hindi man natibok at wala man maramdaman ang puso
Para akong minartilyo at pinako,
Sa mga huling salitang narinig ko:
“Tingin ko, mas luminis ngayon ang mundo...”