“Gising ka na?” bungad ng lalaki sa harapan ko. “Huy! Magsalita ka kung dilat ka na…” sabay pitik-pitik nito sa kamay ko.
Grabe ang pagod ko. Para akong nagbuhos ng semento ng tatlong sunod-sunod na gabi para sa second floor ng bahay. Pakiramdam ko nagmason ako ng isang linggo. At ngayong kakagising ko lang, masakit pa rin ang buong katawan ko.
Tiningnan ko ang mga kamay ko. Naagnas mga mga ito habang bali naman ang dalawa kong paa. Dito ko naramdamang naagnas ang buo kong katawan. Tsaka ko lang naalala. ‘Yung bus, ang pagtawid ko sa kalsada, ang pakiusap ko sa doktor na ayoko pang mamatay. Ang salita niyang “Time of death…”
Lumingon-lingon ako sa paligid. Nasa sementeryo ako. Kasama ang lalaking nasa harapan ko. Nakita kong nakaupo ako sa sarili kong kabaong.
“Hinukay mo ‘ko?” tanong ko.
“Alangan namang buhayin kita habang nasa baba ka pa, di’ba?” sarkastikong sagot nito.
Buhayin? Tanong ko sa isip ko. “Sino ka ba?” tanging tanong ko sa kanya.
“Mahabang kwento. Pero oo, binuhay kita.” sagot sa’kin ng lalaki.
“Papano?” pagtatakang tanong ko.
“I’m a wizard, Harry.” pagbibiro niya sa pangalan ko. Kilala niya ko? Pero sabagay, nakabalandra ang pangalan ko sa nitso, kahit birthday ko. At syempre, pati ang araw ng kamatayan ko.
“So, buhay ako?” tanong ko.
“Ewan ko. Buhay ka ba?” pabalik niyang tanong.
Weird. Parang galing lang ako sa tulog. “Ibig sabihin, walang afterlife? Parang tulog lang ako nung patay ako.” paglilinaw ko.
“Meron, nalilimutan mo lang kapag dumadaan ka sa pader ng kamangmangan. Hindi kakayanin ng kamalayan mo sa mundo ang katotohanan ng kabilang mundo, kaya sadyang binubura ng pader ang alaala mo sa kabilang buhay.” sagot niya.
“Bakit alam mo?”
“Nagawa kitang buhayin tapos sa kaalaman ko sa kabilang buhay ka nagtaka.”
“Bakit?” pagtataka ko. Ang dami ko pang dapat gawin. Iniwan ko si Celia. Babawi pa ‘ko sa kanya. Pinangako kong magbabago ako. Pinangako kong babalikan ko s’ya kapag ayos na ang buhay ko.
“May itatanong lang ako.” nagmamadali niyang sagot. “Oo nga pala. ‘Wag kang masyadong matuwa. Sandali lang kitang mahahatak sa kabilang buhay.” paalala nito.
“Syempre, ayaw nilang nakuha kami ng kaluluwa mula sa kanila, kaya currently, nakikipaghatakan ako ngayon sa kaluluwa mo.” nagmamadali ang paliwanag niya. Nakikita kong may kaunting hingal sa salita niya. Malamang nagamit s’ya ng kapangyarihan para mapanatili lang akong buhay.
“Teka lang, ‘san mo ko hinahatak? Mula sa langit o sa ano…” turo ko sa baba.
“‘Di ko alam. Mukha ka bang naiinitan?” nakangiti niyang tawa.
Hindi ko alam. Hindi ko alam kung saan. “Medyo tagalan mo lang akong buhayin. May gusto akong sabihin sa ex kong naiwan ko!” paalala ko.
“May tanong ako!” paalala niya. “Itong tanong ko muna ang mahalaga…”
“Ano?” nagmamadali na rin ako.
“Hindi ko kasi maintindihan ‘yung girlfriend ko eh.” pagsisimula niya.
“Binuhay mo ‘ko dahil sa problema sa babae!!!” sigaw ko. Hindi ko alam kung bakit ako galit. Ano naman kung mababaw ang dahilan niya? Binuhay niya ko, kung sapat nang rason ‘yun sa kanya para magkaroon ako ng bagong pagkakataon para mabigay ko ang mensahe kay Celia, dapat tanggapin ko ‘yun.
“Nalilito kasi talaga ko!” sagot niya.
“Bakit ba? Tsaka bakit ako? Ang dami-daming bangkay dito, ‘bat ako pa talaga?”
“Nagmamadali tayo…” paalala niya.
Huminga ako ng malalim. Ngayon ko lang naramdamang masarap pala ang pakiramdam ng pagdaloy ng hangin mula sa ilong papasok ng baga. Sana sinulit ko ang buhay at nagpasalamat sa ganito kaliit na bagay.
“Anong nakakalito sa girlfriend mo?” pagsisimula kong tanong, handang makinig.
“Nakakalito kasi ‘yung mix signals niya. Gusto niya bang regaluhan ko s’ya? Minsan sasabihin niya, ‘’wag ka na magregalo’ pero kapag wala, magagalit na ‘sya, dapat daw may initiative ako. Minsan magsasabi s’yang ako ang bahala. Kapag naman ginawa ko ang gusto ko, sasabihin niya, hindi ko manlang s’ya inisip… Nakakalito.” paliwanag niya.
Naalala ko si Celia at ang maliliit na bagay na pinag-aawayan namin. Naalala kong ganito rin ang problema ko sa kanya.
“Just stay with her, dude. Minsan gusto niya lang maglambing. Gusto ka niyang kasama. Magregalo ka nang may intensyong mapasaya siya. Kapag sinabi niyang ikaw ang bahala, gawin mo ang isang bagay na intentionally for her. Basta, lagi mong ipaalala na lahat ng ginagawa mo, naiisip mo s’ya. Lagi mong ipaalalang lahat para sa kanya. Higit sa lahat…” napahinto ako. Para may kumiliti sa dibdib ko. Naalala kong ito pala ang pakiramdam ng mahipo ang puso at may udyok ng pagluha. Pero wala akong luhang mapalabas. Sobrang tuyo ng katawan ko.
“Ahhhh.” parang nagliwanag ang mukha ng salamangkero sa harapan ko. “Ang galing mo naman. Tama talaga ko ng napiling tanungan. Siguro ang galing mo sa mga babae noong nabubuhay ka.” papuri niya.
“Sa totoo lang, hindi.” pag-amin ko. “May girlfriend ako, bago ako mawala. Pero iniwan ko s’ya dahil sinukuan ko s’ya. Nangako akong babalik ako kapag mayroon na ‘kong napatunayan. Kaso, nang babalik na ‘ko…” naging sariwa ang alaala kong pagkamatay ko sa kalsada.
“Isa pa.” naalala ko. “Kailangan mong bantayan ang girlfriend mo. Malamang palaging may mga aalialigid na gustong manligaw kahit andyan ka na. Tanda kong may ganun kaming problema na isa sa malalang pag-aaway namin.”
“Ahh. sige.” payak na sagot nito. Halata ko sa boses niyang hindi s’ya nag-aalala. Maganda rin sigurong tiwala s’ya sa kasintahan niya. Siguro naging tamang hinala lang ako kay Celia. O kaya naman, gusto ko lang ding may maibato ako sa pag-aaway namin para ‘wag naming pag-usapan ang mga pagkakamali ko. Mas pinili ko ang pangarap ko sa musika kaysa sa pagmamahal ko sa kanya. Hindi ako nagtiwala sa pagmamahal niya. Kaya ganito ang nangyari sa’kin.
“Nasagot ko na ba ang tanong mo?” paglilinaw ko.
“Oo. Salamat.” ngiti ng salamangkero.
“Pwede bang humingi ng pabor.” tanong ko. “Pwede bang puntahan mo ang ex-girlfriend ko. Pwedeng sabihin mong sinikap kong bumalik? Sabihin mo, nagkamali ako sa desisyon kong iniwan ko s’ya. Dapat ako ang kasama niya sa buhay. Na pinagsisihan kong ako ang humiwalay. At higit sa lahat, binalak kong tuparin ang pangako kong bumalik. Pinangako kong bumalik kaya ako patawid sa kalsada kung saan ako nabangga ng bus. Pabalik ako sa kanya. Sabihin mo babalik ako.” binuhos ko lahat ng gusto kong sabihin dahil nararamdaman kong unti-unting bumabagsak ang katawan ko.
Hinahabol ko ang sarili kong hininga. Ramdam kong bumibitaw ang kapangyarihan ng salamangkero sa kaluluwa ko at nararamdaman ko ang hatak ng kabilang buhay. Nakadagdag ng takot ko ang direksyon ng hatak nito.
Pababa.
“Manga…” nahihirapan na ‘kong huminga. “Mangako… ka… Sasa” hingal, nararamdaman kong pabagal ang puso ko. “Sasabihin mo…”
Habang nag-aagaw buhay ang bangkay kong katawan, isang sigaw ang narinig ko. “Saul!!!” tawag ng babaeng lumabas mula sa damuhan ng sementeryo.
Si Celia. Hindi ko akalaing makikita ko s’ya sa mga pagkakataong ito. Ngumiti ako sa kanya na nagpaatras dito. Nakita ko ang kilabot na gumuhit sa mukha niya.
“Anong ginagawa mo?!?!” sigaw nito sa salamangkero.
“Ahhhh… Necromancy?” paliwanag ni Saul, ito pala ang pangalan niya.
“And you’re talking to my dead ex?!?” pabulong ang boses ni Celia pero may diin pa rin.
Nararamdaman kong para akong nauupos na kandila. Hindi na ‘ko makapagsalita. Gusto kong umiyak. Gusto kong yakapin si Celia. Gusto kong humingi ng tawad sa kanya. Sa halip na magawa ko ang lahat ng ito, nakatitig lang sa kanya ang bangkay ko.
Kita ko sa mga mata niya ang pandidiri, awa at pagtataka sa pagmumukha ko.
Ang dami kong gustong itanong, kung galit ba siya sa’kin. Kung naiintindihan niya ba ang pagpili ko sa pangarap ko.
Kung mahal niya pa ba ‘ko.
Titigan lang ang nangyari sa aming dalawa.
“Ginawa ko lang ‘to babe kasi gusto kong maintindihan ka…” paggamit ni Saul sa ipinayo ko. “Gusto kong mas tumibay ang pagsasama natin. You know, by studying his mistakes. This is all for you. Ginawa ko ‘to para sa’yo. Lahat ng ‘to, para sa’yo.” ambilis matutunan ni Saul lahat ng payo ko.
Niyakap niya si Celia para pakalmahin ito.
Nararamdaman kong napapahiga ang bangkay ko nang hindi ko sinasadya. Nananalo ang hatak ng kabilang buhay sa akin at ang huli kong makikita ay ang pandidiri sa mukha ni Celia. Hindi ko alam kung galit ang nararamdaman niya sa akin o baka naman dahil sa maraming uod na gumagapang sa mukha ko.
Unti-unting tumatawid ang kaluluwa ko sa kabilang buhay. Unti-unti ring bumabalik ang alaala ko sa mga nangyari sa mga huling sandali ko sa mundo.
Sa pagtawid ko sa bus, naalala kong naging maagap akong tumingin sa daan. Na dapat sanang nakailag ako sa mabilis nitong takbo pero mayroong tumulak sakin. Sa paglingon ko, sa pagitan ng buhay at kamatayan, nakita ko ang mukha ni Saul. Nakangiti. S’ya ang tumulak sa’kin para mabangga ako ng bus.
I’m doing this for you, Celia. Para lagi tayong magkasama. Pangako ko sa’yo, gagawin ko ang lahat, makasama lang kita habambuhay.
Ito ang huli kong narinig sa imaheng magkayakap sila sa sementeryo. Pababa ng pababa ang kaluluwa ko para makita ang lupa at mga insekto sa ilalim nito.
Dumilim ang paligid. Naagnas ang buo kong katawan.
Uminit.
Uminit nang sobrang init.