ClickBalang - Chapter 4

#8letters #mitolohiyaPH #filipino #myth #tagalog #novel #chapter

Chapter IV: Mr. Click

 

“Hi! Mga ClicKababayans!”

 

Ito ang bungad na mensahe ni Joseph sa lahat ng users ng ClickedT. Magdamag syang nag-iisip kung anong pwedeng pagtawag sa mga taong supporter ng application. Sagad na sa wittyness ‘yang ‘ClicKababayan’.

 

Nasa daan-daang libo na ang user nito at walang nakakaranas ng mabagal na pagkilos ng server. Salamat kay Bagwis. Na halos naging easter egg na ng app simula nang may makapansing may biglang nalabas na tikbalang icon sa ibat-ibang parte nito. Daan-daang libo ang halos nakasubsob sa cellphone para gawin ang kung ano-ano sa app.

 

Ang naisip na algorithm ni Bagwis para sa kanila ay isang madaling portal papunta sa iba’t-ibang pwedeng gawin. Alam ng application kung boring na sa kausap ang isang user kaya maglalabas ito ng isang mini-game. Kapag napapansin ng user na natatagalan na sya sa mini-game, maglalabas naman ito ng video clips ng mga trending sa lahat ng dako ng internet.

 

Kapa ni Bagwis pasikot-sikot ng internet. Tinuring niya itong parang gubat na naglilipat-lipat ng mga puno. Hangang-hanga si Joseph.

 

Kulang pa sila ng ilang daang libo pa para makamit ni Bagwis ang papremyong pinakamalaking puno sa gitna ng gubat para tirahan.

 

“Gusto ko lang pasalamatan kayo sa suportang ibinibigay niyo sa main project ng aming team.” syempre papalabasin niyang team ang gumawa ng buong website. “Binabasa ko lahat ng reviews niyo at natutuwa akong naeenjoy niyo ang paggamit ng ClickedT. Rest assured that we will continue to improve the platform to give you entertainment and hopefully information that will give you awareness and more learning…” pinili niyang magkaroon ng tamang timpla ng friendly pero formal sa mga tao.

 

“Sincerely, Mr. Click” pakilala niya sa lahat. Muli, nagtago si Joseph sa isang codename. Dito, maari syang magsimula muli sa internet. Pwedeng bumalik ang mga masasayang araw nito sa kanya.

 

Dumagsa ang mga reply sa admin account niya. Sa account ni Mr. Click.

 

“This media is amazing!”

“Grabe, ang galing ng algorithm!”

“Thank you Mr. Click! Crush na agad kita kahit wala kang profile picture.”

 

Ibang-iba ang mensahe ng mga tao sa account ni Mr. Click kumpara sa account ni Joseph sa isang social media. Puro papuri sa isa na gusto syang makita at sa kabila naman, gusto syang patayin.

 

Nakaramdam ng bagong saya si Joseph, bagong acceptance. Bilang si Mr. Click, nakikita nila ang galing nito. Nakikita nila kung sino sya talaga — isang master programmer na kayang gumawa ng buong social media platform sa loob lang ng isang buwan. Hindi sya si Joseph na basta-bastang nananakit ng pulubi sa fastfood.

 

Dahil dito, may naisip gawin si Joseph. Pointing system. Binuksan niya ang laptop at agad nagdagdag ng development para sa naisip na bagong feature.

 

“Magiging patas ang pointing system na ‘to” ito ang pangako niya sa sarili. Naisip niyang maglagay nito para bigyan ng premyo ang mga taong mabait sa kanya. Babantayan niya rin ang mga taong ginagamit ang platform para mambully para mabigyan ng less point.

 

Kontrolado niya ang lahat kaya alam niyang hindi sya magiging bias tungkol dito. Positibo rin ang tingin niya dito, mas maeengganyo silang gumawa ng mabuti kapag may pointing system. Hindi kagaya ng ibang social media na basta lang magbibigay, siya ang titingin kung karapatdapat ba ang isang taong bigyan ng points.

 

“Pwede kong tanungin si Bagwis kung kaya niyang sipatin bawat account kung sino ang dapat pagbigyan ng puntos.” pagpaplano niya. Agad namang sumang-ayon si Bagwis.

 

“Mas lalo silang malululong sa application kapag ganun. Magandang ideya ‘yan.” dugtong nito.

“May gusto lang akong idagdag.” pahabol na sabi ni Bagwis mula sa chatbox ng ClickedT. “Maari ba nating bigyan ng sapat na halaga ang mga puntos para maipampalit nila ito sa ginto?”

 

“Ibig mong sabihin, pera? Ma-mmonetize nila ang points? Ganun na mostly ng social media. Bakit hindi.” lumalaki na rin naman ang pasok ng pera ng mga sponsors. At sa ganitong ekonomiya, mabuti ngang mabigyan ng trabaho ang mga nalulong sa ClickedT. Kapag nakuha na nila ang gusto nila, maraming panahon ang nawala sa mga tao. Maliit na bagay na itong mabibigay nila para sa mga nangyari.

 

“This pointing system will be our gift to them.” saad ni Joseph sa chatbox para kay Bagwis. Sumagot naman ang Tikbalang ng thumbs up icon.

 

Nagsimula syang mag program kung papano ito pagaganahin at papano maiintegrate sa kapangyarihan ni Bagwis. Nag-research din sya kung ilang puntos ang maaring maging katumbas ng piso at anu-ano ang qualification para magkaroon ng pagkakakitaan sa application. Socmed na socmed na ang dating ng nagawa niya. Ang pinagkaiba nga lang, halos ClickedT na ang nagiging internet. “Ayos lang.” bulong ni Joseph sa sarili. “Everything is under control.”

My Control. Sa loob-loob niya.

Tingin mo ilusyon lang ang lahat?

 

Bilang mga highschool student, madalas na natambay si Joseph at Carie sa rooftop ng bahay nila. Pagtapos ng eskwela, paborito nilang tumambay sa rooftop para magpahangin at dun magbahagi ng mga buhay eskwela.

 

Pinapayagang pumunta si Carie ng mga magulang na pumunta kanila Joseph kahit na naghihinala silang magkasintahan ang dalawa. Bukod sa teacher sa eskwelahan ang Mama ni Joseph, kilala nilang palaaral at mapagkakatiwalaan bata ito.

 

Mas may tiwala sila kay Joseph kaysa kay Carie. Bulakbol na bata at madalas napapasama sa gulo. Kinatutuwa na lang ng magulang nang maging magkaibigan ang dalawa ay mas madalas na itong napasok at sumipag sa eskwela.

 

“Tingin mo, mag-syota na ang mga anak natin, Mam?” tanong ng ina ni Carie sa mama ni Joseph.

“Parang hindi naman po misis.” pagtatanggol naman ng guro.

“Ay! Walang problema sa’kin kung maging sila, Mam. Ang swerte mo sa anak niyo, mam!” pamimigay ng ina ni Carie sa kanya.

 

Ang totoo, magkaibigan lang talaga si Carie at Joseph. Minsan lang silang naging magkapartner sa isang project sa science lab dahil nakita ni Joseph na walang ka-partner si Carie. Simula nun, nakatuwaan na ni Carie na magpaturo kay Joseph. At ang isa naman, bilang sadyang matulungin ay mas madalas nang ito ang tinutulungan niya. Dahil ito ang mas nangangailangan ng aralin.

 

Superhero complex. ‘Yan ang tingin ng ina sa anak na si Joseph. “Tingin niya, kapag may problema, sya ang reresolba. Siguro nakita niyang malalim ang problema ni Carie kaya ginusto niyang tulungan.” paliwanag nito.

 

Ikinatuwa naman ni Carie ang pagiging mabuting kaibigan ni Joseph kaya mas madalas na syang tumambay sa bahay nito. Aaminin niyang naging crush niya sandali ang kaibigan dahil sa pagmamagandang loob nito, pero naisip niya rin na hindi niya pala gusto ng ganitong lalaki. Naiintindihan niya ang mga aralin pero ang buong pagkatao ni Joseph, hindi.

 

Kung magkakaron man sila ng relasyon ay alam ni Carie na mas mamahalin ni Joseph ang pag-aaral o kahit anong related sa numero at problem-solving higit sa kanya. Kaya nanatili silang magkaibigan. Bukod pa sa may sikreto syang boyfriend sa na taga-ibang eskwelahan.

 

Nawiwirduhan sya kay Joseph pero may mga bagay nasasabi ‘tong talagang nakukuha ang interes niya.

 

“Tingin mo, Carie. Ilusyon lang ang lahat?” biglang tanong nito, habang nakahiga sa banig na nilatag sa rooftop. Habang nakatingin sa mga bituin sa langit.

 

“Papanong ilusyon?” bigla niyang tanong.

“Kung ‘yung buong universe, ilusyon lang.” paliwanag nito. Natawa ng kaunti si Carie.

“Sabog ka ba? Nagda-drugs ka na ba?” tanong niya habang natatawa.

 

Nawala ang ngiti niya sa mukha nang tingnan ng maigi si Joseph na seryoso sa mga sinasabi nito.

 

“Joseph!!!” sigaw niya.

Nagulat ang binata. “Bakit!”

 

“Nagda-drugs ka talaga?!?!”

“Anong pinagsasabi mo?!?” sigaw ni Joseph na biglang napaupo sa sigaw ng kaibigan.

“IKAW! Anong pinagsasabi mo?!?” ganti ni Carie.

 

“Para kang ewan, Carie.” bumalik sa pagkakahiga at pagtingin sa mga bituin. “May nabasa kasi ako. Na posible daw na parang illusion lang ‘yung reality na meron tayo. Na parang tao lang tayong reflection, ganun.”

 

“Ay! Bestie alam ko ‘yan. ‘Yang simulation simulation daw tayo.” pagyayabang ni Carie nang maunawaan ang sinasabi ni Joseph. “Napanuod ko ‘yan!” galak na galak syang makakasabay sya sa utak ni Joseph kahit papano.

 

“Papano kung ganun?” tuloy lang sa pag-iisip habang nakatingin sa mga bituin.

“Ano naman?” walang pag-aalala sa boses ni Carie.

“Anong ‘ano naman’? Kung simulation lang tayo, ibig sabihin nun, walang mahalaga. Ibig sabihin, walang kwenta lahat ng ginagawa natin.” paliwanag ni Joseph.

 

Seryoso ang kaibigan. Seryosong nag-aalala sa mga bagay na posibleng mangyari. Sa posibleng hindi totoo. Naupo sa gilid ni Joseph si Carie.

 

“Di’ba sabi mo. ‘Numbers are the secret language of the universe’” paalala ni Carie.

“Si Galileo nagsabi nun pero sige…” sagot ni Joseph.

 

“Basta, ibig sabihin, lahat ng bituin, lahat hanggang sa pinakamaliit na molecule…”

“Hindi molecule ung pinakamaliit pero sige…”

“Isa pang singit mo tatampalin kita ng batya…”

“Hahaha, ito naman.” lambing na tawa nito.

 

“Kung hindi tayo totoo, kung ilusyon ‘to lahat. Ang ganda ko namang ilusyon.” sabay hawi ng buhok ni Carie. “‘Di joke lang. Kung hindi ‘to totoo, ang ganda naman ng hindi katotohanan. Ang saya naman ng mga bagay na nangyayari satin. Tsaka kung hindi tayo totoo, hindi natin maiisip ang mga ganyang bagay.”

 

“Cogito, ergo sum.” banggit ni Joseph “I think therefore I am.”

 

“At sabi nga ni Galileo, na numero ang salita ng universe? Kung ganun, madali nating makikita na totoo ang universe. Dahil may mensahe sya sa atin lagi.” paliwanag ni Carie. Hindi man matalino academically ang dalaga (dahil narin siguro bulakbol at walang gana sa eskwela) pero insightful ‘to sa mga bagay-bagay. Ito ang rason bakit nanatili silang maging magkaibigan ni Joseph. Tuwing may pag-aalinlangan sya sa mga bagay, alam niyang maaasahan niya si Carie.

 

“Totoo ang buong universe, kasi di’ba, sabi mo, nakikita mo ang numero sa lahat. Kung papano tayo nagsimula lahat sa numero, hindi ko alam. Basta ang alam ko, totoo ‘yun lahat. Totoo ang saya, ang lungkot at ang mga problema ng mga nasa edad natin. Totoo ang pagkakaibigan natin.” ngiti nito kay Joseph.

 

“May mensahe sya sa mga bituin. Ang distansya nila sa sa isa’t isa, ang mensahe ng numero sa sining sa bilang nilang distansya. Kaya nakakakita tayo ng mga figure na naging zodiac. Na nagagamit natin ang posisyon nila sa paglalakbay para magkaroon ng totoong pakikipagsapalaran.” pagpapatuloy nito.

 

“Kapag naiisip mong hindi tayo totoo, Joseph, tumingin ka sa mga bituin. Para maalala mong may mensahe ang universe. Iba-iba man ang mukha ng sansinukob, iisang sansinukob ‘to. Ito ang totoong sya.” tumingin din sa langit si Carie.

 

“At malalaman mong, ganun ka rin. Iba-iba ka sa paningin ng iba, pero totoo ka. ‘Yun ang totoong ikaw. Kasi ‘Cognito Ego sam’” pagtatapos nito.

 

“Wow.” paghanga ni Joseph kahit na gusto niyang itama ang qoute ni Rene Descartes na ‘Cogito, Ergo Sum’.

 

“Alam mo kung san galing ‘yun mga ganung litanya?” tanong ni Carie.

“Sa boyfriend ko sa kabilang school lang!!!” pasigaw nitong balita. Kumpyansya syang walang makakarinig sa rooftop.

“Wala na kayo ni Benjamin?” pagtataka ni Joseph.

“Hay naku,” sagot nito. Na hindi naintindihan ni Joseph kung oo o hindi ito o pinagsasabay sila ng kaibigan.

 

“Panong deep thinker ka at the same time ang shallow ng mga desisyon mo sa buhay” pagtataka niya sa kaibigan.

 

“Heh! Inienjoy ko lang ang buhay kasi totoo ang saya, bestie.” pagdadahilan nito habang binubuksan ang baon niyang chichiria.

 

Tinuloy ni Joseph ang pagtingin sa mga bituin. Totoo ang ganda nito.

Success has a price

 

Napatingin sa langit si Joseph nang magdesisyon syang umakyat sa rooftop nila para mag-isip. Ginagawa niya ‘to para makaisip ng tamang approach sa pag-program ng pointing system. Maulap ang gabi ngayon. Sayang, napapakalma pa naman sya ng mga bituin. Mas kalmado, mas madali syang nakakaisip ng solusyon sa algorithm na kailangan.

 

Naisip niya kung kumusta na kaya si Carie. Matapos nilang umakyat sa bundok noong nakilala niya si Bagwis, nalimutan niya nang kausapin ito. Dumiretso sya pauwi para mag-focus sa pag-gawa ng application. Naawa pa naman sya dito dahil alalang-alala ‘to nung nawala daw sya sa gubat. Napagbintangan pa niya ‘tong sinadya syang iligaw.

 

Agad syang nagbukas ng social media. Syempre gamit ang official account niya. Titiisin niya lang ang mga trolls na hindi parin tapos mag send sa kanya ng PM. Agad niyang hinanap ang pangalan ng kaibigan at nagsend ng message.

 

“Huy Carie, hindi pa pala ko nagpapasalamat sa pagyaya mo sa’kin sa bundok.”

“Sobrang naenjoy ko, nagmamadali lang akong umuwi kasi may project akong balak gawin.”

“Kita tayo minsan, gusto ko nang lumabas-labas.”

 

Nakatatlong send sya ng message. Katakatakang offline ‘to kahit na ito ang reyna na social media. Laging online sa lahat ng platform. Kaya rin nito nakahiligang mamundok ay para magkaron ng mga travel posts.

 

At hindi sya sanay na hindi sya agad nito nirereply-an. Lagi ‘tong handang sumagot. Kung wala nga ‘tong trabaho at current na boyfriend, tatambay ‘yun sa bahay nila Joseph. Pero lumipas ang isang buwan na wala syang balita dito.

 

May konting pag-aalala sa isip niya. Hindi kaya may nangyari na sa kaibigan kaya hindi na sya napupuntahan? O kaya nagtampo ‘to dahil sa asal niya simula nung sa bundok?

 

Agad bumaba si Joseph para tumawag sa landline. Naisip niyang tawagan ang cellphone nito pero kung offline sya sa socmed, malamang hindi nito hawak ang cellphone. Mas lalong nag-alala si Joseph sa katotohanang posibleng hindi nito hawak ang phone. Kasi nga, reyna ‘to ng social media.

 

Tumawag sya sa landline sa bahay nila Carie. Nag-ring ang telepono at mama nito ang sumagot.

 

“Sino ‘to?” kilala ni Joseph ang boses ng mama ni Carie.

“Si Joseph po, tita.” pakilala niya.

“Ay! Joseph, kumusta ka na?” agad na tanong nito. Nag-aalala rin sa mga nakaraan niyang napagdaan. Malamang nakita nito ang video.

 

Sino bang hindi.

 

“Ayos naman po ako,” pagsisinungaling niya. “Si Carie po?”

“Ah, nasa kwarto niya. Nagsiselpon.” sagot nito.

 

Hawak niya ang cellphone pero hindi sya online?

 

Narinig ni Joseph ang sigaw ng mama nito para tawagin sya. Medyo narinig pa niya ang sagutan ng dalawa dahil mukhang tinatamad lumabas si Carie. Tipikal sa kaibigan ang mabugnot sa nanay kapag tinatawag. Parang magtropa lang sila mag-usap.

 

Excited naman si Joseph na ibalita sa kaibigan ang mga nangyari. Mawawala ang bugnot nya kapag narinig niya na si Joseph ang gumawa ng bagong nasikat na application online.

 

“Hello? Joseph?” sagot nito sa telepono.

“Uy! Carie. Nagchat ako sa’yo kaso offline ka.” agad na sagot ni Joseph.

“Ah, offline na talaga ko sa ibang social media. Meron kasing bago ngayon! Bestie! Nakakaadik!” pamamalita nito.

 

Parang nanlamig ang paa ni Joseph. ClickedT.

 

“Itong ClickedT. Grabe! Ang dami kong nakakausap. Tapos alam mo meron dito ‘yung anonymouse ka lang…”

“Anonymous” pagko-correct niya.

“Basta ‘yun. May mga games din. Tapos may usap-usapang magkakaron ng monetization para dito. Nakakaexcite kasi ang dami ko na ring followers dito.” pagkukwento nito.

 

“Oo, narinig ko rin ‘yan.” pagsisinungaling ni Joseph. Hindi niya alam kung bakit sya nagsisinungaling. Pwede niya namang sabihin sa kaibigan ang totoo. Pero natakot syang kaya naliligaw ang kaibigan ngayon ay dahil sa kagagawan niya.

 

“Ay teka.” banggit ng kaibigan na parang may naalala. “Sa’yo galing ‘yung link bakit ko nakita ‘to eh!”

 

‘Yung clickbait post. Bakit ba hindi niya naisip na makiclick ‘yun ng kaibigan.

 

Wala namang masasaktan sa ClickedT. Safe naman ang ClickedT. Sabi ni Bagwis walang masasaktan.

 

Ito nag paulit-ulit niyang pinapaalala sa sarili. Walang masamang mangyayari sa kaibigan.

 

“Kita naman tayo, gusto kong mag BGC, kahit coffee lang.”

“Nakakatamad lumabas, Bestie.” agad na sagot nito.

Nakakapanibago kay Joseph na ganto ang sagot ng kaibigan. Laging ito ang nagyayaya ng labas nila. Kung walang nagbago dito, halos mababaliw ‘to sa saya na sya ang unang nagyaya. Pero hindi. Alam niya naman ang nangyayari sa kaibigan. Lulong na ‘to sa ClickedT. Ayaw niyang lumabas at ilayo ang mata dito.

 

Ngayon lang naisip ni Joseph ang lakas ng addiction sa application na ginawa niya. Papano, sa bahay nila, hindi nagamit ng social media ang mga magulang, kaya hindi niya nakita ang epekto sa buhay ng tao. Ngayon, ang kaibigan niya ang na-trap sa kapangyarihan ni Bagwis. Inisip niya tuloy kung ano ang magiging buhay ni Carie kapag natapos na ang enchantment. Napapabayaan niya kaya ang trabaho? Siguro naman hindi. Siguro napasok parin naman sya.

 

Ano pa kayang epekto nito sa iba?

 

Nagkakaroon na ng pag-aalinlangan si Joseph. Kaya naman pagkapaalam niya sa kaibigan at pagkababa ng telepono, agad syang pumunta sa kwarto at binuksan ang laptop. Nagsimula syang mag type ng mga tanong kay Bagwis.

 

“Papano ang buhay nila pagkatapos ng lahat ng plano natin?”

“Sila ang bahala.” malamig na sagot ng Tikbalang.

“Sabi mo walang masamang mangyayari?” pag-uusisa ni Joseph.

“Hindi masama ang ginagawa natin sa kanila.” dahilan nito.

“May masamang mangyayari?” paglilinaw ni Joseph sa tanong niya. Wala syang oras maging malalim si Bagwis, gusto niya ng sagot sa mga tanong niya.

 

“Palaging may mga mangyayari sa mga desisyon ng tao. Masama, mabuti. Sinong makakapagsabi?” matalinhagang sagot nito.

 

Gusto niyang burahin ang application. Hindi niya napag-isipan ang kahihinatnan nito sa iba. Dapat naisip niyang marami syang masisirang buhay. Inaamin niya sa sarili na kinain sya ng paghihiganti at pagiging makasarili.

 

Pero naisip niya rin. Habang tinitignan ang mga viral video sa mismong ClickedT. Isa parin dun ang video niya. Salamat kay Ernesto. Hindi sya pwedeng huminto ngayon. Kung biglang mawala ang ClickedT, dadami ang mga taong maaalala ang ginawa niya at sya nanaman ang pagdidiskitahan ng marami. Isa pa, hindi niya alam kung anong gagawin sa kanya ni Bagwis kung hindi nito makuha ang gusto sa mga plano nila. Hindi niya pa ‘to lubos na kilala.

 

Papano magiging ayos ang lahat. Papano masosolusyunan ang lahat.

 

Naglagay sya ng goal sa isip:

 

  1. Magiging ayos ang buhay ng mga gumamit ng ClickedT matapos mawala ang enchantment ng Tikbalang.

  2. Makuha ni Bagwis ang gusto niyang bilang ng mga taong naligaw.

  3. Tuluyang mabura sa isip nila ang Viral video na pinagsimulan ng lahat ng ito.

 

Isang solusyon ang pumasok sa isip niya. Monetize Pointing System. Kung makakaipon ang mga taong nalulong sa app, magkakaron sila ng sapat na pera para makaipon kapag natapos na ‘to. Maglalagay din sya ng point system sa mga gagawa ng mga learning materials sa mga bagay-bagay. Mas Educational, mas maganda, para maka-attend sila ng mga seminars habang lulong sa ClickedT.

 

Hindi nag-aksaya ng panahon si Joseph, agad niyang sinimulan ang mga bagong feature na kailangan ng app.

 

Aaminin niyang nagsimula sya sa paghihiganti nang gawin ang ClickedT. Pero sa laki ng kapangyarihang ito, hindi niya kakalimutan kung sino ang totoong sya. Maaring sabihan sya ng mga bashers kung sino sya base sa isang video na napanuod, pero hindi niya kakalimutan kung sino sya talaga.

 

Superhero. Minsan na syang natawag ng kaibigan ng ganto.

Guiding star. Ito ang sinabi ni Carie noong minsang nakatambay sila sa rooftop. Kinakausap sya ng mga numero ng universe sa mga bituin. Alam niya ang gagawin. Kahit anong mangyari, tutulungan niya ang mga tao.

 

Kahit isang Tikbalang, handa niyang tulungan.

Other Chapters: