Kita ko na ang bangin. Ang dulo ng mundo. Kasabay ng hangin mula sa mga kahoy sa likod ko ang kabog ng dibdib sa layo ng nilakad — sa layo ng nilakbay makita ko lang ‘to.
Ang dulo ng imahinasyon.
Hinigpitan ko ang hawak sa strap ng bag na lagi kong bitbit. Malaking supot ng sikreto, pag-aalinlangan at takot. Isang magandang sako kung sino talaga ‘ko. Nakatago pero laging dala. Nanghihingi ng pagkakataon pero mahigpit ang yakap ko sa kanila.
Sa ilalim ng bangin, naririnig ko ang mga sigaw. Sigaw ng mga diwata, ayon sa alamat. Sila ang nagbibigay ng mga inspirasyon sa bawat manunulat kung ano mang sining ang nais nilang ipakita sa mundo.
Unti-unti akong lumapit sa bangin. Nanginginig sa takot na mahulog sa dagat ng inspirasyon at hindi na makabalik para magsulat. Ayokong malunod sa mga ideya. Ang magkaron ng maraming ideya pero walang pagkakataong isulat para mabasa ng iba.
Mga nasayang na katha. Umaapaw. Hindi ako dapat makiisa sa mga manunulat na tuluyang nalunod sa inspirasyon at nalimutang magsulat at kumunekta sa mga mambabasa.
Ayokong malunod sa sarili kong sining.
Napaluhod ako sa dulo ng bangin. Isang maling galaw ay madadala ako ng hangin. Pikit ang mga mata akong humawak sa lupa.
Binulong ang hiling sa alon ng dagat dagatang inspirasyon sa ilalim ng bangin.
“Dinggin ang hiling, gawaran nawa ako ng sining.” bulong ko.
“Bhe, nuh ganap mo?” boses ng bata ang narinig ko.
“‘Bat pa-deep ka bestie. Hindi malalim ‘to.” sabat ng isa.
Dinilat ko ang mga bata ko para makita ang dagat ng likha para makitang — isa ‘tong mababaw na sapa.
“Huy! akala ko dapat malalim ‘to!” bulalas ko. Natatawa sa sarili kong kamangmangmangan.
“Bestiecake, naririnig din namin ung narration mo, paki tone down. NKKLK ka.” sagot ng isa.
♦♦♦
Okey, sige. Wow, ang weird nito. Nababasa niyo ang isip ko?
“Oo. Naiintindihan namin kung bakit ka ganyan, ‘san mo nakuha tong address namin?”
Uhmm, sa online? Nag google lang ako ng “how to get inspiration for writing” tapos sa mga dulo ng searches sa mga search engine, lumabas ‘to.
“NASA SEARCH ENGINE NA TAYO!!”
Narinig kong nagpalakpakan ang mga boses sa sapa. Hindi ako makapaniwalang mababaw lang mga inspirasyon. Ganto ba kababaw ang mga inspirasyon sa mga naunang manunulat?
“Hindi. At hindi namin iti-take na ‘derogatory’ ang pagiging mababaw” paliwanag ng isa.
“Hindi masama ang maging mababaw sa sining. Iba-iba kami. May malalim na bangin, tulad ng ini-expect mo. May mga mababaw na sapa. May mga nakakatakot na gubat. At sa pagkakaalam ko may mga misteryosong lawa. Bhe, tama ba? Lawa ung misteryoso, diba?” rinig kong tanong nito sa kasama.
“Ilog ata ung misteryoso, bhe.” sagot nito sa kanya.
“Ah ilog, edi ilog.” sarkastikong sagot nito.
Malas. Akala ko pa naman papantay na ko sa mga magagaling na manunulat.
“HOY! Naririnig ka namin.”
Ay! Oo nga pala.
“Hindi pangit ang mababaw.”
Hindi naman sa pangit. Hindi nga lang natagal.
“Papanong hindi natagal. Eh nandito pa kami.”
Ayokong ma-offend naman kayo. Gusto ko lang makagawa ng bagay na hindi ako malilimutan. Gusto kong sumulat ng mala Shakespear, ganun.
“Wow.”
Mala ano, wait, ano pa ba.
“Shakespear lang alam niya bhe.” tawanan ang mga boses sa sapa.
Meron pa, sila Edgar Allan Poe.
“Bigay ka nga isang pyesa ni Edgar Allan, napaka poser mo.”
Alam ko lang sikat na manunulat sya.
“Poser ampotek, pasalamat ka sapa kami, kundi kanina ka pa namin nilunod e.”
Sorry.
Napalalim ata ang sorry ko. Gaano ko na kadalas nababanggit ‘tong salitang ‘to na halos iisa na ang pakiramdam ko tuwing nasa labi ko. Sorry.
Nakita kong pumayapa ang sapa sa harap ko.
“Anyway, I think we get off on the wrong foot. Oh english-an yun.” tawanan nanaman sa sapa.
“Pero, hindi ka dapat nagkukumpara ng sining. At mali ka sa mga sining na ‘tumatagal’. Sa mga panahong ng pagkakasulat ng akda, sa mata ng iba na mababaw, pero nagiging salamin ang sining sa kung ano ang kultura sa kung kelan sila nagawa.”
Napakunot ang noo ko.
“Sa bawat salita na malilimbag mo, ito ang salita sa oras na ginawa mo sila. Nagsulat ka ng tungkol sa isang batang nagugutom? Ibig sabihin, may panahon ng tag-gutom. May panahong walang ani. Oh panahon ng mga mandarambong at magnanakaw.” nakita ko sa sapa ang bawat imahe ng sinasabi ng sapa.
“Kahit pinta, nakikita sa kung kailan naisipan ng taong magpinta mula sa mga bato papunta sa mga tela. Kung kailan sila gumamit ng natural na kulay o pintura.”
“May marka sa kasaysayan ang sining. Mababaw o malalim. Gumagawa ka ng isang punto sa istorya sa dinaan ng tao. Nag-iiwan ka ng marka, maliit man o malaki. Tumatagal ang marka. Balang araw, may makakakita nito, na gagamitin ang sining mo para gumawa ng panibago, para magkaron ng bagong marka sa panibagong panahon sa kung nasaan sila.”
Nakita ko ang kislap ng sapa. Ang ganda nito sa pagkakadagdag sa ngayon ko lang napansing napaka gandang kalikasan.
Masyado akong nakatingin sa kung anong gusto kong makuha, sa kung anong gustong mangyari, nalimutan kong makita ang paligid.
Handa na ‘ko. Hindi bumuka ang bibig pero alam kong naririnig nila ‘ko.
“Ok, game. Ngayon, manunulat… Anong gusto mong isulat?” tanong ng sapa.
Huminga ako ng malalim, may ngiti sa mukha. Hindi ko alam kung papano pero pakiramdam kong mata sa mata kong tinitigan ang sapa:
“Hindi ko alam.” sagot ko.
“Pa suspense ka pa, walangya ka. Wala ka pa palang naiisip.” sagot nito.