Hanapin mo, oh bata,
ang tulang walang tinta.
Grupo ng hindi pa nasasabing salita
Sa labi ng nakatagong makata.
Tila mahikang nakaharang sa mahiwagang parang.
Malaya sa lawak, walang may hawak.
sumabay sa ikot ng hangin, isipin, hanapin.
Tawagin mong “Akin”.
Pakinggan mo, Oh sinta.
Ang awit ng pangarap mong nasa tala.
Lumakad sa ‘di pa nakikita
Baguhin and nakagisnang linya.
Humakbang palabas ng rehas.
Lumipad gamit ang lakas.
makalipas ang ilang pagaspas
Susundan ka ng nagnanais ding lumikas.
Pakpak mo’y lilipas - hindi ang landas.
Marapatin mong lingunin, patibayin, harapin.
Tawagin mong “Atin”.
Iguhit mo, oh mahal.
Ang larawang nakita mo nang matagal.
Huwag kang papagapos sa silya
Gayong may gulong ngunit nakatali sa mesa
Kung san may pang tipa na may pekeng laya ng pagsasalita.
Iguhit mo ang tunay na mahika
Mahiwaga at kamangha-mangha.
Huwag papigil sa salitang nais sumira.
Huwag mong isara ang laya ng pag-asa.
Ipakita, Ipamana, matago nila sana
Tawagin mong “Kanila”.
Balang araw
ikaw ang dadalaw
sa nasaklaw
ng pumanaw kong ilaw.
Pagpunta ko sa pahinga
ng lahat kong nilikha
- sa alaala.
Matandaan mo sana
Ang tulang walang tinta.
Tandaan, pagisipan, manahan sa limliman ng kaalaman.
Bigyan mo ng kalayaan.
May sining ang awit sa puso mong kung saan.
Kapag nabasa ang mga salita saking tangan
Tawagin mong “Tahanan”.