ClickBalang - Chapter 10

#8letters #mitolohiyaPH #filipino #myth #tagalog #novel #chapter

Chapter X: Way Out

 

“Natatakot ka?” tanong ni Joseph kay Carie habang nakaupo parin sa sala. Naghihintay ng pagsugod ni Bagwis.

“Hindi friend.” agad na sagot ni Carie. Hindi tugma ang panginginig ng kamay nito sa sinasabi habang hawak ang bakal na tubong sandata.

“Hindi ko hahayaang saktan niya kayo.” pangako ni Joseph.

“Friend, Nakakaloka ka. Kailan ka naman nakipag-away kahit simpleng suntukan.” pangungutya ni Carie.

“May plano ako.” sagot ni Joseph. Napangiti naman dito si Carie. Tiwala s’yang matalino ang kaibigan.

 

Walang plano si Joseph. Alam niya lang na ito ang magpapakalma sa kaibigan.

 

Kumapal ang hamog sa sala. “May nasusunog bang niluluto si tita?” pagtataka ni Carie. Kilabot naman ang bumalot kay Joseph. Hamog ‘to ng gubat. Gubat sa bundok kung saan s’ya unang naligaw. “‘Wag kang lumayo sa-” naputol ang sinasabi ni Joseph nang hindi niya maabot ang mga kamay ni Carie. Paglingon niya sa kinauupuan nito, wala na ang kaibigan.

 

“Carie!” sigaw niya.

“Ma! Pa!” tuloy tuloy ang sigaw niya sa loob ng bahay ngayon na nababalutan na ng hamog ng bundok.

 

Kinapa-kapa niya ang paligid. Wala na ang mga kagamitan ng bahay nila. Sa kaunting paglakad niya, nagulat siyang puno na ang nahawakan. Humakbang sya ng tatlong hakbang para malaman kung puno ang susunod niyang makakapa.

 

“Tama nga.” bulong niya. Pilit na pinapakalma ang sarili. “Pattern #4” pagkumpirma niya. Nasa gubat s’ya ulit. Naririnig niya ang takbo ni Bagwis. Hinanda niya ang sandatang hawak. Nang mapansin niyang ang inaasahan mabigat na bakal ang hawak, naging maliit na patpat na sanga ng puno. Binato niya to sa gubat.

 

Hinanda ang kamao sa pakikipaglaban.

 

“Tatakbo ba ‘ko? Lalaban? Talong talo ako sa suntukan” mabilis na naandar ang isip ni Joseph habang naririnig ang takbo ni Bagwis. Pilit niyang inaalala ang mga pattern ng gubat. Lumingon s’ya sa paligid at inaral ang ayos ng mga puno.

 

Pattern #10. Agad s’yang tumakbo sa kaliwa para takasan si Bagwis. Kung kailangan niyang tumakas ngayon para makahingi ng tulong, gagawin niya. Kung kailangang kalbuhin niya ang buong gubat para lang maprotektahan ang buong pamilya at kaibigan, gagawin niya.

 

Mabilis ang takbo niya.

Pero mas mabilis ang takbo ni Bagwis. Nagpalit ang pattern na naglagay ng malaking puno sa harapan niya. Agad s’yang nabangga dito na nagpahiga sa kanya. Napasigaw s’ya sa sakit ng pagkakabangga.

 

“Joseph.” pamilyar na boses ang tumawag sa kanya. Boses ni Bagwis.

 

Nilingon niya ‘to sa bandang kaliwa habang nahihilo sa pagkakabangga sa puno. Pinilit niyang tumayo pero hanggang pag-upo lang ang kinaya ng mahina niyang katawan.

 

“Nasan ang pamilya ko!” pinilit niyang malakas ang sigaw.

“Wala sila dito.” sagot ni Bagwis.

“‘San mo sila dinala?” madiin ang boses ni Joseph.

“Wala sila dito.” paguulit ni Bagwis.

“Nasaan sila!” ubos na ang pasensya ni Joseph.

“Hinahanap ka nila.” mahinahon ang sagot ni Bagwis. Pinipilit kumilos ni Joseph pero hindi niya na maiangat ang buong katawan sa sakit na nararamdaman sa pagkakabangga sa puno.

 

“Malamang hinahanap nila ‘ko.” sarkastikong sagot ni Joseph.

“Hindi ka umalis sa gubat, Joseph.” paglilinaw ni Bagwis.

 

“Ha?” Litong tanong ni Joseph.

“Hindi ka umalis.” pag-uulit ni Bagwis. “Nandito ka sa buong pangyayari. Hindi ka umuwi. Hindi ka gumawa ng ClickedT. Hindi totoong iniligaw natin ang mga tao gamit ang internet. Ang totoo, tatlong linggo pa lang ang nakakalipas sa mundo mo. Nandito ka sa gubat sa buong pangyayari.” paliwanag ng tikbalang.

 

“Iniligaw kita sa gubat ng sarili mong isip. Sa sarili mong pag-aalala.” huling sabi nito.

 

Hindi napansin ni Joseph na tumulo ang luha niya. Lungkot? Panghininayang? Saya dahil hindi niya ginulo ang buhay ng mga tao? Hindi s’ya sigurado. Ang mahalaga, alam niya ang katotohanan. Walang ClickedT.

 

Hindi totoong pinakawalan s’ya ni Bagwis.

 

“Kailangan nating mag usap.” banggit ni Bagwis habang umuupo sa malaking bato.

 

“Anong natutunan mo?” tanong nito.

 

Huminga ng malalim si Joseph. “Marami.” inayos niya ang pagkakasandal sa isang bato malapit sa likuran niya. “Unang-una, pagmamahal sa mga taong mahahalaga sa’kin. ‘Yun ang mahalaga…”

 

“Bakit mo ‘ko kinulong sa isip ko? Trip mo lang?” tanong ni Joseph.

 

“Gusto kong malaman ang tungkol sa pagmamahal.” diretsong tanong ni Bagwis. “Ginagawad ang kapangyarihan ng pagmamahal sa inyong mga tao. Maari nitong ibalik sa kapayapaan ang lahi ng mga tao at lahi ng mga tikbalang.”

 

“Ahh.” naintindihan ni Joseph ang gustong sabihin ni Bagwis. “Kung nakita mo lahat ng nangyari. Makikita mong bulag rin kami sa totoong pagmamahal. I mean, hindi namin malalaman ang pagmamahal kung hindi ingudngod sa pagmumukha naming ‘yun na ‘yun.” napangiti si Joseph.

 

“Nakikita namin ang pagmamahal sa pinakamababa yugto sa buhay. Kapag nagalit sa’yo ang buong mundo, pero may mga taong mananatili. Kagaya nila Mama at Papa. kagaya ng kaibigan kong si Carie. Totoo, nabubulag kami ng ibang emosyon. Nabubulag kami ng kasikatan, kapangyarihan, ng sakit, ng kagustuhan naming matanggap kami ng ibang taong wala namang pakialam sa’min. Pero sa huli, kapag dumating ang panahong mabura ang lahat. Mawala ang lahat, lalabas ang purong pagmamahal.” paliwanag ni Joseph.

 

“Nagkakagulo ang mga tao sa mga bagay na hindi mahalaga. Nalilimutan naming magmahalan. Natutunan ko na ilusyon ang social media. Ilusyon ang pagmamahal ng mga taong hinihingian mo ng pagtanggap. Dahil ang mga taong mahal ka, hindi mo hihingiin. Mamahalin ka nila, at mamahalin mo sila pabalik.” paliwanag niya.

 

“Tingin mo, posibleng maramdaman ‘to ng lahat ng tao?” may paghingi ng pag-asa sa boses ni Bagwis. Ito ang tunay niyang plano. Kung magkakaroon ng pagmamahal ang mga tao. Ang totoong pagmamahal, totoong pagtanggap sa pagkakaiba ng tao at tikbalang, mababalik ang kapayapaan sa dalawang lahi. “Tingin mo, posible ‘to sa mga tikbalang?” pagtatanong niya sa binata.

 

“Hindi ko alam, Bagwis. ‘Di ko alam ang anatomy niyo.” pag-amin ni Joseph. “Pero para tulungan ako ng isang gaya mo. para tulungan mo ang isang taong katulad ko. Na pwede mo na naman akong pabayaan. Isang uri na ‘yan ng pagmamahal.”

 

“Siguro, naiisip kong lalabas ang pagmamamahal sa malasakit mo sa mga bagay na mahalaga. Totoong mahalaga.” napaisip si Joseph. “Teka, ibig sabihin, walang competition ng pinakamaraming naligaw na tao?”

 

“Wala” payak na sagot ng Tikbalang.

“Bale, ginawa mo lang ‘to para makita ang gagawin ng tulad ko sa sitwasyon na magkaroon ako ng kapangyarihan?”

“Tama. Kailangan kong makita kung karapatdapat kang tanungin ng mga ganitong bagay. Nakita mo at alam mo naman ang lahi niyo. Kapag tinanong kita nang hindi napapatunayan ang kakayanan mo sa mga nangyari, bibigyan mo lang ako ng sagot na naayon sa gusto mong mangyari. Sasagutin mo lang ako ng gusto kong marinig para palabasin kita ng gubat. Ngayong naranasan mo sa gubat ng ‘yong isip ang kahalagahan ng lahat, masasabi mo sa’kin ang totoo.”

“Hindi ko alam, Bagwis, kung matutulungan kitang baguhin ang isip ng mga tao at gumawa sila ng mabuti para sa kapakanan ng pagmamahal. Wala akong kapangyarihang mapapasunod sila.” kawalan ng pag-asa ang tunog ng boses ni Joseph.

 

“Isa kang mabuting simula.” sagot ni Bagwis.

 

“Ngayong alam mo na ang katotohanan ng mga Tikbalang, anong gagawin mo?” paglitaw ni Hiraya mula sa mga punongkahoy sa likod ni Bagwis.

 

Nagulat si Joseph sa paglitaw ng isa pang tikbalang. Sumenyas si Bagwis na ‘wagg mag-alala. “Siya si Hiraya.” pagpapakilala ni Bagwis. “Nangako s’yang makikipagisang dibdib sa’kin kung makumbinsi s’ya sa isasagot mo sa tanong niya.”

 

Napakunot ang noo ni Joseph. ‘Bat ‘di na lang kayo maglandian ng sa ‘inyo? Bakit damay ako? Ito ang nasa isip niya. Dito niya naalala na hindi sa pagmamahal ang pagiisang dibdib ng dalawa kundi para sa ikalalakas ng kaharian.

 

“Alam niyo, Bagwis, Hiraya,” sabay tingin niya sa bagong tikbalang na lumitaw. “Iba-iba na ang uri ng mga tao ngayon. Ito ang natutunan ko sa mga nangyari. Iba-iba sila ng magiging opinyon. May mga magsasabing ‘ganito ang dapat mong gawin para mahalin ka namin’ pero kinailangan kong piliin ang mahalaga at sinasabi ng kung anong tama. Sa pagdagdag ng tikbalang sa buhay ko, naisip kong may pag-asa tayo sa pagkakaiba ng kung papano tayo mabuhay.” pagsisimula ni Joseph.

 

“Nabully ako nung bata ‘ko. Dahil utal ako magsalita…” pag-amin niya. Sa totoo lang, may kalayaan sa pag-amin ng mga hindi magandang nangyari sa nakaraan. Pero nandito rin ang pagkatuto. Ang tapang na magsalita ng tuwid dahil wala na s’yang tinatago.

 

“Inisip kong lahat ng tao, kagaya nila. Ang nangyari sa’kin sa viral video. Ang komento ng mga tao sa’kin. Inakala kong ganun silang lahat. Pero mali ako. May mga taong naniniwala sa’kin. Inaantay nilang humingi ako ng tulong. Iba sila sa mga taong nanakit sa’kin. Hindi tayo pinaghihiwalay ng lahi. Hindi ako naihiwalay sa mga tao dahil utal ako, o minsan akong nanakit ng kapwa. Pinaghihiwalay tayo ng kakulangan ng pang-unawa sa iba.”

 

“Kung bibigyan natin ng pagkakataong makilala ang bawat isa. Kung gagawin natin ang tama para sa pagmamahal, walang magagawa ang pagiging magkakaiba natin. Mas makikilala natin ang iba at makikita na hindi tayo iba sa kanila. Kung sanang ginawa namin ang tama na naayon sa gubat, kung gagawin namin ‘to para sa mga tao o lahing mahal namin, walang magiging problema.” huminga s’ya ng malalim.

 

“Kung magiging mabuti tayong lahat sa isa’t-isa. Kung gagawin natin ‘to hindi para sa mga sarili nating kapakanan, dun matatapos ang pagkakahiwalay natin. Tapos na kong maging makasarili, nakita natin parepareho ang nangyari nang gumawa ako ng isang bagay para sa sarili kong kapakanan. Nalimutan kong tumulong dahil lang minsan ko ‘tong kinapahamak.” tumingin s’ya sa paligid. “Sa huli, pagmamahal ng mga taong mahalaga sa’tin ang magbibigay ng lakas para patuloy na maniwala. Patuloy na maniwalang may mga kagaya nila sa dagat ng mga bashers. Na mayroong isa sa kanilang bibigyan ka ng pagkakataong magpaliwanag at magbago.”

 

Hindi makita ni Joseph kung kumbinsido si Hiraya sa mga sinabi niya. Siguro gulo-gulo pa ang mga sinabi niya dahil nabagok ang ulo sa puno. Tahimik lang ang dalawang tikbalang.

 

“Salamat sa pagmamahal sa mga tao, Bagwis. Alam ko, hindi ka naniniwalang may pagmamahal ka sa puso, pero sigurado akong pagmamahal ang nag-udyok sayong ipakita sa’kin ang totoong mahalaga. Nakita mo akong naliligaw, hindi sa gubat kundi sa sarili kong pag-aalala, kaya ginawa mo ang buong ilusyon sa isip ko para makita ko ang totoo. Kakaiba kang tikbalang. Imbis na iligaw mo ‘ko, tinuro mo sa’kin ang daan.” huling banggit ni Joseph.

 

Dito naramdaman at naalala ni Bagwis ang pagmamahal. Nang makita niya ang purong liwanag nitong lumabas sa katawan ni Kusog at Tala. Dito niya naramdaman na may natanim sa puso niya simula noon. Pag-asa. Pag-asang lalabas ang pagmamahal sa tao o kahit sa tikbalang.

 

Sa unang pagkakataon sa napakatagal na panahon, lumitaw ang pagmamahal sa pagitan ng tao at isang tikbalang.

 

Sa pagitan ng pagkakaibigan niya at ni Joseph.

 

“‘Wag mong kakalimutan ang katotoohanan. ‘Wag mong kakalimutan ang tunay na mahalaga.” huling wika nito sa kaibigan.

 

“Salamat, Bagwis.” bulong ni Joseph.

“Salamat, Joseph.” huling narinig niyang wika ni Bagwis.

 

Unti-unting naramadaman ng binata ang pagod. Pinikit niya ang mga mata. Hinayaang mahawi ng hangin ang dilim ng gubat at palitan ng liwanag ng umaga.

 

♦♦♦

 

“Joseph!!!” sigaw ng kaibigang si Carie ang gumising sa kanya.

“Nasaan ako?” tanong niya habang pagod na pagod ang boses.

“Buti nakita ka na namin!” naiiyak na sigaw ng kaibigan.

“‘San ka nagpunta?” sunod na tanong nito habang napapansin niyang madaming tao sa paligid. Rumaradyo ang iba dito.

 

“Sir, nakita na namin ‘yung lalaki.” report ng isang rescue.

 

Nakaupo pa rin s’ya sa bato kung saan s’ya umupo sa pag-uusap nila ni Bagwis. Agad s’yang binigyan ng tubig at pagkain para hintaying magkaroon ng lakas.

 

Maya-maya pa, nagkaroon na ng lakas magkwento si Joseph.

 

“Hinahabol kita, Carie. Kasi ambilis mo maglakad.” kwento niya.

“Tama lang ang lakad ko nun, nagulat lang ako nang paglingon ko, wala ka!” pagalit na ang sagot ng kaibigan ngayong nakita niyang ayos lang si Joseph.

 

“Ilang linggo na kaming naghahanap. Alalang-alala kami.” tuluyan nang umiyak si Carie sa tuwa na tapos na ang paghahanap nila kay Joseph.

 

“Naku sir! Baka na engkanto ka. Madami talagang nagaganyan dito.” sabat naman ng isang rescue.

“Ewan ko.” alam ni Joseph na hindi ito ang panahon para ikwento ang lahat ng nangyari. Balang araw, makukwento niya ‘to lahat kay Carie. Balang araw sasabihin niya na ang pagmamahal ng kaibigan at pamilya ang nagturo ng daan sa kanya palabas sa nakakaligaw na gubat ng isip niya. Sa ngayon, hahayaan niya munang magdiwang ang mga ‘to na hindi s’ya tuluyang nawala sa gubat.

 

“Oo nga pala friend.” pagsisimula ng bagong usapan ni Carie. “‘Wag ka nang mag-alala sa mga bashers mo. Nang maglabas kami ng balita na nawala ka, nakonsensya ‘yung babaeng hinipuan ni Manong Grasa. Nagpost s’ya na gusto mo lang s’yang tulungan. Natakot s’yang magsalita nung binabash ka dahil baka mabash din siya. Alam mo naman ‘tong bansang ‘to ang hilig mang victim-blaming. Kaya ayun, bayani ka na sa social media. #FindingGentleman ang naging hashtag para mahanap ka sa gubat.” kwento ni Carie.

 

“Pero ilan ang totoong naghanap sa’kin?” pabiro ang boses ni Joseph.

“Eh syempre kami kami lang dito! Sila tito at tita nasa baba, naghahanap din sila kanina pero syempre alam mo na, nakakapagod ‘tong bundok.” sagot ni Carie.

 

“Salamat, sa paghahanap sa’kin.” taos-puso ang pasasalamat ni Joseph sa kaibigan.

 

Wala nang pakialam si Joseph kung naging bayani man s’ya sa social media o binabash pa rin s’ya. Ang mahalaga, nakita niya ang katotohanan nito. Panlabas ang mabuting pinapakita nito. Kung anong mabuting makita ng iba, ito lang ang ipapakita. Naisip niyang hiwalay ang social media sa mga totoong magaganda sa mundo. Lumingon-lingon s’ya sa kalikasan. Totoong maganda ‘to. Sana mas mapanatili ng mga tao ang ganitong kagandahan.

 

Sa ilang minutong nagpapahinga s’ya sa bato, minabuti niyang magyaya na pababa ng bundok. “Gusto ko nang makita sila Mama, para mawala na ang pag-aalala nila.” paliwanag niya. Kahit na nairadyo na sa mga rescue sa paanan ng bundok na ligtas s’ya, alam niyang nag-aalala pa rin ang mga magulang hanggat hindi s’ya nakikita.

 

Sa paglalakakad pababa ng bundok, biglang umulan sa gitna ng tirik na araw.

 

“Ano ba ‘yan!” reklamo ni Carie. Napangiti lang si Joseph. Alam niya ang nangyayari. Nakumbinsi si Hiraya sa mga sinabi niya

 

Nawa maging malakas ang kaharian nila at maprotektahan nila ang gubat. Nawa magkaroon ng pagmamahal sa mga tikbalang at magkaroon ng mga kagaya ni Bagwis na magpoprotekta sa mga tao.

 

Ito ang nasa isip ni Joseph habang naglalakad pababa ng bundok sa ilalim ng ulan na may kasabay na tag-araw.

 

“May kinakasal na tikbalang.” paliwanag ni Joseph kay Carie.




WAKAS.

Other Chapters: