ClickBalang - Chapter 7

#8letters #mitolohiyaPH #filipino #myth #tagalog #novel #chapter

Chapter VII: Post-mortem

 

What went wrong?

 

Ito ang madalas na tanong kada meeting pagkatapos ma-launch ang isang project. Alam ‘to ni Joseph. Bilang isang programmer, alam niya kung ano ang maling nangyari kada project na nagagawa nila.

 

Schedule, sinisingit na task kaya masisira ang buong flow ng development system, maling structure ng database, nagkamali ng nadevelop na feature, miscommunication, blah blah blah…

 

Halos perpekto ang ClickedT. Wala syang maisip na mali niya simula planning hanggang implementation.

 

O baka mali ang motibo ko bago pa man magsimula? Bintang niya sa sarili.

 

Parang bumabaliktad ang sikmura ni Joseph sa balitang tatlo ang namatay dahil sa agawan ng enchanted coins. Nagkaroon ng kaso ng collaboration ang isang grupo na nag-focus para makaipon ng points. Isa ito ang nagngangalang Pedring, isang travel vlogger. Sinubukang itakbo ni Pedring sa kanila ang isang daang libong points na pagmamay-ari ng buong grupo. Literal na naghabol ang iba dahil totoong nagkaroon ng car chase sa pagitan ng dalawang kotse. Na-tyempuhan nilang makita ang kotse ni Pedring ng sa isang kalsada kaya minabuti nilang habulin. Si Pedring — na nakahalatang sinusundan ng kilala niya ring kotse, at walang balak magpahuli — agad na binilisan ang takbo sa kalsada na parang akala mong sarili niya ang daan.

 

Naghabulan ang dalawang kotse hanggang sa hindi namamalayan ni Pedring ang isang kasalubong na isa pang kotse kaya agad niyang pinaling ang manibela sa kanan. Nawalan sya ng kontrol para mapansin pa ang poste nakatayo sa gilid.

 

Bumangga sya sa poste na agad niyang kinamatay.

Bumangga naman ang naghahabol na kotse sa kasalubong nito.

 

Patay si Pedring at tig-isa ang patay sa dalawang nagbanggaang kotse.

 

Patay. Hindi malunok ni Joseph ang sariling laway para makapagsalita. ‘Ni hindi sya makahinga ng maayos. Umikot ang sikmura niya na parang may sariling buhay ang mga lamang-loob niya. Kusa itong pumiga na agad namang inilabas ang mga nasa loob nito.

 

Parang nasuka niya ata lahat ng kinain simula nung isang gabi.

 

Literal na krimen ang nangyari kaya naman maraming sumisisi sa ClickedT. Marami pa rin namang nagtatanggol dito. Hindi nila matanggap na ang ngayong pinagkakakitaan ng lahat ang may kasalanan.

 

Ganun na ang nangyayari pero nanatili sila sa kapangyarihan ni Bagwis. Hindi sila makaalis sa ClickedT.

 

Buong akala ni Joseph na ito na ang pinakamasamang nangyari sa ginawa nilang application, pero ang totoo, nagsisimula pa lang ang lahat. Nagsisimula pa lang ang sumpa ng Tikbalang. Hindi biro ang hiblang nakalagay sa app na ngayo’y sumakop sa buong internet.

 

Hindi na ‘to tungkol sa ClickedT, tungkol na ‘to sa buong internet.

 

Lumipas ang mga araw na papalala nang papalala ang mga nangyayari. Nagkulong sa kwarto si Joseph. Hindi sya nagbubukas ng cellphone o kahit anong device.

 

Sa gitna ng mga nangyayari, patuloy na napasok ang pera sa ClickedT kaya patuloy ang pagpapasahod nito sa mga nagsisikap makakuha ng points.

 

Automated ang pasok ng pera.

Automated ang pagpasok ng mga enchanted coins.

Automated ang pagbibigay ng pera kapalit nito.

Mga tao na mismo ang naglalagay ng mga content sa website.

 

Parang naging isang buhay na indibidwal ang ClickedT. Gumawa si Joseph ng isang halimaw na hindi niya na makontrol.

 

From the first place, may halimaw naman talaga ang application na una palang, hindi niya na makontrol — si Bagwis.

 

Dalawang halimaw na tuloy ngayon ang kinatatakutan niya. Totoong nakakatakot ang Tikbalang. Simula nang bumaba sya mula bundok, agad na niyang binasa ang mga tungkol dito. Mandirigma talaga ang lahi ni Bagwis. Mas gusto niya ang ‘wag magambala ng mga tao kaya nila nililigaw ang sinumang mapadpad sa gubat. Hindi niya alam kung anong competition ang tinutukoy ni Bagwis pero napakahalaga siguro nito sa kanya para hingiin ang tulong niya. Nakita nito ang potential ni Joseph na makagawa ng isang bagay na mas malaki sa kanilang dalawa. Kaya naman ngayon, may isang halimaw na parang kinakain ang katinunan nila ni Bagwis.

 

Natatakot na syang kausapin ulit ang Tikbalang simula ng nakaraan nilang sagutan. Walang balak tumigil si Bagwis kaya naman agad na tumutol si Joseph. Hindi ito sumagot pero malinaw na malinaw na itinutuloy nito ang pagbalot ng kapangyarihan sa ClickedT.

 

Inakala ni Joseph na makakaya niyang mabuhay na tuloy-tuloy ang pag-andar ng application na ginawa nila. Pero dahil sa nabalitang umabot ito sa nakawan at kamatayan ng mga tao, dito sya nabalot ng takot. Kaya nagpasya syang magkulong sa kwarto.

 

Kaya ito sya ngayon, nasa kwarto. Pinipikit ang mata sa mga nangyayari. Ang dating madalas na paglabas niya sa mga live broadcast bilang si Mr. Click, agad niya ring hininto.

 

Sayang, mahal na mahal pa naman ng mga tao si Mr. Click. Kahit may mga nag-aalangan sa kakayanan ng ClickedT mismo, iba ang pagmamahal nila sa founder nito. Totoo ang tiwala nila sa isang taong nagbibigay sa kanila ng payo kung papano maging mabuti.

 

Ideya ni Joseph ang magkaroon ng mga live broadcast para iklaro sana sa mga tao kung papano nagwu-work ang enchanted coins. Tinanggal niya ang lihim na kumukuha sya ng data mula sa ibang mga website. Nangangaral sya sa mga taong maging totoo sa pag-iipon ng enchanted coins sa pamamagitan ng kabutihan.

 

Wala syang ibang gusto kundi maging mabuti ang mga tao. Ito si Mr. Click. Totoo ang pagmamahal sa kanya ng mga tao.

 

Hindi nila alam na ang halos sinasamba nilang Mr. Click ay isang hamak na programmer na gusto lang namang mawala ang video niya sa internet. Hindi ‘to propeta. Isang lalaking hindi na kinakaya ang mga nangyayari at ginagawa ng mga taong taliwas sa kagustuhan niyang mangyari.

 

Gusto niya lang namang mabura ang video niya, at syempre makaganti ng konti sa uploader nito. Hindi niya naman gustong magpakamatay si Ernesto dahil sa depression dahil nilagyan niya ng hardcode command ang account nito para ‘wag magkaroon ng enchanted coins kahit anong kabutihan ang gawin nito.

 

♦♦♦



Inabot ng gutom sa pagmumukmok si Joseph. Syempre, hindi naman pwedeng habambuhay na nasa kwarto lang sya sa gitna ng mga nangyayari. Gusto niyang tumakas. Pero, nagugutom pa rin sya. Kung pwede lang sanang dun na lang sya sa lungga ng kwarto.

 

Bumaba sya kusina para makita kung anong pagkain ang meron sa ref. Kahit prutas o natirang chocolate, pwede na. Laking gulat niya nang makita ang ina sa kusina. May pasok dapat ‘to ngayon sa eskwelahan kaya katakatakang nasa bahay ‘to ngayon.

 

“Ma?” bungad niyang tanong.

“Oh, Joseph, anak. Nandyan ka pala.” gulat din nito.

 

Nagtaka si Joseph. Hindi po ba kayo nag-aalalang hindi ako nalabas ng kwarto? Pag-iisip niya. Agad naman niyang tinanggal sa isip ang ganitong simpleng sama ng loob. Baka naman gusto lang nila akong hayaang mapag-isa pagkumbinsi niya sa sarili.

 

“Wala kang pasok, Ma?” tanong niya.

“Umabsent lang ako.” sagot nito. Naisip ni Joseph na nag-aalala pa rin ang ina. Kinailangan pa nitong umabsent sa trabaho para lang makasama sya ganitong pagkakataon kahit na hindi niya sinasabi ang problema.

 

“‘Wag kang mag-alala sa’kin, Ma.” pagpapakalma niya dito.

“Hindi ako nag-aalala. Alam kong kayang kaya mo ‘yang pinagdadaanan mo.” sagot nito. “Isa pa, may nakita akong bagong magandang content para sa ClickedT account ko oh.” sabay turo nito sa mga prutas na inayos sa isang magandang plato na may ibat-ibang disenyo ng pagkakahiwa.

 

“Ma…” basag ang boses ni Joseph. Hindi napansin ng ina ang pagtawag dahil abala ito sa pagkuha ng anggulo ng kinukunang mga prutas sa lamesa. Sobrang excited na magkaroon ng entry para sa account nito online.

 

Aawatin na sana niya ang ina nang biglang bumukas ang pinto. Nakauwi na ang ama. Dito nagdesisyon si Joseph na sabihin ang lahat sa ama para manlang may mapagbuhusan s’ya ng mabigat na dinadala.

 

Nang salubungin niya ang ama, nakangiti itong bumungad sa kanya.

 

“Pa, may sasabihin ako.” nalimutan niya nang magmano para lang sabihin ang gusto niyang ipaalam.

“Ako rin! May sasabihin ako!” katakataka ang pananabik sa boses nito.

“Ha?” bulalas ni Joseph.

“May naisip akong magandang pagkakakitaan sa ClickedT, anak. Alam mo ba ‘yun? ‘Yung ClickedT? Ang laki-laki pala ng kinikita ng mga tao dun.” pinapakita nito sa anak ang bagong gawang account sa app sa cellphone. Walang kamalay-malay na ang anak mismo ang may gawa nito. Lingid sa kanila ang mahikang nababalot.

 

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Joseph.

 

Sa kauna-unahang pagkakataon, nakaramdam sya ng pag-iisa sa gitna ng malamig na gubat na sya mismo ang may kagagawan. Mas malala pa ang pakiramdam na ‘to kumpara sa pagkakaron ng viral video na ikinagalit ng buong mundo. At least ‘yun, kasama niya ang mga magulang, kahit si Carie.

 

Nawala ang gutom ni Joseph. Napalitan ng lungkot, sumunod ang takot na may kahalong galit. Galit sa sarili at galit kay Bagwis.

 

Pero bakit s’ya magagalit kay Bagwis? Basta. Gusto niya ng may pagbubuntunan ng galit. Agad syang umakyat sa kwarto para makipag-usap kay Bagwis.

 

Patakbo ang pag-akyat niya sa hagdan para agad-agad na mabuksan ang laptop. Nawala ang takot niya sa Tikbalang sa mga pagkakataong ‘to.

 

“Pakawalan mo ang mga magulang ko.” agad niyang pakiusap sa chatbox nilang dalawa.

“Papano ang mga magulang ng iba?” tanong nito.

“Sinabi ko na sa’yong dapat tumigil na tayo” pagpapaliwanag niya.

“Bakit tayo dapat tumigil?” balik na tanong nito.

“‘YUN ANG NAPAG-USAPAN NATIN!!!” hindi na napigilang magalit ni Joseph.

 

Hindi na nag-reply si Bagwis matapos nito.

 

Napayuko siya sa galit sabay umiyak. Ang daming nangyari. Ibinuhos niya ang lahat ng galit sa isang mahabang iyak. Umabot ‘to ng ilang minuto bago maubos ang lahat ng luha. Halos maubos ang boses niya sa mga sigaw na ginawa sa harapan ng computer.

 

Hindi manlang natawag ang pansin ng maingay niyang paghiyaw ang mga magulang na nasa baba lang ng bahay. Abalang-abala ang mga magulang sa pagpapalago ng mga account sa ClickedT.

 

Tulad ni Carie, parang ibang tao na ang mga magulang ni Joseph. Ang dating mabilis mag-alala kahit sa mga hindi halata niyang kabigatan, ngayon, hindi manlang marinig na halos mapatid na ang litid niya sa kakasigaw ng galit at lungkot sa mga nangyayari. Hirap na hirap s’yang matanggap na ganito ang kinahinatnan ng mga nangyari. ‘Ni hindi niya lubos na maisip na nagsimula ang lahat sa iisang desisyon niyang kumain muna sa isang fast food. Pinipilit niyang ulitin sa isip na kung magkakaron man sya ng kapangyarihang ibalik ang oras, hinding hindi sya papasok sa fast food.

 

Kung magkakaroon man s’ya ng kapangyarihan, di’ba ito na ang nangyari? Nagkaroon sya ng kapangyarihan. Nagkaroon s’ya ng pagkakataong panghawakan ang ibang tao. Kaya humantong ang lahat sa ganito.

 

Kung sanang hinayaan niya lang humupa ang trend ng viral video. Kung sanang nag-antay sya ng kaunting panahon o kahit taon na magsawa ang tao sa pag-atake sa kanya. Wala sanang ClickedT. Wala sanang namatay.

 

Pagtapos maghinagpis sa dami ng nangyari, minabuti niyang kumustahin ang mundo. Minabuti niyang tignan ang sariling kagagawan na ginawa niya sa mga magulang, kapatid at kaibigan ng iba. Tulad ng sinabi ni Bagwis, para s’yang nagising sa katotohanang ang nangyayari sa mga magulang ay nangyayari rin sa iba. Ginawa niya ‘to sa kanila at sa milyon-milyong tao sa buong mundo.

 

Nanginginig ang mga kamay niya nang iclick ang newsfeed ng ClickedT, bilang ito na ang main social media ng mundo, kaya naandito na ang lahat ng pangyayari. Kahit na inaasahan niya na ang mga mababasa, hindi pa rin handa ang sikmura niya sa mga nangyayari.



♦♦♦

 

May isang kwento sa newsfeed na nakita si Joseph tungkol sa isang account na binibenta dahil sa bilang ng followers. Napagastos ng tatlong daang libo ang isang ginang para lang mabili ang account kung saan mas marami syang followers. Lumabas na scam din ang isang ito kaya natangay ang sariling pera.

 

Marami na sa mga tao ang habol ang likes at comments ng mga tao sa ClickedT. May mga taong walang pakialam sa enchanted coins dahil marami naman silang pera. Mas hinahabol nila ang pagtanggap ng mga tao sa kung sino sila.

 

Nauso rin ang mga “you decide” trend kung saan followers nila ang pipili ng kahit anong gagawin nila sa loob ng isang araw. Kahit anong iutos ng majority sa boto, gagawin nila. Umabot ito sa pagtalon ng binatang si Jeremy sa 18th floor building dahil napagkaisahan s’ya ng mga fans na ganun dapat sya mamamatay.

 

Bukod sa basag na bungo ng binata sa kalsada, mas nakakasuka rin ang mga taong pumalibot sa bangkay nito para makuhanan ng picture para maipost sa ClickedT bilang “#newsOfTheDay”.

 

Naging normal na ang krimen sa website. Kahit na gustuhing makisali ng batas, hindi sila magawang magpataw ng parusa dito dahil nasa loob na rin sila ng kapangyarihan nito. Bukod dito, may tiwala sila kay Mr. Click dahil para sa kanila, mas alam nito ang gagawin.

 

Nakakita ng isang post sa social media si Joseph tungkol sa isang sanggol na binenta para sa isang account na may isang milyong enchanted coins. Scam ang account kaya nagawang magreklamo ng magulang nang mapansing lugi sya sa palitan. Nakita niyang peke ang account kaya sya nagreklamo. Wala syang pakialam sa sanggol. Ang mahalaga sa kanya, makuha ang account na naipangako sa kanya kapalit ng anak.

 

Kasalukuyang nasa isang ahensya ang bata habang gumugulong ang kaso. Nagkakaron ng panahon sa bata na wala sa magulang dahil lang lulong na ang lahat sa social media.

 

Wala nang pakialam ang mga tao sa paligid. Kaliwa’t kanan ang gulo sa mga tao. Kahit na patuloy ang mga advocacy sa online para sa kapaligiran,, hindi pareho ang nangyayari sa aktwal na mundo. Minsang nagclick ang advocacy para sa kalikasan na nakakuha ng maraming enchanted coins at papuri sa mga tao. Simula nun, nagsilabasan ang mga programa online na nagnanais (daw) mapabuti ang kalikasan. Pero ang totoo, clickbait lang sa reactions at enchanted coin ang lahat.

 

Naiwang nakatiwangwang ang kalikasan habang lumalaban sa sariling buhay ang mga gubat.

 

Naisip ni Joseph si Bagwis sa kwentong ito. Handa ba talaga ang Tikbalang isakripisyo ang kalikasan para sa kagustuhang manalo? Hindi ugaling warrior ‘yun ah. Ito ang naiisip niya. Papano kung lumalala ang kabaliwan ng mga tao sa pagkalulong sa internet at magkaroon ng malawakang pagkasira nang hindi nila namamalayan?

 

Ganun na naman ang nangyayari kahit wala pang hipnotismo sa internet.

 

Ito ang naiisip ni Joseph. Bago pa man magkaroon ng ClickedT, bago pa malagay sa balikat ang desisyon kung sisirain ng internet ang utak ng mga tao, matagal na naman itong nangyayari. Hindi original ang format ng proposal niya kay Bagwis. Ito ang natural na nangyayari sa mundo niya kaya alam niyang posible ‘tong mangyari. Alam niya rin na ito ang ginagagawa ng mga taong nagdevelop ng social media. Pikit lang habang napasok ang pera sa banko. Binabanlawan lang ang konsensya sa pa-swimming sa dagat sa private island.

 

Inisip niya kung kaya niyang gawin ‘yun. Habang natutupok ang mundo sa pagkalulong sa ClickedT, pwede syang bumili ng private island at dun lang tumambay.

 

Hindi ako basura.

 

Naalala niya ang sinabi dati noong sariwa pa ang bashing sa kanya dahil sa viral video. Gusto niyang mag-isip ng solusyon pero ang daming gumugulo sa isip niya ngayon.

 

Hindi niya maiwasang magbasa ng mga kwento sa ClickedT at mga news website tungkol sa mga nangyayari sa paligid. Ang dami-daming advocacy tungkol sa paglaban sa krimen, paglaban sa pang-aabuso at paglaban para sa kalikasan. Pero hindi ‘to tumutugma sa ibang nababalita. Tulad ng tumataas ang kwento ng abuso sa mga anak ng mga magulang. Hindi sigurado si Joseph kung ang kwentong ‘to ay para lang makaipon ng enchanted coins. May nakikita rin kasi syang arte lang ang lahat.

 

Ganito na ang naging format ng internet:

 

Hindi totoong mga pangyayari para lang makalikom ng pera. Makasariling content para lang may manuod. Pagpapakita ng magagandang bahay, magagandang bakasyon, magandang relasyon. Pero ang totoo, sira ang buhay. Mga scam na aktibidad para mapalago ang followers. Ang paggawa ng kahit anong bagay, magbayad ng kahit magkano para lang tanggapin ng mga tao online. Pekeng pagmamahal sa pekeng pamamaraan para makakuha ng pera.

 

Ang isang katakatakang magandang bagay, ang pagmamahal ng mga tao kay Mr. Click.

 

Naging beacon of hope si Mr. Click sa mga nangyayari. Ito ang pinipilit nilang gayahin. Isang misteryosong taong nakagawa ng isang bagay para magkaisa ang lahat. Lingid sa kaalaman nilang mahika lang ang lahat.

 

Naisip na ni Joseph na maglabas ng video si Mr. Click na himukin ang mga taong magpakatotoo pero alam niyang mas malala lang ang mangyayari. Lalo lang maglalabas ng mga hindi totoo ang mga tao sa internet dahil hanggang dun lang ang kapangyarihan ni Mr. Click.

 

Hindi sya pwedeng lumabas bilang totoong tao dahil ang totoo, sya lang si Joseph. Isang binatang minsang walang awa nilang pinagtulungan online. Isang beses pang lumabas sya bilang personalidad sa internet, babalik sa unang problema ang gagawin niya. Mawawalan ng silbi lahat ng naiprogram niya sa ClickedT at lahat ng moralidad na tinapon niya para lang hindi na sya mabully online — kahit pala offline dahil naalala niyang nahambalos siya ng hindi kilalang lalaki sa isang coffee shop.

 

Papano kung i-delete ko ang buong ClickedT?

 

Suggestion niya sa sarili. Naalala niya lang na ang buong enchantment ay nasa buong internet na, wala na sa mismong app. Baka hindi rin gumana ‘yun. At kung sakaling gumana.

 

Kung sakaling magtagumpay s’yang palayain ang mga tao, kaya niya bang kalabanin si Bagwis?

Other Chapters: