ClickBalang - Chapter 2

#8letters #mitolohiyaPH #filipino #myth #tagalog #novel #chapter

Chapter II: The Deal

 

Hayop ba ‘yun? Bakit dalawa ang paa? Kung tao, bakit mabilis?

 

Agad tumakbo si Joseph sa pinakamalaking punong nakita niya para magtago. Hindi niya na alam kung anong mas masamang nangyayari. Ang mabully sa internet o ang mawala sa gubat. Sa bagay, hindi niya naman kailangang mamili, nakuha niya naman pareho.

 

“Hinahanap ba nila ko.” bulong niya sa sarili. “Hindi kaya sinadya nila kong iligaw?” suspetya niya.

 

“Hindi gagawin sakin ni Carie ‘to” pagtatanggol niya sa kaibigan. Nababaliw na ata syang nakikipagtalo sya sa sarili.

 

Naririnig niyang pabilis nang pabilis ang takbo ng nilalang sa gubat. Nakayuko sya sa malaking ugat ng puno. Nakasubsob ang mukha na parang mawawala ang nilalang kung hindi niya ‘to nakikita.

 

Tumahimik ang paligid. Minulat niya ang mga mata para makitang nagbago ang paligid. Well, hindi talaga nagbagong “bago”. Nasa gubat parin sya, pero nagbago ang mga posisyon ng mga puno. Kahit madilim, nasanay na ang mga mata niya sa konting liwanag na meron ang gubat. Alam niyang wala dun ang mga nakatayong puno kanina bago niya isubsob ang mukha sa malaking puno.

 

Nagbago na parang bagong maze ang gubat.

 

Isang bagay ang pumasok sa isip niya. Nae-engkanto na sya.

 

Agad niyang inaral ang paligid. “Everything is scientific.” bulong niya sa sarili. Pinipilit na kumbinsihin ang sariling hindi totoo ang engkanto at nakakaranas lang s’ya ng scientific phenomenon. O gutom. Scientific phenomenon din naman ang gutom. Biological.

 

Inaral niya ang bagong pattern ng gubat. Naglakad-lakad pa. Sa gitna ng takot, nakabuo sya ng mapa sa isip at dito niya naintindihang umiikot nga sya. Gamit ang galing sa programming at analysis, nakabuo sya ng sistema sa isip kung saang pattern ng gubat sya tumatagos sa tuwing pipili sya ng ibang daan. Tatagos sa dulo ng loop at makikita ang sarili sa kabilang dulo ng paikot.

 

Narinig niya ulit ang takbo ng ‘di kilalang nilalang kaya nagtago sya muli.

 

At tulad ng nangyari kanina, nagbago ang pattern ng gubat.

 

Pinilit niyang gumawa ng bagong mapa sa isip. Nawala ang takot, pagod at gutom dahil may parte sa pusong niyang nag-eenjoy gawin ito. Mahal niya ang programming. Dito sya magaling. Ito ang nagbibigay sa kanya ng identity para matabunan ang ibinigay sa kanya ng bullying ng pagkabata.

 

Nakagawa sya ng mapa sa isip niya ng ibat-ibang pattern ng gubat. Nagbabago man ang arrangement pero nasa iisang pattern ang nangyayari.

 

Hindi niya alam kung gaano katagal pero nasa labing-limang unique pattern ang nangyayari. Nagbabago man ng konti pero may sinusunod ‘tong principle.

 

Labing-lima. Nakuha niya ang sistema kung saan nilalagay ang bawat puno, bawat trail, bawat tunog ng kuliglig at palaka. Lahat. Parang may nagprogram ng gagawin nilang lahat.

 

At kung tama ang pag-aanalyze niya kung papano mag break ng loop, ang daan palabas ay:

  1. Limang puno sa harap
  2. .Kaliwa, takbo sa tatlong puno,
  3. Kaliwa ulit, sampung puno,
  4. Kanan, isang malaking bato
  5. Kaliwa,
  6. Tapos diri-diretso.

 

Binilisan niya ang takbo. Pilit hinahabol na maulit ang tunog na senyales na magbabago nanaman ang pattern. Kung marinig niya ang tunog ng ‘di kilalang nilalang, magbabago ang pattern at syempre magbabago ang iniisip niyang palabas.

 

Pinilit niyang tumakbo hanggang sa makakaya niya. Parang sasabog ang dibdib niya sa bilis ng takbo. Bilang isang hindi palalabas na programmer, ito na ang pinakamabilis na tinakbo niya.

 

Dito lang sya tumakbo sa buong buhay niya.

 

Tanaw niya na ang malaking bato, pinipilit talunan ang mga malalaking ugat at batong nakausli. Halos memoryado niya na ang gubat sa kanina pang paikot-ikot dito. Walang tatatlo sa memorya ni Joseph, sabayan pa ng mga kalkula niya sa bilis at layo ng mga bagay sa isa’t-isa.

 

“Parang first year student ang nagdevelop ng gubat na ‘to.” pagyayabang niya sa sarili.

 

Naabot niya ang bato. Kaliwa. Mabilis na takbo ang binitawan niya. Kung ano man ang dulo ng programmed na gubat na ‘to, hindi niya alam. Basta ang gusto niya lang, makalabas ng buhay dito.

 

Nakikita niya na ang dulo. Napangiti sya, mukang iba ang kabilang dulo ng parang lagusan sa gubat sa kung nasaan sya. Ito ang labas.

 

Hanggang maalala niya ang naghihintay sa kanya sa labas.

 

“Alam mo kuya, kahit anong taas dapat natin marunong parin tayong magpakumbaba. Hindi ‘yung nananakit tayo ng walang kalaban-laban.”

“Porket nandiri lang sa grasa nanakit ka na!”

“Hindi ka ba pinalaki ng maayos ng magulang mo”

“Ako hamunin mo ng suntukan, Joseph Raya babasagin ko mukha mo.”

 

Bukod sa pagbabanta, memes na may nakakatawang background music, mga biro tungkol sa stress sa work na binubuhos sa pulubi.

 

Biglang dumami ang mabubuting tao sa taong grasa simula nang mag-viral ang video niya. Bigla silang naging concern sa taon grasa at walang may gustong pakinggan ang panig niya.

 

‘Yun ang nakita niya sa labas ng madilim na gubat.

 

Napahinto sya sa harapan ng labasan. Isang hakbang na lang ang palabas. Isang hakbang lang, babalik na sya sa buhay kung saan binubully online. Walang pinagkaiba ang cyberbullying sa pambubully sa kanya noong bata pa. Parehong pareho ang pakiramdam.

 

Napaatras sya. Baka nga mas mainam na wala sya sa mundong ‘yun? Natakot syang lumabas. Natatakot din syang manatili. Nauubusan sya ng oras. Hindi niya napansing natulo na ang mga luha niya sa kaba.

 

“A-a-a-a-a-nong…” bumalik ang utal niya nang pinilit niyang magsalita. “Anong gagawin ko?” ang nasa isip niya. “Beatbox ka ba.” pakikipagtalo niya sa sarili. Humakbang sya paatras. “Hindi pwedeng andito ako.” sabay hakbang paharap. Kailangan niyang umuwi dahil nangako sya sa mga magulang na hindi sya tatalon ng bangin. Ang hindi pag-alis sa loop ng nakakaligaw na gubat ay para na ring pagtalon sa bangin. Kailangan niyang umuwi.

 

Pahakbang na sya palabas nang marinig niya ang takbo ng hindi malamang nilalang. Binilisan niya ang takbo pero huli na nag lahat. Nagbago nanaman ang pattern ng gubat. Inisip niya ang susunod na pattern.

 

“Kaliwa, apat na puno, kanan, pangatlong bato…” agad syang lumingon sa kaliwa para gawin ang planong paglabas. Mabilis ang takbo niya kaya ganun na lang ang lakas ng bangga niya nang mabangga sya sa isang puno. Natumba sya at medyo nahilo.

 

Puno? Walang puno dapat sa harapan niya? Pattern #12 ‘to. Malinis dapat ang daan.

 

“Bakit hindi ka lumabas kahit nakita mo na ang lagusan?” tanong ng puno sa harapan niya.

 

Unti-unti niyang naunawaan ang nasa harapan niya. Hindi ‘to puno. Tao itong nagsasalita at kinakausap sya. Tinitigan niya ‘to ng mabuti. Para syang binuhusan ng malamig na tubig at bumilis ang tibok ng puso niya.

 

Dahil bukod sa malaking tao ang nasa harapan, meron din itong ulo ng isang kabayo. Malaking taong kabayo ang ulo. Parang sasabog ang wiring ng utak niya. Parang CPU na naghahanap sa database ng memorya kung anong uring nilalang ito. Walang ganitong hayop. Una sa lahat, nagsasalita. Pangalawa, pang tao ang katawan.

 

Nasa mga alamat ito. Engkanto? Kapre?

 

Tikbalang.

 

Parang may tumunog na bell sa utak niya nang tama ang naisip niya sa itsura ng nasa harapan. Tikbalang.

 

Isang totoong tikbalang ang nasa harapan niya. 

 

“Putol ba dila mo? Bakit hindi ka nagsasalita?” sunod na tanog nito.

 

Nakatulala lang si Joseph. Hindi sya basta nauutal, hindi na sya makapagsalita. Pinilit niyang igalaw ang mga paa at kamay para tumayo’t tumakbo pero para syang na sleep paralysis na hindi makagalaw.

 

“Nananaginip ako.” ito ang natakbo sa isip niya. Pinipilit niyang magising sa bangungot na ‘to. “Kung panaginip ‘to, makokontrol ko ang nangyayari.” kaya naman pinilit niyang palitan ang scenario sa isip niya. Pinilit niyang mag-isip ng kahit ano. Dagat. Ito ang unang salita na pumasok sa isip niya.

 

“Na-na-na…” pinipilit niyang magsalita. Nasa dagat ako. Ito ang gusto niyang sabihin.

 

“Anong ‘na-na-na’?” tanong nito. Hindi sya nananaginip. Dahil kahit kailan, wala syang panaginip na utal sya. Kahit mga bangungot, hindi sya kailanman nautal sa isap niya. Patunay na totoo ang mga nangyayari at totoong nakaharap sya ngayon sa isang tikbalang.

 

“Gusto ko lang malaman kung bakit hindi ka lumabas.” halata sa boses ng tikbalang na pinipilit nitong maging maamo sa kabila ng lalim ng boses nito na nagpapayanig ng bahagya sa lupa. “Una sa lahat, papano mo nalaman kung papano lumabas. Pangalawa, bakit hindi ka lumaas?”

 

Nakaramdam si Joseph ng sinseridad sa tikbalang. Baka mabait na tikbalang ito? Baka gusto lang nitong malaman ang natuklasan niyang pattern na ginagawa nito?

 

O gusto niyang malaman para mas mapainam at lalong hindi sya palabasin. Grabe na ang over-thinking ni Joseph sa mga ganitong pagkakataon. Kung ayaw man niya syang palabasin sa madilim na gubat, hindi niya kalingan ng bagong pattern, sa pagkakabangga niya palang dito, alam niya agad na kaya nitong baliin ang buto niya sa paa para lang ‘wag na syang makatakbo.

 

“May pattern.” sagot ni Joseph. Pinakalma niya ang sarili para ‘wag lang mautal. “May 15 patterns kang ginagamit.”

 

“Pattern?” tanong nito. “Ang mga hibla gubat ba ang tinutukoy mo?”

 

“Hiblang gubat?” pabalik na tanong ni Joseph.

 

“Ang mga ayos ng gubat na lingid sa mata ng tao.”

“May ganun?”

“Oo. Lahat ng gubat, ganun. Maraming ibat-ibang anyo ang lahat ng gubat. Sa gubat na ito, merong labinglima. Meron namang lilima lang o sasampu. Depende sa mga espiritung nakatira dito. Pero kahit kailan, hindi naging isa.” paliwanag ng tikbalang.

 

“Papakawalan mo ba ‘ko?” tanong ni Joseph na may halong pakiusap.

“Kahit ilang beses kitang iligaw, makakalabas ka rin.” may pagsuko sa boses nito.

“Pwede na ‘kong umalis?” atat ang tanong ni Joseph.

“Pero hindi ka umalis.” may panghuhusga sa boses ng tikbalang.

 

Napayuko si Joseph. “Basta.”

 

“Eh kayo, bakit niyo ‘to ginagawa? Nililigaw niyo ang mga tao?” tanong ni niya para mawala sa kanya ang usapan.

 

“Hindi namin kayo nililigaw.” paliwanag ng tikbalang. “Mahabang kwento.” sagot nito.

 

“Ayoko pa namang lumabas.” kalmado si Joseph. Hindi kagaya kaninang takot na takot sya na halos hindi makagalaw. Bukod sa ramdam niyang hindi sya sasaktan ng tikbalang, dahil siguro ramdam niya sa pananalita nito na handa itong makinig, ayaw pa rin naman niyang bumalik sa mundo niya.

 

“Ang tunay na gawain namin ay ipakita sa inyo ang ibat-ibang hibla ng gubat.” pagsisimula nito. “Para makita niyo na ang mga bagay na nakikita ng mata ay sa pang-ibabaw lamang na anyo ng kalikasan.” tumigil ang tikbalang. Naghahanap ng  malaking bato para upuan. Naupo ito sa pinakamalapit na bato sa kanilang dalawa. Ang batong isa sa palatandaan ni Joseph.

 

“Hanggang sa lumipas ang panahon, naging patimpalak na ito sa lahi namin. Paramihan ng mga taong maililigaw.”

“Ilang tao na ang mga namumundok dito, bakit ‘di niyo sila niligaw lahat.”

“Kailangang mamili. Hindi pwedeng lahat para magtanim ng takot ang lahi niyo para sirain ang kagubatan. Mga piling tao lang na makakakita ng halaga ng gubat. Halaga ng buhay. Dahil ang gubat ay buhay. Magkakadugtong ang hibla ng gubat sa hibla ng bawat nilalang.” paliwanag nito.

 

“Tungkol naman sa patimpalak, syempre, mas mainam sa ginagawa namin, mas maganda ang papremyo.”

“Counted na ba ‘ko?” tanong ni Joseph.

“Oo naman. Dagdag ka bilang isa.” patawang sagot nito.

 

“Anong premyo?” usisa ni Joseph.

“Ang pinakamalaking puno ng balete sa puso ng labinlimang hibla ng gubat.” sagot ng tikbalang na may pangarap sa boses nito.

 

“Ilan na lang ang kailangan mo?”

“Lima,”

“Sakto, lima ‘yung mga kasama ko” patawang sagot ni Joseph. Hindi naman sila masasaktan. Oo, matatakot sila, matu-trauma hanggang pagtanda pero hindi naman nila ikakamatay.

 

“Milyon. Limang Milyon.” basag ng tikbalang.

 

“Ohhh. ‘Yun lang.” sagot ni Joseph.

 

Matagal silang nakatulala. Parang parehong nag-iisip ng paraan sa isang problema na alam nila parehong walang solusyon. Mas madali para kay Joseph ang problema ng tikbalang kaysa sa kanya. Ano na lang na hindi mo makuha ang papremyo. Kumpara sa kanya, walang papremyo kundi parusa ang naghihintay pauwi.

 

“Ayoko pang umuwi.” banggit niya na naboses niya mismo.

“Kailangan mong umuwi.” sagot ng tikbalang. “Kakaiba mag-isip ang lahi mo. Sa pagkawala mo, marami silang maiisip. Maraming posibilidad. At isa dun ang sirain ang gubat makita ka lang. Hindi ko alam kung gaano ka kahalaga sa inyo para mas gustuhin nilang makita ka kaysa manatili ang gubat. Kakaiba ang lahi ninyo.” pagkukumbinsi nito.

 

Kakaiba. Posibilidad.

 

Naglaro ang mga salitang ‘to kay Joseph.

 

Kakaiba. Posibilidad.

 

May solusyon na kakaiba. May iba pang posibilidad.

 

“Di’ba sabi mo, lahat may ibat-ibang hibla?” tanong niya sa tikbalang.

“Oo.” sagot nito.

“Kahit ang internet?” tanong niya.

“Kung anuman ‘yun, alam ko oo ang sagot.” sagot ng nagtatakang tikbalang.

 

Mahabang paliwanagan ang internet sa isang tikbalang pero pinilit paring ipaliwanag ni Joseph. “Basta lahat ng gamit na meron kami, cellphone at laptop ang tawag namin. Konektado yun sa internet. ‘Dun pwede kaming mag usap-usap. Pwede kaming maglagay ng kahit ano. Laro, video(gumagalaw na larawan). Sa totoo lang, nakakaligaw ‘yun.” mahabang paliwanag niya.

 

“Pwede tayong gumawa ng isang web application. I mean, ako, gagawa ako. Tapos ililigaw natin silang lahat ‘dun.” proposal niya dito.

 

Namangha ang tikbalang sa mahikang gawa ng mga tao. Agad syang napapayag nito at pinagkatiwalaang gagawin ang ipinangakong application.

 

“Ako si Bagwis.” pagpapakilala ng tikbalang.

“Joseph” pakikipagkamay niya dito.

 

Agad kumuha ng isang hibla ng buhok si Bagwis at ibinigay kay Joseph. “Kapag natapos mo itong mahika ng iyong mundo at handa na para sa mga tao. Itapat mo ang hibla ng buhok ko sa app mo para gumana ang kapangyarihan ko sa gubat nito. Magiging kontrolado ko ang pasikot-sikot nito at madali nating magagawa ang mga gusto nating gawin” paliwanag niya.

 

“Makakaasa ba ko, Bagwis, na walang taong masasaktan? Walang mamamatay sa gagawin natin. Na purong para makita nila ang ibang hibla ng gubat at mas maunawaan ang buhay?” paglalatag ng kontrata ni Joseph.

 

“Nangangako ako, sa harapan ng inang gubat at sa labinlima niyang mukha. Walang mamamatay sa mahikang gagawin natin. Walang masamang mangyayari… pero.” may alinlangan sa boses ng tikbalang.

 

“Hindi ko maipapangakong walang masasaktan. Laging may sakit sa pagbabago.” malinaw ang sinabi nito.

 

“Basta para sa pagkatuto. Payag ako. Para sa ikabubuti ng mga tao. Ayos lang ako ‘dun.” nagkamay sila bilang tanda ng pagkakasundo. Humangin ng malakas na parang tinangay ang buong gubat bukod kay Joseph. Hinawakan niya ng maigi ang hibla ng buhok ni Bagwis. Nakita niyang kasama sa hinahangin ang dilim at mga bagay sa gubat tulad ng mga puno at mga bato.

 

Unti-unting liwanag ang nakita niya hanggang sa lumakas ito na kinailangan niyang pumikit kundi ay mabubulag sya sa lunod ng rumaragasang liwanag.

 

Pagkamulat niya ng mga mata. Umaga na. Tantya niya sa tirik ng araw, parang alas dyis na ng umaga.

 

Isang sigaw ang gumulat sa kanya mula sa likuran. “JOOOSEEEPH!!!” Sigaw ng babae. Si Carie. Nilingon niya ‘to na agad naman s’yang niyakap.

“‘San ka galing! Magdamag kaming naghahanap sa’yo!” pagalit nito.

“Dito lang.” kalmado ang sagot niya. Hindi niya alam kung sasabihin dito ang nangyari sa kanya sa madilim na gubat.

“Naku sir! Baka na-engkanto ka!” sagot ng tour guide sa likuran ni Carie.

“Ewan ko.” nakatulalang sagot niya.

 

Keyboard Warrior

 

Tingin mo, anong pakiramdam na magising isang umagang viral ka na?

 

Siguro kung nanalo ka ng award, o kaya naman, nanalo ka pala sa lotto, sobrang sarap sa pakiramdam. O kaya naman kapag napansin na nila ‘yung meme na pinu-post mo at bigla kang sumikat. “Ang Makabagong Komedyante ng Henerasyon” dahil sa mga pinu-post mong memes at pictures. Masaya talaga ‘yun.

 

Medyo nakakahiya kung ang video mong sumasayaw ang sumikat. ‘Yung simpleng sayaw niyo nung christmas party back in college na ngayon napansin ng mga tao sa internet at pinagkaisahang pagtawanan. Nakakahiya kung simpleng selfie mo na maging meme tapos nilalagyan ng kung anu-anong caption dahil mukha kang ewan.

 

Nakakahiya ‘yun pero nakakatawa parin. At least, pwede mong ma monetize ang ganitong kasikatan. Pagtawanan mo rin ang sarili mo para hindi masyadong nakakahiya.

 

Ibang-iba ang lahat ng ‘yan sa naranasan ni Joseph. Gumising sya isang umagang viral na sya. At hindi dahil sa nakakatawang video o pictures. Dahil sa mali niyang ginawa. Hindi ko maipaliwanag ng maayos ang takot na malamang galit sa’yo ang mga taong hindi mo kilala — at napakarami nila.

 

Nagulat syang isang umaga na tinatag sya ng maraming tao sa isang video. Spliced video. Kung saan hinahataw niya ng tray ang isang pulubi. Nanginginig ang mga kamay niya sa pagbabasa ng mga comments.

 

“Akala mo kung sinong mayaman para mandiri sa mga mahihirap! Babagsak ka rin!”

 

Ito ang tema ng mga comments. May mga nagpi-PM din sa kanya ng mga death threat. May mga nagsasabing sana mamatay na sya o kaya naman ay magpakamatay na sya.

 

Kung hindi blanko ang profile picture, anime at dummy account ang mga nagmi-message ng ganito.

 

Isa sa hindi niya maatim ay ang mga nagta-Tag ng official page ng company niya. Matagal na sya sa company at wala syang kahit anong record para ma-reprimand. Sobrang dalang niyang ma-late, hindi sya umaabsent kung hindi talaga kailangan at higit sa lahat, suki sya ng mga overtime. Pero ngayon, dahil dito, malamang na masuspindi sya o kaya matanggal para lang sundin ang mga pressure ng social media.

 

Grabe ang kabang naramdaman ni Joseph.

 

Magpapaliwanag ba sya? Magpu-post ng panig sa internet? O lalo lang nitong papalalain ang sitwasyon. Agad syang nag-message sa original poster ng video.

 

“Hello sir. Ernesto! Ako ‘yung lalaki sa video mong nananakit ng pulubi. Napansin din kitang andun ng mas matagal kaya alam kong alam mo ang buong nangyari…” pinaliwanag niya ng detalyado ang nangyari. At kung may nakahandang cellphone si Ernesto, alam niya rin na nakunan nito ang naunang naganap bago ang nag viral niyang aksyon.

 

Kumpyansya syang makukumbinsi niya ‘tong i-delete ang video. Alam niya na kung papano makipag-usap sa mga tao sa internet. Kilala niya ang takbo ng isip ng mga tao dito. Gusto lang ni Ernestong sumikat, ‘yun lang. Ngayong nakuha niya ang pansin ng lahat, at marami na syang followers, pwede niya nang i-delete ang video.

 

“Papansin ka lang…” bulong ni Joseph. Syempre, hindi niya ‘to isasama sa chat kay Ernesto.

 

Nagulat sya sa reply nito.

 

“Kuya, alam mo, dapat kasi nag-iisip tayo bago tayo manakit ng ibang tao.”

 

Halo-halo ang naramdaman niya. Galit, gulat at hiya. Nakipagtalo sya dito. Mahaba ang naging usapan nila sa chat. Halos mabibilis ang palitan nila ng salita. Pinapaliwanag nito na kahit anong mangyari, hindi tayo dapat nananakit ng tao. Habang si Joseph, pinipilit ang naging dahilan niya para gawin ‘yun.

 

Hindi sila nakikinig sa isa’t-isa. Tipikal na internet conversation. Bato lang sila ng bato ng mga sinasabi, at syempre, ingat na ingat sa mga salita dahil kahit anong sabihin ay pwedeng i-screenshot ng katunggali at gamitin para i-post sa social media.

 

Data privacy my a…

 

Anyway, things got ugly. Ang init ng usapan nila pero wala itong narating. Sa huli, lugi sa laban si Joseph. Mukha niya ang nakaharap sa video. Kahit i-post niya ang screenshot ng pag-uusap nila ni Ernesto, alam niyang mas maraming maniniwala dito dahil mas malaking ebidensya ang video. Masasabihan pa syang gumagawa ng kwento. Maingat si Ernesto sa pagbabanggit ng nangyari. Todo tanggi itong pinutol niya ang video para maging sakto sa sa gusto niyang iparating sa mga tao. Masama at matapobre si Joseph. ‘Yun ang gusto niyang iparating.

 

Gusto sanang sabihin ni Joseph na magdedemanda sya ng paninirang puri pero malamang gagamitin lang to ni Ernesto, puputulin sa screenshot at ipu-post pandagdag sa galit ng tao.

 

Talo sya pagdating dito. Kapag nagkampihan na ang mga tao sa internet, alam mong kahit tama ka, kapag pinagkaisahan nilang mali ka, hindi na magbabago ang  isip nila. Ang masakit pa nito, alam nila kung sino sya. Hindi sya nakatago sa pekeng pangalan at picture. Natunton nila ang trabaho at address niya kaya nagkakaroon ng banta sa buhay niya.

“Akala mo talaga concern sa mga pulubi ‘tong mga ‘to.” galit na sabi niya sa sarili.

 

Totoo naman. Kung ang milyong-milyong reactors, commentators at trolls na nagmimessage sa kanya ay magbibigay ng tiglilimampiso, mapapakain nila ang kahit ilang libong pulubi. Pero walang nagawa nun. Gusto lang nilang mag-comment na mabuti silang tao.

 

Walang mabuting tao sa gawa, puro salita.

 

Nagkatotoo ang hinala ni Joseph pagdating sa trabaho. Pagpasok niya nung araw din na ‘yun, agad syang kinausap ng immediate supervisor na galing sa utos ng nakakataas.

 

Suspension for 15 days without pay. Hindi sya sigurado kung ilegal ‘yun. Mahirap nang malaman. Baka pati ahensyang laban sa ganitong trato galit din sa kanya. Tinanggap niya na lang.

 

“Inaasahan naming huhupa rin ang issue. Sana maintindihan mo. We rely on the marketing especially sa social media…” paliwanag ng supervisor niya.

 

“Naiintindihan ko po.” sagot niya. Kahit hindi niya talaga naiintindihan.

 

Nagmukmok lang sya sa kwarto. Ayaw makita ang cellphone dahil sa mga notification pero naaakit syang basahin ang mga ito. Nakakakilabot na sa isang iglap, nagbago ang buhay niya. Dati, isa lang sya sa mga keyboard warrior na nagpu-post at nagku-comment sa mga viral videos, nakikipagtalo sa mga salungat sa paniniwala niya. Pero ngayon, sya na ang topic.

 

Pumasok din sa isip niya kung gawin niya kayang branding? Maraming nasikat at kumikita dahil galit sa kanila ang mga tao. Niyakap na nila ang papel na kainisan sila para dumami ang engagement.

 

“Hindi ako basura.” pagpapaalala niya sa sarili. Sabay talukbong ng kumot para matulog sa katanghalian dahil wala syang alam na ibang gawin.

Other Chapters: