ClickBalang - Chapter 3

#8letters #mitolohiyaPH #filipino #myth #tagalog #novel #chapter

Chapter III: Deployment

 

Nakauwi nang matiwasay si Joseph mula bundok. Magaan ang pakiramdam niya. Hindi dahil nakatuklas sya ng kakaibang nilalang sa bundok kundi dahil may solusyon na sa problema niya. I mean, matulunging tao si Joseph. Totoo ang kagustuhan niyang matulungan si Bagwis sa paligsahan ng mga tikbalang. Kung luxury mansion dito ang pagtira sa pinakamatandang puno sa gubat, at least makakatulong siya dito.

 

Pero alam niya sa kaibuturan ng puso ang pakay sa “enchanted web application”, at ‘yun ay ang sumikat ito hanggang sa matabunan sa internet ang sariling viral video.

 

Ito lang ang formula para mamatay ang issue, mapalitan ‘to ng bago. Sampung araw palang ang nakakalipas kaya buhay na buhay pa ang kasikatan niya ngayon.

 

“Wala bang love team na maghihiwalay dyan…” ito ang laging bulong niya nang maisip niyang ito lang ang tanging solusyon.

 

Hanggang bigyan sya ni Bagwis ng ideya. Well, actually, sya ang nagbigay ng ideya sa tikbalang. Naniwala lang silang para ‘to sa tikbalang at hindi para kay Joseph. Mabuti ang puso niya sa kasunduang ito. Plus, wala namang taong masasaktan sa gagawin nila. Liligawin lang naman nila ang mga tao — na kasalukuyan na rin namang nangyayari.

 

Ang plano: Gumawa ng website kung saan pupuntahan ng maraming tao, at sa loob, maliligaw sila. Parehong concept ng nagbabagong pattern ng gubat, basta ang parehong epekto ay magpapalipas sila ng oras o maaring araw(linggo kung suswertihin) sa loob ng website. Hindi kagaya ng mga short video clip na inaabot lang ng kalahating araw, dapat mas malulong ang tao dito.

 

Pagtapos makita ang mga magulang na matiwasay na nag-aantay sa kanya sa sala, agad syang nagpaalam na may gagawin sa kwarto.

 

“Kumusta naman sa bundok, anak?” tanong ng ama.

“Bundok parin po, Pa.” payak na sagot niya. Hindi na umupo sa harapan nila para magkwento. Hinayaan na lang sya ng ama dahil sa pinagdadaanan nito.

“Baka pagod lang.” dahilan ng ina.

 

Pasalamat na lang talaga si Joseph na sa kabila ng mga nangyayari sa kanya, meron syang dalawang magulang na laging nakasuporta sa kanya. Sa totoo lang, may kaunting tama sa mga komento laban sa kanya. Privilege sya kung tutuusin. Kung isang breadwinner ang masuspindi ng 15 days, malaking problema na ‘to. Pero dahil may maayos na trabaho pareho ang mga magulang — guro sa pampublikong eskwelahan ang ina at arkitekto ang ama — wala syang problema kung mawalan man sya ng trabaho kahit gaano katagal.

 

Ganun ang pribileheyo na meron sya. Hindi nga lang sapat para manakit ng iba.

 

Ganunpaman, wala sa isip ‘yun ngayon ni Joseph. Ang mahalaga, meron na syang solusyon. Meron na syang magagawa laban dito. Umupo sya lamesa ng kwarto at binuksan ang laptop. Binuksan lahat ng development application an kailangan.

 

Sa daan palang pauwi, iniisip niya na kung anong uri ng application ang sobrang laki na magpapaligaw sa buong bayan.

 

Gumagawa sya ng idea bubble sa isip. Short clip videos? Short stories? Interactive comments?

 

Fake-news. Pointing System. Self-centeredness.

 

Ito ang key points na naisip niya para malulong ang mga tao. Dito pa lang, wala na silang palag sa current status ng social media, papano pa kapag merong enchantment ng makapangyarihang tikbalang, di’ba?

 

Napapaisip din naman sya kung morally correct pa ang pag-gawa nito. Tama bang i-exploit ang mga tao sa weakness nila para sa good cause ni Bagwis(na medyo personal dahil para ‘to sa contest niya)? Tama bang lokohin nila ang mga tao para mawala lang sa kanya ang pansin ng lahat dahil sa ginawa niya?

 

Hindi mahalaga ngayon ang tama. Hindi niya na kaya ang pamba-bash ng mga tao. Isa pa, sa tingin niya, hindi niya deserve ang nangyayari. Kung mga tupa silang madaling mabuyo ng taong hindi nila kilala online, dapat matuto silang ‘wag agad maniwala. “This is a lesson for them.” bulong niya.

 

Nagsimula syang magdevelop ng isang social media. Tinawag niya itong “ClickedT”. Play on words to na past tense ng salitang click. Ibig sabihin, magsisimula ang enchantment pagka-click palamang ng application o ng website. Nilagyan niya ng letrang ‘T’ sa dulo dahil bukod sa ganun ang usong tawag ng mga Gen Z at millenials, subliminal message ‘to na may kapangyarihan ‘to ng Tikbalang. Ayon kay bagwis, mas napapalakas ng subliminal messages ang kapangyarihan nila sa isang lugar — sa pagkakataong ito, sa platform ng internet.

 

Nilagay niya sa bagong website na ClickedT ang lahat ng bagay na makakapag-akit ng tao dito. Video streaming, chat, comments na pwedeng maglagay ng images, GIF, video attachments, atbp. Maning-mani na lang kay Joseph ang magdevelop ng ganto sa loob ng ilang araw.

 

Ilang araw ang lumipas na nalabas lang sya ng kwarto para kumain. Minsan, nagdadala na sya ng pagkain mismo sa kwarto. Umabot sa puntong natapos ang suspension ng kumpanya sa kanya pero pinili niya na lang mag resign. Nag AWOL na sya. Nagsend lang sya ng email ng resignation at walang balak magrender ng 30days sa kumpanya. Naintindihan naman ito ng kumpanya. Hindi na sila nagreklamo at pumayag na ibigay ang backpay dahil parehong ilegal ang pagsuspindi sa kanya at ang pag-aAWOL nito. Minabuti na lang nilang maghiwalay ng maayos. Sa totoo lang, pinanghinayangan sya ng kumpanya.

 

Magaling si Joseph. Dedicated sa trabaho. Tulad ng nasabi ko na, mahal na mahal niya ang programming. Parang nahinga na lang sya tuwing magku-code.

 

Dumaan ang ilang araw, tuloy-tuloy lang ang pagbi-build ni Joseph sa bagong social media. Nag-aalala man ang mga magulang, wala silang magawa kundi suportahan na lang ang anak.

 

“Tingin mo, nababaliw na si Joseph?” diretsong tanong ng ama nito sa asawa.

“Ano ba naman ‘to si Papa!” pagsasaway ng misis.

 

“Ganyan lang mag cope up ang matatalino,” pagtatanggol ng ina.

“Sana lang sinasabi niya sa atin kung ano talagang nangyayari, di’ba?” dahilan ng ama.

 

Naririnig lahat ni Joseph ang usapang ito. Kaya panakanaka syang nalabas ng kwarto para ipakitang ayos lang sya. Minsan uupo sya sa tabi nito habang nanunuod ng TV. Hindi dahil gusto niya ang palabas kundi gusto niyang malaman sa telebisyon kung anong bago. Anong viral ang magpapaakit sa mga taong gamitin ang ClickedT. Naging tungkol lahat sa application na ‘to ang buhay niya simula nang bumalik galing bundok. Hindi sya sigurado kung healthy ‘to pero ang mahalaga, wala ang isip niya sa mga nambabash sa kanya.

 

Hindi ko pwedeng sabihin na ang itsura ng kwarto niya ngayon ay parang kwarto ng isang programmer na nasiraan na ng bait katulad ng napapanuod natin sa TV na depiction ng mga nababaliw na programmer, dahil over-generalization ‘yun. Hindi lahat ng nababaliw na programmer, ganun ang itsura ng kwarto. Pero oo, ganun na ang itsura ng kwarto niya. Nakadikit sa dingding ang mga plano niyang ilagay sa app. Ang mga pattern na dadaanan ng mga tao. Ang mga pattern na magpapaligaw sa kanila. Nakuha niya ang ideya sa mga “hibla ng gubat”. Mga pattern na nakakalito — hindi nila mahahalatang paikot-ikot na lang sila.

 

Umabot ang ilang araw at gabi na ‘yun lang ang ginagawa niya.

 

Isang araw, nilapitan na sya ng ama. Pumasok na ito sa kwarto at binuksan ang ilaw(Isa sa pinagtataka talaga ng ama ay kung bakit mahilig magtrabaho ng patay ang ilaw ang mga programmer. “mga gamugamu ba kayo?” ang madalas nitong tanong). Ganito talaga ang Papa ni Joseph, hindi mapakali kapag wala sya sa mga solusyon ng bagay-bagay. Dito sya nagmana ng problem-solving skills na lahat na lang gustong malutas at agad-agad.

 

“Anong project ang ginagawa mo ngayon, anak?” silip nito sa laptop na gamit niya.

“Social media, Pa…” hindi nalingon si Joseph, nakatutok sa pagpu-program. Nakasingkit na ang mata sa biglang pagbukas ng ilaw.

“Ayos ‘yan ah.” pagkukunyaring interesado ang boses kahit na wala itong interes sa mga existing at sikat nang social media platforms.

“Astig talaga ‘to!” pagmamalaki ni Joseph. Natuwa naman ang ama dahil masiglang sagot parin ng anak ang nakuha niya. Hindi na sya mag-aalala kung nawawala na ba ‘to sa katinunan.

 

“Pa,” pagsisimula ni Joseph, sandaling hininto ang pagta-type. “‘Wag kayong mag-alala sakin. Tinutuon ko lang ang isip sa bagay na gusto ko. Isa pa, kapag natapos ko ‘to at naghanap ng ibang trabaho, magandang pangdagdag ‘to sa profile ko. Magkakaron lang din ako ulit ng trabaho. Makakatulong na ‘ko ulit dito sa bahay.” pagpapalubag ng loob ni Joseph.

 

Nakita niyang lumiwanag ang mukha ng ama. Ito lang ang gusto nitong malaman. Hindi sa kailangan nila ng pandagdag sa budget kundi dahil may pag-asa parin sa mga mata ng anak. Agad itong tumayo at nagsabing “Ayos ‘yan!” bilang pagpuri sa tibay ni Joseph. Lumabas ito ng pinto at bahagyang nagpunas ng luha habang nakatalikod sa kanya, sabay sara ng pinto.

 

“Pa, ‘yung ilaw…” reklamo ni Joseph. Pero parang hindi na nito narinig ang sinabi.

 

♦♦♦

 

Lumipas ang eksaktong isang buwan ng matapos ni Joseph ang personal project. Isang buong kumpletong social media. Siguradong maliligaw na dito ang kahit sinong pumasok. Sa totoo lang, ganun na lang ang ganda ng pagkakagawa niya na kahit walang enchantment, may mag-aabala paring manatili dito sa website ang mga tao.

 

Iniisip niya kung anong uri ng kapangyarihan ang madadagdag ng hibla ng buhok ni Bagwis dito.

 

Kinuha niya ang hiblang itinago niya sa bag at hinarap sa monitor habang nakabukas ang admin side ng website. “Banggitin mo ang mga salitang ito…” ito ang paalala ni Bagwis. Sinigurado ni Joseph na nakasara at naka-lock ang pinto para walang biglang papasok na puputol ng orasyon:

 

Mundong kakaiba,

Tinatawag kita.

Buhayin ang sisidlan,

Ako ay pakinggan.

 

Ito ay utusan,

Tanggapin ang kapangyarihan.

 

Umilaw ang hibla ng buhok ni Bagwis at kusang pumasok sa screen. Nawala itong parang hinigop ng laptop at ng nakabukas na web application dito.

 

Manghang-mangha si Joseph sa nakita. Pero mas namangha sya nang nakita niyang nagbukas ang chat box sa app. Wala pa itong ibang user kaya imposibleng may ibang magchachat sa kanya gamit ‘to. Nakalagay sa username ang pangalan na “Bagwis”. Binuksan niya ang chatbox.

“Handa ka na?” tanong nito sa chat. Napanganga sa tuwa si Joseph. “Sobrang cool nito!” papuri niya sa nagawang application.

“Handa na ko!” reply niya.

 

“Ngayon, dalhin mo na ang mga tao dito. Haha” utos ng tikbalang.

 

“Teka lang! Ako na ang developer, ako pa magma-market?” reklamo niya. Ang buong akala niya, development lang ang trabaho niya.

 

“Sa mga alamat ba, kailan kami nanghatak ng tao papuntang gubat para maligaw sila?” dahilan ni Bagwis. “Di’ba maliligaw lang namin sila kapag andun na sila mismo sa gubat?”

 

“NUBAYAN!” reklamo lang si Joseph.

 

Wala syang alam sa marketing. Hindi niya alam papano masasabi sa mga taong pumasok sa website na gawa niya. Isa pang malaking dahilan ay galit ang lahat ng tao sa kanya. Hindi sya pwedeng makiusap na “Hoy! Suportahan niyo ang gawa ko!”.

 

Hanggang sa maalala niya ang naisip isang gabi. Ang mga vlogger na ginagatasan ang mga galit sa kanila. “Pwede kong gawin ‘yun, kahit isang beses lang.” sa loob-loob niya.

 

Binuksan niya ang lumang account sa isang sikat na social media. Bumungad sa kanya ang notification ng private messages at tag messages na puro pambabash. Hindi nya ‘to pinansin. Pumunta agad sya sa status para magpost:

 

Ito ang tunay na nangyari. This is my official statement about my viral video.” ito ang caption niya, sabay attach ng link ng ClickedT. Alam niyang clickbait ‘to, pero alam niya ring matagal nang inaantay ‘to ng mga tao sa kanya. Hindi para malaman ang panig niya kundi para i-bash ang dahilan niya. Ngayon, gagamitin niya ‘to laban sa kanilang lahat.

 

“Maligaw kayong lahat sa sarili niyong kagagawan.” bulong niya sa monitor habang nakangiti. Hindi ko masasabing malinis ang intensyon niya sa paggawa ng ClickedT. May halong paghihiganti ito at alam niya ‘yun simula pa lang. Hindi naman sa sinasabi kong tama ang maghiganti, pero sa naranasan ni Joseph, ito ang tanging kaligayahang alam niya sa kasalukuyang sitwasyon.

 

Muli, hindi ko sinasabing tama ang maghiganti. Pero sa ganitong pagkakataon, sinong hindi mabibitag ng paghihiganti? May lakas nga ba ang taong makatakas dito kapag nasa harapan niya na ang sandatang lalaban sa lahat ng nang-api sa kanya? Hindi ako sigurado.

 

Pero ayon dito sa mga nangyayari, nabihag din si Joseph ng paghihiganti.

 

Parang mga piranhang nagdagsaan ang mga online reactors. Nakatanggap agad ng sandamakmak na angry react ang post niya. Dagsaan din ang mga hate comments na halatang hindi na nag-abalang i-click muna ang link at dumiretso agad sa comment ng post niya. Ganunpaman, para paring pumasok sa link at tuloy-tuloy na nakapasok sa Application. Kitang kita niya sa analytics ng website na dumadagsa ang tao sa ClickedT.

 

Ang daming taong pumapasok sa gubat na ginawa nila ni Bagwis. Pagpasok ng libo-libong tao dito, ang tikbalang na ang bahalang magligaw sa kanila.

 

Kitang-kita niya, mula sa admin side ng website, na buhos ang mga gumagamit ng ClickedT. Nakita niya agad na dumami ang content mula sa mga videos, images hanggang sa mga simpleng status expressions na nandito. Kahit mga celebrity, bigla niyang nakitang gumawa ng account at nag-established ng dominance sa bagong platform. Ngayon, kahit ang fans nila, nandito na rin.

 

Agad-agad niyang chinat si Bagwis tungkol dito:

“It’s Showtime…”

Reviews

 

Sa kabuuan ng ClickedT, isang parte ang paboritong basahin ni Joseph. ‘Yun ay ang Reviews section. Dito niya nababasa ang mga sinasabi ng mga tao patungkol sa ginawa niya. Ito ang ilan sa mga palagay ng mga tao sa app:



♦♦♦

 

Herman - ★★★★ 5 stars

 

Nalaman ko lang ang ClickedT sa kakilala kong fan na fan ng bagong Ppop group na PusoBeats. Nag-send sya sa’kin ng link ng sayaw nila na dito lang inupload ng grupo kaya napapanuod ako. Simula nun, natuklasan kong marami pa kong pwedeng ibang gawin dito. Entertaining lahat ng short clips video. Ang updated lang ng mga viral video na dito lang available! Ang tindi rin sa bilis ng loading kaya kahit mga pirated movies, dito na ina-upload. Nagugulat akong gamit ko sya ng bente-kwatro oras nang hindi ako nagugutom!!!



Elisa - ★★★★ 5 stars

 

Dito ko nakilala ang soulmate ko! Salamat sa feature nitong strangerChats, unang message ko palang sa boyfriend ko na ngayon, alam kong sya na talaga!



Paul - ★★★★ 5 stars

 

Aaminin kong isa ako sa na clickbait ng isang sikat hated personality online, si kuyang smasher ng tray kay Manong Grasa. Gusto ko rin malaman kung anong side niya ba, pero imbis na paliwanag niya ang nakita ko, ito ang bumungad sakin. Sa una nakakagalit di’ba? Pero grabe ang solid ng app na ‘to. Kumpleto lahat comics na hinahanap ko sa ibang platform. Dito ko lang lahat nakita. Napansin ko rin na ‘yung paborito kong comic artist, andito na rin at exclusive na dito lang nag-a-upload ng mga gawa niya. Ang talino ng pagkakagawa ng app na to kaya solid 5 stars sya sa’kin!



Risa - ★★★★ 5 stars

 

Nakakaadik ‘yung mga available na games during chat! Nagkaroon kami ng bonding ng mga friends ko kahit online lang. Ang dami ko ring ibang nakilala galing sa iba’t-ibang lugar. Grabe rin ang lakas maging pang matalino ‘yung naimbento ng community sa mga thread tulad ng mga quiz nights! I love this app!



Marlon - ★☆☆☆☆ 1 star

 

Hindi niyo ba napapansin na may kakaiba sa app na ‘to?



♦♦♦

 

Unang beses makita ni Joseph ng komentong may kakaiba sa application nila ni Bagwis ay nanlamig ang mga paa niya. Natakot syang masira ang ilusyon nila kapag may taong nakakahalata.

 

“May mga tao pa ring kagaya mong madaling mapansin ang mga kakaibang hibla sa mundo…” paliwanag ni Bagwis sa kanya. “Ang trabaho mo, ihiwalay mo ang mga komento nila para hindi sila makahawa sa iba.”

 

Nag-isip sya kung papano mapapagtibay ang ilusyon ng app. Pasalamat na lang at walang pumapansin sa 1-star reviews. Sa dami ba naman ng matataas na review, parang kinakain lang ang iilang mga katulad nito.

 

Tuwang-tuwa si Joseph nang makakita ng mga sponsors na gustong maglagay ng ads sa website. Nag message ang mga ito sa admin ng application kaya na hindi nakapangalan sa kanya.

 

“Hi Mr. ClickedT! I just want to offer you…” ito ang pasimula ng message. Nagustuhan niya ang tunog ng Mr. Click kaya naman ‘yun ang ginamit niyang username sa app. Syempre, tinanong niya muna si Bagwis kung maaapektuhan din sya ng mahika nito.

 

“Syempre hindi, ikaw ang naglagay ng hibla sa ClickedT. Kilala mo ang mundong ito.” sagot ni Bagwis.

 

Doon nagsimula ang pagkakakila ng mga tao kay Mr. Click. Ang bagong mukha ni Joseph sa social media. Dahil sa mga sponsors na nagmessage sa kanya, nagsimulang kumita ng malaking pera ang application.

 

Hindi mukang pera si Joseph. Siguro gawa na rin ng pribilehiyong meron sya. Hindi ito tungkol sa pera. Naisip niya na lang na makakatulong ang ads sa pagligaw sa mga tao sa loob. Mas lumalawak ang gubat na iniikutan ng marami.

 

Hindi sya nasisilaw sa pera para malimutan ang pakay ng buong planong ito. Ang malimutan ng mga tao ang viral video ng isang Joseph Raya. Magiging tagumpay lang ang proyektong ito kapag tuluyang nalunod sa tagumpay ng ClickedT ang kahihiyang naranasan niya dahil sa video.

 

Isang araw, isang review ang gumulat sa kanya:



Ernesto - ★★★★ 5 stars

 

Dahil sa bagong app na ‘to, mas lalong lumawak ang platform ko bilang isang vlogger! Syempre irere-upload ko dito ang video na nagpasikat sa’kin. For awareness din na hindi tayo dapat nang-aapi ng mahihirap at dapat natin silang tulungan sa kahit anong paraan na kaya natin.



Agad-agad na tinignan ni Joseph ang account ni Ernesto sa ClickedT. Tulad ng inaasahan sa papansing vlogger na ‘to. In-upload mismo ni Ernesto ang viral video ni Joseph sa bagong social media platform.

Other Chapters: