ClickBalang - Chapter 8

#8letters #mitolohiyaPH #filipino #myth #tagalog #novel #chapter

Chapter VIII: Face Reveal

 

Isang matiwasay na araw ang bumungad kay Joseph. Ito ang araw bago magkaroon ng ClickedT, bago ang pamumundok nila ni Carie para makilala niya ang tikbalang na si Bagwis at bago ang viral video na bumago sa buhay niya. Isang simpleng tao lang si Joseph na minsang nagutom at nagdesisyong kumain muna sa isang fastfood malapit sa kumpanyang pinagtatrabahuhan.

 

Ano na lang ‘yung kaunting ma-late sa trabaho. “Deserve ko ‘to.” bulong ni Joseph. Simpleng late lang para magkaroon muna ng almusal na gusto niya. Natakam lang sya sa bus papasok nang magbukas ng burder sa bus. Naisip niyang kape lang ang laman ng tyan simula pagbangon niya sa umaga.

 

Pagpasok niya sa loob, lamig ng aircon agad ng kainan ang bumungad sa kanya. Ang lamig. Mas masarap kung hindi lang burger ang i-order. Naisip niyang magdagdag na rin ng kaunting fries at friend chicken.

 

Tapos spaghetti na rin. “Sagarin mo na.” pag-spoil niya sa sarili.

 

Matapos umorder, agad syang naupo sa table at nagbukas ng cellphone. Payapa ang buhay ni Joseph. Hindi man madalas ang mga ganitong umaga na nakakapag-almusal s’ya sa gusto niyang kainan, madali niya naman ‘tong nagagawa kapag ginusto niya. Privilege kasi talaga s’yang kanya lang napupunta ang sweldo dahil wala naman s’yang ibang responsibilidad kundi ang sarili.

 

Browse lang s’ya ng mga video sa social media.

 

Mga nag-aaway na mag-asawa. “Hoy! Babae ‘yan! ‘Wag mong inaaway, dapat sa kanila minamahal.” comment niya.

 

Swipe. Bagong video. Nag-aaway na magkapitbahay naman ang sumunod. “Kung matapang ka nga hampasin mo ng tabo.” dagdag na comment nito sa video.

 

Swipe. Bagong landian trend ng mga teenagers. “Nung panahon ko, anime sa hapon lang ang gusto namin e.” natatawa-tawa pa sya habang tina-type.

 

Swipe. Bagong usong sayaw naman ang nakita niya.

Swipe. “Ito na nga ang bagong chismis…”

Swipe. “Okieee, everybodyyy, get ready with meee.”

Swipe. Vlogger na nag-stream ng sariling laro online.

Swipe. “Hi vlog, welcome to my guys…”

Swipe. “Diumano! Nagmumulto?”

Swipe. “‘Wag muna tayong umu…”

Swipe. Hindi namalayan ni Joseph na hindi nakakuha ng fries ang kabilang kamay kaya sariling daliri ang nakagat niya. Ito ang nagpagising sa kanya sa doom scroll moment habang nakain. Napansin niyang madami pa s’yang nakitang video kaysa sa nakain mula sa madami niyang order.

 

“Mas gutom pala ko sa social media kaysa sa totoong pagkain.” biro niya sa sarili.

 

Ni-lock niya cellphone at binulsa para makapag-focus sa kinakain. Hindi na masarap ang pagkain kapag lumamig. Agad niyang inubos ang inorder para madali nang makapasok sa trabaho.

 

Habang nakain at nakababa ang telepono, dito niya napansin ang paligid. Puro naka-cellphone ang mga tao. Kung hindi nagsi-cellphone, kumukuha ng video. “Pati ba naman ‘yan iba-vlog.” husga niya sa mga nakita.

 

Dito niya narinig ang matinis pero kapansin-pansing hiyaw ng babae. “Ay! Ano ba yan!” wika nito. Agad napatingin si Joseph sa kalapit niyang table. Isang babaeng kakadaan lang sa harapan ng isang pulubi na nasa loob ng fastfood. Inisip niyang malamang na nanghihingi ang pulubi sa babae pero hindi nito binigyan. “Matapobre.” bulong ni Joseph sa sarili.

 

Pinagpatuloy niya ang pagkain pero sa pagkakataong ‘to, nakapako na ang paningin niya sa dalawa. Wala s’yang bukas na cellphone kaya siguro attentive s’ya sa paligid, hindi kagaya ng mga zombie sa loob.

 

Pagkadaan ng babae ulit sa pulubi, dahil sa maliit na daanan na parte ng kainan na dito lang mabilis makakadaan para kunin ang order, dito nakita ni Joseph ang ginawa ng pulubi kaya napahiyaw ang babae. Nakita niyang hinawakan ng pulubi ang pwet nito pababa sa maselang bahagi ng katawan.

 

Pwedeng maisip ni Joseph na wala sa tamang katinuan ang pulubi, kung hindi lang niya una nang narinig ang ibang reklamo sa mismong lalaking taong grasa sa parteng ‘to ng syudad. Kilala ang pulubi sa ganitong gawain. Wala lang pumapatol dahil sa naawa o natatakot sa kaya nitong gawin pagkadaan.

 

“Dapat may magturo ng leksyon d’yan.” tanda niyang minsang napag-usapan nilang magkakatrabaho nang madaan ng kwentuhan.

 

Kumulo ang dugo ni Joseph sa nakita. Habang kinakain ng social media ang mga tao sa paligid, ganito ang ginagawa ng lalaking pulubi. Porket subsob sila sa kanikanilang telepono, may ganito nang nangyayari, wala pa silang kaalam-alam. Nakita niyang lumayo lang ang babae ng pagkakaupo pero kita niyang paiyak na ito.

 

Pinilit niyang magtimpi pero sa itsura ng mga tao sa paligid, ang nakalayong mata ng gwardya sa nangyari, ang hindi pagpansin ng mga taong nakakita ng kalaswaan, hindi niya napigilang damputin ang pinakamalapit niyang mahahawakan at lumapit sa pulubi. Mabuti na lang at hindi martilyo o kutsilyo ang nahawakan niya. Dahil sa ang mga sumunod na pangyayari, pinaghahampas niya ng tray ang pulubi.

 

Wala s’yang pakialam kung magmakaawa man ‘to o pumalag sa kanya. Tuloy-tuloy ang hambalos niya ng tray. Dito nakuha ang atensyon ng lahat ng tao. Naririnig niya ang hiyawan ng mga nakapaligid pero hindi niya ‘to pinapansin.

 

Pinilit pumalag ng pulubi pero sadyang wala nang kontrol si Joseph para ilampaso s’ya sa sahigg kung saan wala na s’yang magawa kundi magmakaawa at iharang ang mga kamay sa mga atake ng binata. Sunod-sunod na dagok ang natamo ng pulubi na natapos lang dahil nawasak na ang tray sa huling hampas dito.

 

Natulala ang mga tao sa nangyari. Nagulat silang isang empleyado sa isang kumpanya(salamat sa suot-suot pang ID ni Joseph kaya nalaman din ng lahat kung saan s’ya nagtatrabaho) ang papatol sa isang pulubi at aapihin ‘to ng ganito kalala. Gulat ang bumalot sa lahat kaya walang nakaisip magvideo ng pangyayari — bukod sa isa.

 

Napansin ni Joseph na sa bandang likuran niya, nakatutok ang camera ng isa sa mga customer. Napaharap pa s’ya dito, sapat ang tagal ng pagharap niya para ma-verify sa video nito ang mukha niya. Nakita niya pang nakangiti ‘to sa mga nangyari. Dito naisip ni Joseph ang pwedeng mangyari sa ginawa niya. Programmer s’ya. Web Developer. Alam na alam niya ang social media at ang madalas na hindi pantay nitong panghuhusga.

 

Tumakbo s’ya palabas ng kainan.

 

“Gusto ko lang namang tumulong.” pagtatanggol niya sa sarili.

 

♦♦♦

 

Kilala ni Joseph ang internet. Matapos ng insidente sa fastfood, ang katakot-takot na bash na natanggap niya, ang pagkasuspindi niya sa trabaho, ang pamumundok nila ni Carie, ang pagkaligaw niya sa gubat dahil sa isang tikbalang, matapos ang katakot-takot na programming niya ng Clickedt, at ng panloloko niya sa mga tao, ang pangmamanipula niya sa addiction ng mga ito, alam na alam niyang hindi maawa ang internet sa lahat ng kasalanang ginawa niya.

 

Kapag nagdesisyon ‘tong kainisan s’ya, wala s’yang ibang kaligtasan mula dito kundi ang mawala saglit at magkaroon ng bagong issue. Hindi hindi ‘to magpapatawad.

 

Katulad sa kapag may napili itong mahalin. Sa pagkakataong ‘to, mahal na mahal ng internet ang mga pusa, cute na baby, naggagandahang mga vloggers at higit sa lahat, si Mr. Click.

 

Tinitingala nila si Mr. Click bilang isang taong nagrevolutionize ng internet. Pinagkaisa niya nga naman ang social media, sa video streaming, point rewards at kahit hindi nagdadagdag ng programming si Joseph, nagawa ng mga taong gamiting digital wallet ang Clickedt. Mataas ang tingin nila kay Mr. Click.

 

Para sa kanila, ang maging mayaman, matalino at higit sa lahat, mabait ay pagiging anghel sa lupa. Mayaman na s’ya ngayon at successful dahil nabibigay niya ang tamang pasahod sa mga nakakaipon ng enchanted coins. Madalas sa mga yumayaman, nagiging mayabang na at nakakalimot magbigay sa kapwa. Iba si Mr. Click.

 

Walang bahid dungis si Mr. Click. Perpekto s’yang tao. Ito ang napagkakasunduan ng internet.

 

Matalino s’ya sa paningin nila. Ang maging head ng isang kumpanya(wala silang ideya na one-man team si Joseph sa pagpuprogram ng Clickedt, hindi niya sinasabi ‘to dahil ano na lang ang magiging reaksyon ng mga tao, magiging sobra ang pagsamba nila sa galing niya.) sapat nang rason sa kanila para maintindihan ang kapasidad ng utak nito. Sa kabila ng katalinuhan na taglay niya, ginawa niya pa rin ito para sa kabutihan ng lahat. Patuloy niyang inimprove ang Clickedt para maging convenient sa mga users.



Walang bahid dungis si Mr. Click. Perpekto s’yang tao.

 

Mabait si Mr. Click. Namimigay s’ya ng pera. Therefore, mabait s’ya.

 

Wala silang pakialam kung saan galing ang pera. Wala silang pakialam na ginagamit lang sila nito para sa sariling kapakanan. Wala silang pakialam kung anong baho ang tinatago ng isang founder ng website na kinakailangang magmaskara kapagg humaharap sa publiko.

 

Wala silang pakialam, basta mabait si Mr. Click. Namimigay s’ya ng pera.

 

Sa ganitong pag-uugali ng mga tao, nalilito na si Joseph. Alin ang mahika ni Bagwis at alin ang totoong pag-uugali nila. Kung sakali bang tanggalin ang mahika ni Bagwis para iligaw sila, makikita ba nila ang totoo? Lalabas ba sila sa gubat ng internet na gawa nilang dalawa? O mananatili sila dito dahil sa sarili nilang kagagawan?

 

Naalala niya ang pagkaligaw niya sa gubat.

 

Nagdalawang isip s’ya kung lalabas ba siya o hindi. Para sa sariling kapakanan ang naisip niya. Gusto niyang lumayo sa mundo. Unpredictable ang buhay, hindi kagaya sa gubat nun, ang dali lang i-solve ng puzzle ng gubat.

 

“Hindi kaya, ganito talaga ang tao?” bulong ni Joseph sa sarili. “Gagawin lang namin ang lahat para sa sarili? Tatanggapin namin ang mga bagay na hindi totoo para lang mabuhay sa isang ilusyon kung saan nakukuha namin ang gusto namin?”

 

Naramdaman ni Joseph ang sariling pagsuko sa mga salita habang kausap ang sarili.

 

Tumayo siya sa kama para tapusin ang pagmumuni-muni. Binuksan niya ang laptop at nagmonitor sa Clickedt. Wala paring reply si Bagwis matapos ng huli nilang sagutan. Isang buwan na ring halos kwarto at kusina lang ang pinupuntahan niya.  Minsan niyang sinubukang lumabas pero nawalan lang s’ya ng gana dahil tungkol sa Clickedt ang lahat ng ginagawa ng mga tao. 

 

Kumuha ng video sa kahit ano nilang ginagawa. Kahit nakain o naglalakad lang sa park. May mga bagong silang na sanggol na ginagamit na rin para makaipon ng reactions. Sa puntong ‘to, hindi na lang enchanted coins ang habol ng mga tao. Nagkakasya na sila sa simpleng reaction. Positibo o negatibo, pantay ang halaga nito sa kanila.

 

Minsang napadaan s’ya sa nagawa ng scripted na awayan sa restaurant. Inisip niya kung bakit hindi ‘to sinasaway ng gwardya. Malamanlaman niyang ang mismong restaurant ang may pakana ng lahat. Scripted advertisement lang pala ng establishment.

 

Hindi na iba sa labas ang loob ng bahay nila. Naiirita s’yang panay kuha ng ng video ang ama mga ginagawa nitong DIY woodworks. Samantalang alam na alam niyang hindi nito gustong malaman ng mga tao na hilig niya ang woodworking. Ang ina naman na isang guro, nagvi-video ng mga online tutorial. Wala namang masama dito, kung sana hindi palagi at required panuorin ng mga estudyante lahat ng video niya. Kasama ang walang kinalaman sa eskwelahang cooking streaming show niya. Hinahayaan s’ya ng principal dahil dagdag daw ‘to sa advertisement ng eskwelahan.

 

Walang gulong nangyayari sa paglawak ng Clickedt. Walang nasusunog na bahay o nagtatakbuhang mga tao ang kaguluhang hatid nito. Pero alam ni Joseph ang kadilimang nakabalot sa lahat.

 

Ito ata ang mas nakakatakot na apocalypse, ang lumipat ang mga tao sa digital world at iwanan ang totoong mundo, kasama ng mga pisikal nilang mga katawan.

 

Nagmukhang mga zombie ang mga tao. Laging nakayuko sa mga cellphone at laging may hawak na camera. Nakikita lang nilang dapat ayusin ang mga bagay kapag nakita na sa Clickedt na dapat na itong ayusin.

 

Sira ang poste ng ilaw? Hindi ito mapapansin hanggang may isang vlogger na magfeature nitong natatakot s’yang umuwi sa gabi.

Sira ang kalsada? Nareklamo na kaagad sa internet ‘to at may mga nagcomment na dapat bigyan ng aksyon.

 

Natutuwa ang marami sa aksyon ng mga tao sa Clickedt. Pero nakikita ni Joseph ang ‘di katanggap-tanggap na katotohanan nito. Ginagawa lang nila ‘tong lahat para sa application na s’ya mismo ang may kagagawan. Ginagawa lang nila ang isang bagay kapag nakatingin ang mga tao.

 

Naalala ni Joseph ang nangyari sa fastfood — ang nangyari sa babae, ang panghihipo ng pulubi. Walang nakatingin sa totoong nangyari bukod sa kanya. Kung mayroon man, hindi sila gumawa ng aksyon dahil takot silang mahusgahan ng tao o maging kasali sa isyu.

 

Kung ano man ang nakita ni Joseph noong araw na ‘yun, ganun din ang nakikita niya ngayon. Ang pinagkaiba nga lang, siya ang may kagagawan sa mga nangyayari ngayon.

 

Naisip niyang kasalanan niya lahat ang nangyayari. Hindi s’ya dapat pumikit at ‘wag ‘tong pansinin. Hindi ‘yun ang tama. Balak niya nang harapin ang lahat. Haharapin niya ang mga tao. Haharapin niya si Bagwis.

 

Alam niyang hindi sapat na burahin niya ang Clickedt dahil nasa buong internet na ang kapangyarihan ni Bagwis. Sa hinaba haba ng pagmumukmok niya, sa wakas naisip niya ang dapat niyang gawin. Tulad ng naisip niya habang nasa loob ng gubat ni Bagwis, hindi pwedeng manatili s’ya sa ilusyon. Kailangan niyang harapin ang buhay.

 

“Hindi sapat na burahin ang Clickedt” ito ang nasa isip niya. “Kailangang masira ng paniniwala ng mga tao sa internet.” buo ang desisyon niya sa puso.

 

“Dapat nilang makilala si Mr. Click.” matapos sabihin ‘to sa sarili, kinuha niya ang maskara ni Mr. Click at sinuot. Ito na ang huling beses na tatakpan niya ang mukha para sa pagmamahal ng mga taong hindi s’ya lubos na kilala.

 

Humarap s’ya sa camera at nang dumating ang tinakda niyang oras, pinindot niya ang ‘Live’ button. Nakatanggap ng notification ang lahat.

 

♦♦♦

 

“Hi mga clickakakabayans…” kahit cringe talaga sa kanya ang pagbating ito, nag catch on sa mga tao ang catchphrase niya. Dahil na rin siguro sa mahika ng tikbalang. O dahil pudpod na ang utak ng mga tao sa mga pinapasok sa isip nila ng application.

 

“May mga kailangan kayong malaman. Pero bago ‘yun gusto kong makinig kayong mabuti sa sasabihin ko. Gusto kong malaman niyong itong gagawin ko ay para sa inyong lahat. Alam ko, ito na ang huli kong mga sinasabi simula nang simulan ko ang application na ito. Na para ‘to lahat sa inyo. Ito ang unang katotohanang maririnig niyo sa’kin.

 

Hindi. Hindi ‘to para sa inyo. Para ‘to sa sarili kong kapakanan. Maya-maya lang, malalaman niyo ang ibig kong sabihin.

 

Itong susunod kong gagawin ay totoong para sa inyo. Ilang minuto lang, matapos ang simpleng announcement ko na ‘to, buburahin na namin sa internet ang ClickedT. Lahat ng enchanted coins niyo ay automatic na macoconvert sa piso at matatransfer sa mga nakalagay na bank account sa profile ninyo. Para ‘to sa lahat ng may Clickedt account pero walang connected bank account. Gawin niyo na ngayon para hindi masayang ang mga enchanted coins na alam kong pinaghirapan ninyo…” Rinig na rinig ni Joseph ang sigawan ng mga kapitbahay mula sa kwarto niya. Narinig niya ring napasigaw ang ina mula sa kusina at ang tawag ng ama dito para sabay na manuod sa sala.

 

Nakikita niya rin ang mga pagtataka ng mga tao sa livechat sa baba ng streaming video kung saan s’ya nagsasalita.

 

“Hala bakit!!!?!?!?!”

“Anong nangyari?”

“Di’ba maganda naman ang performance ng ClickedT?”

“Mr. Click bakit? May problema ka ba? Nandito lang kami.”

 

Napangiwi si Joseph sa likod ng maskara nang mabasa niya ang mga comment na nag-offer ng tulong sa kanya. Patunay lang kung gaano kapeke ang mga tao.

 

“ClickedT, rather the internet, is getting out of hand. Hindi na ‘to ang dating safe space na ginagamit natin kapag bored lang tayo. Hindi na ‘to masaya sa lahat. We complicate things here.” wika niya. Medyo nababasag ang boses. Naalala niya ang mga pagkakataong laruan lang ang internet. Naalala niya ang username niya noong nagsisimula pa lang gumamit nito. Siya si Jamphet na may profile picture ng pogi niyang pinsan. Laro-laro lang ang lahat.

 

Hindi tulad ngayon, halos nakasalalay na sa balikat ng isang Mr. Click ang buhay ng mga tao.

 

“Nalilimutan na nating mabuhay sa totoong mundo. Alam ko, na patuloy ang mabuti niyong ginagawa. May mga natulong pa rin sa kapwa, may mga naglilinis ng kapaligiran, may mga nagtatanim ng puno, lumalaban sa karapatan. Pero nauwi ang lahat ng kabutihan niyong ginagawa ay naging para sa ClickedT. At hindi naging para sa kabutihan mismo.” panawagan ni Joseph.

 

“Nalimutan nating kabutihan ang dapat maging rason ng lahat ng kilos natin. Hindi kabutihan ang kilos nito para sa rason ng internet approval.” napahinga s’ya ng malalim sa sinasabi. Madalas na si Carie ang nagsasabi sa kanya nito. Madalas niyang kausap ang kaibigan sa mga ganitong bagay. Madalas na ito ang nagpapaalala sa kanyang mabuhay sa labas ng screen.

 

Kaya s’ya napilit nitong mamundok. Kaya niya nakilala si Bagwis.

 

“Nalimutan natin kung papano maging mabuting tao habang napapagod tayong gumawa ng mabuti sa maling motibo.” sandali s’yang tumigil para basahin ang mga reaksyon ng mga tao.

 

“Anong sinasabi mo, Mr. Click?” ito ang mga sinasabi nila. Tanda ng hindi pagkakaintindi sa mga nangyayari. Ilusyon man ‘to ni Bagwis o sadyang nahihirapan na nilang intindihan si Joseph dahil naging buhay na nila ang Clickedt, siguro si Joseph na magigising sila sa susunod niyang gagawin.

 

“Panuorin niyo ‘tong lahat…” sabay click nito sa play button ng isang video. Isang video na pinagmulan ng lahat. Iniisip niya si Ernesto. Magugustuhan niya sana ‘to kung nabubuhay pa s’ya. Pero hindi ito tungkol sa kanya. Tungkol ‘to sa katotohanan.

 

Wala nang balak magtago si Joseph.

 

Nagplay ang video niyang hinahampas ng tray ang isang pulubi. Nagulat ang mga tao. Nalimutan na nila ang video ni Manong Grasa. Hindi na nila ‘to pinansin simula nang pumutok ang kasikatan ng ClickedT. Naalala nila ang galit sa binatang walang awang nanghambalos ng tray dito.

 

“Ano nga ulit ang pangalan niyan?”

“Joseph Raya pangalan niyan mga bestie…”

“Anong kinalaman niyan sa announcement, Mr. Click?”

“Nahambalos ko yan ng tray sa isang coffee shop din eh!”

“Meme recall!!! Ano ‘to Top 10 memes bago magkaron ng ClickedT? Tribute?”

 

Pinindot ni Joseph ang pause button. Eksaktong humarap sa video ang binatang nananakit sa pulubi. Hinati niya ang screen ng live. Nakadisplay ang mukha ng binata sa video habang nakaharap sa camera, at ang mukha ni Mr. Click na nakamaskara sa live.

 

Tinanggal ni Mr. Click ang maskara.

 

Bumungad sa mga tao tunay na mukha ni Mr. Click — ni Joseph. Nakatabi ito sa nakapause na video ng binatang nanakit sa pulubi — si Joseph.

 

Halos sumabog ang comment section. Narinig niya ang hiyawan sa mga kapitbahay. Narinig niyang tinawag s’ya ng mga magulang. Ngayon niya lang uli narinig ang tawag nilang may halong pag-aalala.

 

“Ako si Joseph Raya. Ako rin si Mr. Click. Ito ang patunay na hindi totoo ang lahat ng nakita niyo sa screen. Marami pa akong mga nakitang hindi totoo sa application nang magsimula akong imonitor ang mga account ninyo. Pero sa lahat ng ‘yun, ako ang pinaka hindi naging totoo sa inyo. Higit sa lahat…” napahinto s’ya, hindi sigurado kung sasabihin ang tungkol kay Bagwis.

 

“Nagkaroon ng matinding addiction at pagkaligaw sa loob ng app sa inyong lahat dahil sa tulong ng isang Tikbalang. May Tikbalang sa ClickedT. S’ya si Bagwis. Nagtulungan kami para iligaw kayong lahat. May kapangyarihan ang app. Nasa ilalim kayong lahat ng kapangyarihan nito.” tinuloy niya ang pagsasabi ng totoo. Ang unang hakbang sa pagkawala ng ligaw ng tikbalang ay ang malaman ng naliligaw na ito ang may kagagawan ng pasikot-sikot ng lugar kung saan naliligaw.

“Baliktarin niyo ang mga damit niyo para mabitawan niyo ang ClickedT!”

 

Tinapos niya ang Live streaming nang hindi tinitignan ang reaction ng mga tao. Umaasang sinunod ng mga ito ang utos niya.

 

Pinindot niya rin ang button para i-delete ang buong ClickedT.

 

Tahimik ang sambayanan. Parang nagunaw ang mundo nang walang tunog. Parepareho silang nakatulala sa isang page ng screen:


ClickedT is no longer available…”

Other Chapters: