ClickBalang - Chapter 9

#8letters #mitolohiyaPH #filipino #myth #tagalog #novel #chapter

Chapter IX: Cancelled

 

“Ibig mong sabihin, nasa enchantment kami ng Tikbalang, all this time na nasa ClickedT kami? As in hypnotized?” paglilinaw ni Carie. Magkausap sila ni Joseph sa sala nila kasama ang mga magulang.

 

“‘Yun ‘yung summary, oo.” sagot naman ni Joseph. Naipaliwanag na niya sa magulang ang lahat. Pagkatapos na pagkatapos ng announcement niya bilang si Mr. Click, agad na pumasok ang ama’t ina sa kwarto para yakapin s’ya. Kita niyang baliktad ang damit ng dalawa. Mahaba ang naging paliwanag. Matagal bago naintindihan ng mga magulang ang tungkol sa isang Tikbalang.

 

Natakot pa nga ang ina ni Joseph dahil baka binenta na ni Joseph ang kaluluwa sa engkanto. “Di’ba demonyo lang nagsasangla ng kaluluwa, Ma?” tanong niya dito. “Wala namang nakalagay sa kasunduan namin ang pagbibigay ng kaluluwa ko.”

 

Sa huli, tinanggap nila ang ginawa ng anak. Natuwa rin sila dahil naging handa na ‘to magkwento kung ano ang totoong nangyari sa viral video. Hindi lang nilagay sa live ni Joseph ang dahilan kung bakit niya sinaktan ang pulubi dahil mawawala ang punto niyang masama s’yang tao kumpara kay Mr. Click. Ang totoo, kumplikado ang mabuti at masama. Kulang ang oras niyang magpaliwanag. Ang kailangan lang niyang mangyari ay ang magising ang mga taong nagsisinungaling sa kanila ang ClickedT.

 

Effective naman ang plano niya. Parang nagising sa mahabang pagkakatulog ang mga tao sa pagkakabura ng ClickedT at sa paglabas ng katotohanan. Nagising sa katotohanan ang mga magulang at agad s’yang pinuntahan sa kwarto. Si Carie naman, agad ding pumunta sa lalong madaling panahon kinabukasan.

 

“Galit ba ang mga magulang mo sa’kin? Buti pinayagan kang pumunta?” tanong ni Joseph sa kaibigan.

“Nung una, galit. Pero naisip nilang mas madami akong kalokohan kaysa sa’yo. At least daw something new ‘to.” patawang sagot ni Carie. “Pero friend! Napakalaki nito!” naalala niyang medyo galit s’ya sa kaibigan. “Ikaw pala may ari ng ClickedT tapos hindi mo ‘ko nilagyan ng million points!” pang-aasar nito.

 

Natawa si Joseph. Gising na nga ang kaibigan. Dahil sa biro nito, mukhang ‘di na mahalaga ang points. Kahit na malaking pera ang kapalit nito.

 

“Sa totoo lang friendship. Nakakapagod ang ClickedT. Buti naman at tapos na ‘yun. Lagi mong titignan ang pulso ng mga tao. Anong uso? Anong gagawin mo? Anong mode ang magugustuhan ng lahat? Para kang sinasabihan na magpakatotoo pero ‘yung totoong gusto ng mga tao. Hindi ‘yung totoong totoo. Medyo totoo pero sa bracket na pleasing sa madaming tao.” pagrereklamo nito. “Tapos letse ka, Joseph, pano mo naatim gawin sa’min ‘yun ng ilang buwan. Tignan mo ang payat-payat ko!” pagpapakita nito ng bewang. Pumayat nga ‘to dahil ang recent vlog niya ay health vlog. Kahit maayos na naman ang katawan nito noong una, naging sobra lang ang pagpapakita nito ng isang healthy body.

 

Napakunot ng mukha si Joseph. Nagi-guilty sa ginawa. Napansin ‘to ni Carie kaya pinagaan ang usapan. “Pero ayos lang. Pahingi na lang ng pagkain niyo dito para magkalaman-laman ako ulit.” pagbibiro nito.

 

“Galit ang lahat ng tao sa’kin no?” tanong ni Joseph. Hindi nawala ang lungkot sa mukha. Tumingin naman saglit sa notification ni Carie sa ibang existing na social media. “Hindi naman lahat…” sagot nito.

 

“Hindi kami galit sa’yo.” pagpapaalala ni Carie. Lumingon naman ang mga magulang niyang tahimik na nakikinig mula sa kabilang bahagi ng sala. “Huhupa lang din ang galit nila.” dugtong ni Carie.

 

“Medyo grabe lang mga post sa #cancelMrClick…” pagpapakatotoo niya sa mga nakikita online. At least normal na galit ang mga tao. Gising na sila. Wala nang hawak sa kanila si Bagwis. Dahil kung meron man, matatanggap nila si Mr. Click bilang parte ng enchantment nito. Pero hindi, naputol ang lahat ng tungkol sa kapangyarihan ni Bagwis sa internet. Kung meron pang natirang kapangyarihan ni Bagwis sa internet, magkakaisa ito sa iisang layunin kung mamahalin o ikukundina nito si Joseph.

 

Sa ngayon, bumalik sa dating estado ang internet. Hati ang mga komento sa kanya. May mga nagtatanggol. Sinasabing wala s’yang ginawang mali. Gumawa s’ya ng website na tumulong sa mga tao. It’s all business. Sila rin ang hindi naniniwala na may kapangyarihan ‘to ni Bagwis. “It’s scientific that social media is addictive.”

 

Sa kabilang banda naman, may mga taong galit dahil hindi niya sinabi ang totoo. “Bakit kailangang magtago sa maskara? Bakit kailangang magbait-baitan?”

 

May mga galit rin dahil naniniwalang naligaw sila ng Tikbalang. “Alam ba niyan ni Joseph Raya ang ginawa niya? Pinakawalan niya ang masama mula sa bundok at dinala sa atin! Hindi niya ba alam kung anong kayang gawin ng mga tikbalang? Kung isang tikbalang ang kayang gumawa ng ganito kalawak na pagligaw sa atin, ano na lang ang isang grupo na gusto tayong guluhin!”

 

Ito lang ang tanging pinag-uusapan ng lahat. Kahit na madami ang dapat ayusin dahil sa mga nangyari. Naging pabaya sila sa ibang issue kaya napuno ng problema ang sambayanan. Si Joseph ang sinisisi ng marami.

 

“Sa totoo lang friend…” pagsisimula ni Carie. “Hindi ang mga tao ang problema mo.” napatingin ito sa mga magulang ni Joseph. Alam niyang parepareho sila ng iniisip.

 

“Ang tikbalang.” sagot ng ina.

“Naghahanda kaming tulungan ka laban sa Bagwis na ‘yun.” sagot naman ng ama habang naglalabas ng martilyo mula sa toolbox nito.

 

“Friend, ako rin. Nagdala ako ng mga pwedeng panlaban.” dugtong ni Carie. Nagtataka si Joseph sa kung anong laman ng malaking bag na dala ni Carie. Halos naman maihi s’ya sa pagpipigil ng tawa nang maglabas ‘to ng kwintas ng bawang.

 

“Carie, Tikbalang kalaban. Hindi aswang.” pagpapatawa ni Joseph.

“Kahit na baka ayaw niya rin nito.” pagtatanggol ni Carie sa dala.

 

“Ito may dala pa kong krus.”

“Hindi s’ya bampira, Careng” medyo napangiti si Carie ng marinig ang tawag ng kaibigan.

“Eh mamaya ayaw niya rin kasi kampon s’ya ng kasamaan.”

“Kasama niya kong gumawa rin ng mali.”

“Tao ka naman. Oh hawakan mo ‘to, nasusunog ka ba? Di’ba hindi?”

 

“Ito anak? Mapapatay kaya s’ya nito?” pagbibida ng ama ng malaking maso na hindi alam ni Joseph kung saan nito nakuha.

“Pa, in full speed nabangga ko si Bagwis. Pero ako pa ang natumba. I don’t think na mas may timbang sa’kin yang maso mo. Maliban na lang kung si Thor ka, Pa.” sagot ni Joseph. Natatawa-tawa na ‘to sa mga suggestion ng pamilya at kaibigan.

“Eh baka naman, nak. Pwede mong kausapin.” seryosong pagsali ng ina.

“Sinubukan ko Ma. Pero hindi s’ya sumasagot. At mukang bukod sa contest nila sa dami ng bilang na maliligaw, mayroon silang pride sa dami at tagal na maililigaw ang mga tao.” dahilan ni Joseph.

 

Lahat ng suhestiyon ng pamilya, naisip na ni Joseph, sa totoo lang. Umandar na sa isip niya lahat ng possible scenario at lahat ng pwede niyang gawin tungkol dito. Natutuwa lang s’yang makasali muli sa usapan. Walang nasa ilalim ng mahika ni Bagwis. Normal ang usapan ng mga magulang niya at kasama ang kaibigan na si Carie. Parang naramdaman niyang bumalik sa dati ang lahat bago pa man mangyari ang viral video.

 

Kahit na totoong mas malala ang problema ngayon kumpara sa viral video ni Ernesto noon, mas ramdam niyang magaan ang pagbitbit niya sa problema. Siguro kung naisip niya na noong kausapin ang pamilya, mas magaan sana. Hindi niya na kailangang mag program ng katakot takot na codes para mabuo ang ClickedT. Hindi niya na sanan kinailangan ng kapangyarihan ng tikbalang para mawala ang puna ng mga tao sa kanya.

 

Tunay ang tawanan ng pamilya at kaibigan. Kumpara sa nangyari sa ClickedT. Minahal s’ya ng tao sa maling pangalan at karakter na binuo niya. Ngayon, kasama niya ang mga taong totoong nagmamahal sa kanya. Tatlo lang. Hindi tatlong daan, hindi tatlong libo, hindi tatlong milyon. Tatlo. Pero parang ang pamamahal ng tatlong tao ‘to ay mas higit sa pagmamahal ng lahat ng tao sa mundo. Tunay. Mahal siya kahit sa pinakamababang yugto ng buhay niya. Kahit na magalit sa kanya ang buong mundo.

 

Gayunpaman, tunay din ang banta ni Bagwis. Hindi niya alam ang totoong kayang gawin nito at kung ano ang gusto nitong gawin sa kanya sa ginawa niya.

 

“For safety measures lang po,” pagbungad ni Joseph sa dapat gawin. “Siguro dapat manatili po tayong magsuot ng baliktad na damit. Sa ganun, wala s’yang maililigaw sa ating lahat.”

 

“Papano natin malalaman kung susugod na s’ya?” tanong ni Carie.

“Hindi s’ya magsasayang ng panahon.” kung may natutunan man si Joseph sa ugali ni Bagwis, ‘yun ay ang pagiging competitive nito. Una niya ‘tong napansin sa gubat. Napansin niyang kaya s’ya nito kinausap ay dahil natatalo niya ang ilusyon ng gubat. Pangalawa, hinayaan nitong bigyan s’ya ng kapangyarihan para lang manalo sila sa patimpalak ng mga tikbalang. Pangatlo, at ang pinakanagbigay ng ideya sa kanya ay ang hindi nito pagputol ng ClickedT. Malamang na gusto nitong mas marami ang mailigaw.

 

Kaya kung competitive masyado ang kalaban, hindi s’ya mag-aatubiling umatake matapos ang isang matinding dagok na nakuha niya mula kay Joseph. ‘Yun ay ang pagdi-delete niya ng website.

 

“Tantya kong aatake s’ya ngayong gabi.” pagsasabi ni Joseph habang binabaliktad ang suot na Tshirt.

 

“Friend, need ba lahat ibaliktad?” tanong ni Carie, habang lumakad papuntang banyo para magbaliktad ng damit.

 

“Ewan ko, siguro lahat na lang ibaliktad natin para sure.”

“Tapos, papanong baliktad? Inside out or other way around?”

“Ha?”

“I mean, for example, yang Tshirt, dapat ba nasa labas ung dapat na nasa loob or yung yung print sa harapan dapat nasa likod?”

“‘Di ko alam. Pwede dalawahin para sure?”

“Oh ok. Wait friend. Syempre ‘di mo alam kasi ‘di ka nagsusuot nito, pero papano ang bra?”

“Mahabaging langit sa’yo Carie!” gulat na saway ng ina ni Joseph. “Sa lalaki ka pa nagtanong.”

“Sa’yo tita, ano pong ginawa niyo?” tuon ng tanong nito sa kaisa-isang kapwa niya babae sa bahay.

 

Nagtawanan sila ng malakas. Maya-maya pa, nagkanya-kanya na silang bihis para sa paghahanda.

 

“Anak, kahit anong mangyari, hindi ko hahayaang saktan ka ng Tikbalang.” wika ng ama kay Joseph sa paglapit nito.

“Ako rin, Pa. Hindi ko hahayaang mapahamak kayo dahil sa’kin.” sagot ni Joseph.

 

Inayos ni Joseph ang lahat ng sandatang pwede niyang magamit. Sinuot niya na rin ang bawang na dala ni Carie. Hindi dahil nagbabaka-sakali s’yang epektibo ‘to, alam niyang hindi, pero gusto niya lang na matawa ang kaibigan sa bitbit niyang bawang.

 

Handa s’yang protektahan ang mahalaga sa kanya. Ang tunay na mahalaga. Wala s’yang pakialam sa galit ng mga tao sa mundo. Huhupa rin ang galit nila. Totoo, nagkaroon s’ya ng kasalanan dito, at habambuhay niyang ihihingi ‘to ng tawad sa kanila. Pero sa ngayon, may mas mahalaga s’yang dapat protektahan.

 

“‘Wag mong saktan ang pamilya ‘ko, Bagwis.” bulong niya. Umaasang naririnig at diringgin ‘to ng tikbalang na minsan niyang naging kaibigan.

 

♦♦♦

 

Nakatitig lang sina Bagwis at Hiraya kay Joseph. “Anong gagawin mo ngayon?” tanong ni Hiraya kay Bagwis. “Gusto ka niyang labanan.” pagpapaalala nito.

 

“Hindi s’ya mananalo sa pisikal na labanan.” sagot ni Bagwis.

 

Nakatago ang dalawa sa paningin ng binata. Nag-aabang lang si Hiraya sa gagawin ni Bagwis.

 

“Totoo ‘yan.” natatawang sagot ni Hiraya.

“Gayunpaman, may lakas ang taong hindi natin nalalaman.” seryosong sagot naman ni Bagwis.

“Malaki ang tiwala mo sa mga tao.” hindi pa rin nawawala ang tawa sa boses ni Hiraya.

 

“At wala kang tiwala sa kanila?”

“Bakit ako magkakaroon ng tiwala sa kanila?”

“May kakaiba sa mga tao, Hiraya.”

“Tulad ng?”

“Totoo, madali silang malito. Madalas silang maloko ng pisikal na mundo. Pero sa mga pagkakataong sinusubok sila, umaasa sila sa pagmamahal.”

 

“Wala man silang kakayanang kagaya sa’tin. Totoong wala silang kapangyarihan pero nagagawa nila ang mga bagay na kamanghamangha kapag ginusto nila.”

 

“Subalit,” pagpuputol ni Hiraya kay Bagwis, “sila-sila mismo ang nagkakasiraan. Sila mismo ang nag aaway-away. Hindi lingid sa’yo ang mga digmaan sa pagitan nila. Dahil sa pansarili nilang kagustuhan. Sila-sila ang sumisira sa isat-isa.”

 

“Totoo. Pero tingnan mo si Joseph.” sagot ni Bagwis. Hindi inaalis ang mata sa binata. “Nagkamali s’ya ng ginawa para solusyunan ang isang bagay na nagpapahirap sa kanya. Nabulag s’ya ng mundo. Nabulag s’ya ng kung papano tatakas sa sakit na nararamdaman. Pero sa huli, nalaman niya na ang pagmamahal ang mananatili. Alam mo ang pagmamahal, Hiraya. Alam mong ito ang isang lakas na hindi maipaliwanag ng ating lahi.”

 

“Wala tayong pagtatalunan sa pagibig, Bagwis. Alam kong malakas na kapangyarihan ito para kalabanin kahit ng isang buong lahi ng mga Tikbalang.” paalala ni Hiraya. “Pero bilang nabuksan mo ang patungkol d’yan…” bumagal ang boses nito. Huminahon. Iniisip kung itutuloy ang susunod na sasabihin.

 

“Kung sakaling magtagumpay ka sa plano mo sa taong ito. Sa tinatawag mong mandirigma ng tao para pagmamahal. Sa taong nagngangalang, Joseph. Tatanggapin ko ang alok mong pagpapakasal.”

 

Natigilan sandali sa pagsagot si Bagwis. “Kung ganun,” pagpipigil nitong mawala sa kalmadong estado. “Isang paraan lang para malaman…”

 

Oras na para makuha ni Bagwis ang gusto niyang makuha kay Joseph. Matagal na niyang inaantay ang makatagpo ng ganitong tao simula nang magkaroon s’ya ng pagnanais sa mga sinaunang kapangyarihan na tanging mga tao lang ang may hawak. Bukod tangi sa lahat ng taong nailigaw niya si Joseph.

 

Bukod pa dito, makukuha niya ang kamay ni Hiraya. Anong lakas ng kaharian nila kung magkakaisang dibdib silang dalawa.

 

Walang kamalaymalay si Joseph na nakamasid sa kanya ang dalawang tikbalang. Kita ni Bagwis sa mga mata ni Joseph ang determinasyong manalo. Anong hawak nitong kapangyarihan para magkaroon ng ganitong tapang? Hindi niya alam.

Lumang Digmaan

 

Minsan sa isang lumang panahon na ang mga tikbalang ang may-ari ng isang malawak na kalupaan sa bansa. Sila ang mga nakatagong hari sa mata ng mga mortal na kagaya ng mga tao. Sila ang may laro sa kalupaang mas madalang ang parang kaysa gubat. Bukas sa mata ng mga tao ang mga nakatagong mukha ng gubat. Sa gabay ng mga tikbalang, mapayapa silang namumuhay. Nasa gubat ang lakas ng mga punong tikbalang. At katulong nila ang mga tao sa pagpapalago nito. Ito ang panahong nasa mga puno ang tahanan ng mga tao.

 

Pangangaso, pagtatanim at paglikha ng mga kagamitan gamit ang mga natural na yaman ng kalikasan.

 

Sa panahong ito, namumuhay sila sa takbo ng mundong may batas ng kalikasan. Nabubuhay sila nang naayon sa ibinibigay ng lupa. Nagkakasundo ang mga punong tikbalang sa mga alay ng mga tao sa kanila. Bilang kapalit, ito ang naging proteksyon nila sa mga atake ng bagyo, lindol at galit ng kidlat mula sa mga nilalang ng langit. Ito ang panahong may tungkulin silang protektahan ang isat-isa.

 

Dumating ang panahong naisip ng mga taong maglayag sa malawak na karagatan. “Malawak ang mundo!” ito ang sigaw ng isa sa kanila. Si Darangen, isang binata sa lahi ng mga tao. Ito ang kaunaunahang pagkakataong naghangad ang tao ng higit sa kinakailangan.

 

Sa kaunaunahang pagkakataon, nagbigay ang mga tao ng suporta sa kagustuhan ni Darangen. Dahil dito, nagkaroon sya ng kakaibang pakiramdam sa puso na nararapat lamang sa mga pinuno ng lupa. Ang papuri ng sariling kakayanan. Hindi maipaliwanag ni Darangen ang nararamdaman. Mula ito sa bawat tayong humahanga sa ideya niyang malawak ang mundo.

 

“Papano mo naisip ‘yan?”

“Binigyan ka ng mahusay na kaisipan at propesiya ng nilalang ng langit!”

“Senyales ba ito na kaya mong higitan ang mga pinuno ng gubat?”

 

Ito ang nagpalakas ng nararamdaman ni Darangen sa kanyang puso. Ang papuri ng kapwa niya mga tao. Kakaibang lakas ang naramdaman niya.

 

Dahil dito, lumabas ang ibat-ibang ideya para magsimula silang maglayag. Napapansin ng mga pinunong tikbalang ang ebolusyon sa mga tao. Pero hindi sila nag-aalala. Naisip nilang gagamitin ito ng mga tao para lalong maging kapaki-pakinabang sa kagubatan na mas lalong magpapalakas sa kanila.

 

Mali ang naging akala nila.

 

Nagsimula ang mga taong pumutol ng mga puno para gumawa ng mga lumulutang na kagamitang tutulong sa kanila sa paglalayag.

 

“Malawak ang kagubatan, Pinunong Mahayag.” pagpapakalma ng isang tagapayo sa konseho ng punong tikbalang. “Hindi ‘to mauubos ng mga tao.”

 

Kahit may pag-aalala sa mga nangyayari, hinayaan ito ni Mahayag. Naiisip niyang mas lalakas ang mga Tikbalang kung lumakas din ang mga tao. Ito ang batas ng kalikasan. Kung lumakas ang isa sa kanila, makakatulong ito sa isat-isa.

 

Lumawak ang emosyon sa puso ni Darangen na lalong nagpalakas sa mga tao. Umabot sa puntong nagkamali si Mahayag. Lumakas ang tao sa sarili nitong kapakanan. Nagpatuloy si Darangen sa pagsunod sa nararamdaman sa mga udyok ng mga tao sa paligid. Lumawak nang lumawak ang paglalakbay sa dagat dahil palaki nang palaki ang mga ginagawa nilang mga gabay sa paglalayag. Dito nila ito tinawag na mga bangka.

 

Lalong lumawak ang parang mula sa mga naputol na mga puno sa paglawak ng paglalakbay ng mga tao.

 

Isang araw, isang punto ng kasaysayan ang naghiwalay sa iisang pangyayari.

 

Ayon sa mga tikbalang, may isang taong nagputol ng puno kung saan s’ya nakatira. Dahil dito, nagawa niyang patayin ang taong ito.

Ayon naman sa mga tao, walang nakatira sa punong pinuputol nila at masunurin silang nasunod sa bawat kapalit na punong napuputol. At ang pinatay ng tikbalang ay hindi lang isang tao kundi ang buong pamilya nito.

 

Walang may alam sa tunay na nangyari. Mayroong may alam pero walang may balak magsabi ng katotohanan. Gumawa ng ibat-ibang kwento ang mga tao para mapasidhi ang damdamin nila. Gayundin ang mga tikbalang.

 

May sumidhing bagong emosyon sa lahat. Paghihiganti.

 

Dito nagsimula ang digmaan ng mga tikbalang at mga tao.

 

Ginamit ng mga tao ang kaalaman nilang sa gubat lamang malakas ang mga Tikbalang. Kaya nagkasundo silang manirahan sa mga kalbong kalupaan o kaya naman sa tabi ng mga dagat. Sa paghihiwalay ng mga tao at tikbalang, namuo ang mga kakayanan nilang hindi nila akalaing makakamit nila. Nagkaroon ng kakaibang lakas ang mga taong lingid sa kaalalaman ng mga tikbalang.

 

Isa na dito ang kakayanan ng isang magiting na mandirigma na si Kusog. Kinatatakutan ng mga tikbalang ang lakas ni Kusog dahil nakakapatay ito ng libo-libong tikbalang. Nakakatakas ito sa mga ilusyon ng mga tikbalang at madali nitong matukoy ang kahinaan nila.

 

May mga usap-usapang galing ang lakas ni Kusog sa bagong emosyon ng taong tinatawag nilang “pagmamahal”. Isang sinisinta ng binata na pinanggagalingan ng sarili nitong lakas.

 

Maraming ginawa ang mga tikbalang para makuha ang kapangyarihang ‘to. Pinilit nilang magaya ang tinatawag nilang pagmamahal ngunit sadyang sa tao lang ‘to dumadapo. May mga pag-iisang dibdib ang kanilang lahi pero para sa paghahabi ng iba’t-ibang kaharian at hindi dahil sa kapangyarihang hindi nila maipaliwanag.

 

Hanggang sa huli, nalaman nila ang pinagmumulan ng lakas ni Kusog. Nakita nila ang babaeng sinisinta nito.

 

Si Tala. Isang tikbalang. Isa sa kanilang kalahi.

 

Dahil sa pagtataksil ni Tala, nagkasundo ang buong konseho ng pinunong tikbalang na patayin si Tala. Ito ang kaunaunahang pagkakataong nagkasundo ang mga mga tikbalang na pumatay ng sarili nilang kalahi.

 

Pinilit ni Kusog na protektahan si Tala laban sa mga tikbalang at sa mga tao. Nang malaman ng mga taong umiibig sa tikbalang ang kanilang tagapagtanggol, agad nilang tinuon ang galit dito. Kaya naging kalaban ng dalawang lahi sina Kusog at Tala.

 

Sa huli, napatay ng mga tao at tikbalang sina Kusog at Tala sa pagitan ng pinakamalawak na digmaang nangyari sa puso ng malawak na gubat. Sa pagkamatay ng dalawa, dito lumabas sa mga katawan nila ang kapangyarihan. Ang pagmamahal.

 

Purong liwanag ang nakita nila. Dala-dala nito ang parusa sa dalawang lahi. Sinumpa ng pagmamahal ang mga taong mabubulag sa ibang mga mukha ng gubat. Ang mga tikbalang naman, binawasan niya ng kapangyarihan sa mga tao. Nakulong sila sa mga gubat na tanging tao lang ang may gawa. Sinumpa silang walang masasaktang tao kailanman.

 

Simula noon, namuhay na magkahiwalay ang mga tao at tikbalang.

 

Nandun si Bagwis sa mga pangyayari. Nakita niya ang pagmamahal. Nakita niya ang kapangyarihan nito at natanggap niya ang sumpa nitong hindi na makakapanakit ng tao.

 

Palagi niyang iniisip kung papano makukuha ang ganitong klaseng kapangyarihan at kung anong kaya niyang gawin dito. Kaya niyang pag-isahin muli ang mga tao at tikbalang. Ibalik sa dati ang kaayusan ng dalawang lahi.

 

Umandar ang mga oras at nalimutan ng mga taong may mga tikbalang. Sa mga tikbalang naman, nagkasya silang manirahan sa mga gubat at iligaw ang mga taong papasok dito para ‘wag silang guluhin. May mga tikbalang na kasiyahang paglaruan ang mga taong naliligaw bilang ganti sa mga nangyari.

 

May mga hindi nailagay sa kasaysayan. May mga totoong nangyari na lingid sa kaalaman ng lahat. Naibaon ito sa limot sa mahabang takbo ng kasaysayan.

 

Tulad na lamang ni Sampaguita. Isang batang babaeng lumaki kasama ng mga tao. Lingid sa kaalaman niyang bunga s’ya ng pagmamahalan nila Kusog at Tala. Namuhay s’ya bilang normal na tao. Naipasa ang dugo sa mga salinlahi nang lingid sa kaalaman nilang dala-dala ang kakayanan ang talino ni Kusog na ginawad ng Tikbalang na si Tala.

 

Lingid sa kaalaman ng salinlahi ni Sampaguita, nakuha nila ang angking talinong gumawa ng mga pattern na nakatulong sa pag-unlad ng kabuhayan ng lahi ng mga tao.

 

Sa makabagong panahon, nagagamit na ang talinong ito, hindi lamang sa digmaan, kundi sa mga pagimbento ng mga laro at mga bagay na kinagigiliwan ng mga tao.

 

Ito ang kakayanang nagagamit ni Joseph bilang programmer. Ito ang kakayanang ginamit niya para makuha ang mga pattern sa gubat.

 

Ito ang kakayanang patunay na kadugtong si Joseph sa linya nila Kusog at Tala. may koneksyon s’ya sa pagmamahal at sa kapangyarihan nito.

 

Other Chapters: