“Hi!”
“Hello,”
“Asl?”
“17, M, Muntinlupa. Ikaw?”
“20, F, Makati.”
“Anong pangalan mo?”
“Cassandra, Cassie for short. Ikaw?”
“Matthew. Matt for short.”
“Talaga ba JR? Ako talaga ang pagsisinungalingan mo?” nagulat si JR nang biglang banggitin ng taong hindi niya kakilala ang pangalan niya. Nakatambay lang sya sa isang random chat website kung saan pwedeng makachat ng mga hindi kakilala randomly online. Nagpapaantok lang sya kaya niya ginawang magbukas ng chat website. Naramdaman niya ang kilabot na parang may umihip na malamig na hangin sa likod niya kahit nakatalukbong ng kumot sa higaan.
Maulan ang gabing may kulog at kidlat kaya naman nakaramdam s’ya ng totoong takot sa ganitong pagkakataon. Mag-isa pa s’ya ngayon sa bahay dahil nagkaroon ng emergency sa ospital ang doktor na ama at nurse naman na ina.
Hindi s’ya nagbibigay ng mga personal na impormasyon sa internet lalong-lalo na sa isang random chat website. Sigurado s’yang kahit kailan, hindi s’ya bumisita sa Dark web para mahukay nito ang impormasyon na mayroon sya.
Agad syang nagreply:
“Huh?” pinilit niyang magkunyaring hindi niya pangalan ang pagkakatawag sa kanya ng ka-chat.
Medyo kinikilabutan s’yang makita ang typing status ni Cassandra, kung ito nga ang tunay nitong pangalan.
“John Roy, ‘wag kang magtaka masyado.” chat nito.
Agad dinisconnect ni JR ang chat. Pinilit niyang burahin sa isip ang taong nakachat. Kahit na hindi niya lubos maisip kung papaano nito nalaman ang totoo niyang pangalan. Wala s’yang mapagbintangan kung ‘di ang tahasang pagbibenta ng mga kilalang website sa dark web ng mga personal information ng mga accounts.
Nitong nakaraan, kapansin-pansin talaga ang pagdami ng mga tumatawag na ‘di kilalang number na walang sumasagot sa kabilang linya. Tulad ng mga advertisement sa text na nag-spam sa inbox niya ng kahit anong mensahe na naglalaman ng scam at mga promos sa mga banko.
“Nakakatakot na talaga ang may hawak ng mga impormasyon namin ngayon.” bulong ni JR sa sarili. Ang gumugulo pa sa isip niya, bakit s’ya ang kinuhaan ng impormasyon para lang tawagin sa isang random chat? Pera ba ang habol nito? Para kuhanan ng impormasyon sa banko? “Hindi kaya tini-test lang nila kung akin talaga ang impormasyong meron sila?” pagbuo niya ng teorya.
Nagtalukbong s’ya ng kumot sa takot. Nawala na ang antok pero kailangan niya nang makatulog para sa umaga niya na iisipin ang lahat.
Nang magring ang telepono niya. Inaasahan niyang numero ng mga magulang ang natawag. “Baka kukumustahin lang ako…” pagpapaniwala niya sa sarili.
Unregistered ang number na natawag.
“Baka naman nakitawag dahil nalowbat lang…” kailangan niya ng sapat na pagpapakalma sa sarili dahil hindi s’ya pwedeng matakot ngayong mag-isa lang s’ya sa bahay.
“Hello?” sagot niya sa telepono.
Walang nagsasalita sa kabilang linya. Matagal ang inantay niya. “Hello?” pag-uulit niyang sagot. “Kung hindi ka sasagot, papatayin ko na ‘to.” pagbabanta niya.
“Kagaya ng aso mo noon dahil lang nagkaroon s’ya ng galis?” sagot ng babae sa kabilang linya.
Napahinto si JR. “Sino ‘to?” galit na tanong n’ya.
“Si Cassandra.” payak na sagot ng babae sa kabilang linya. Boses Ai ang nagsasalita. Halatang hindi ito ang normal na boses. Napatay ni JR ang telepono. Agad na nag-dial ng numero ng mga magulang. Kailangan niyang ireport sa pulis ang nangyayari. Naiisip niyang kung alam nito ang ginawa sa aso noon, malamang may mas mga personal pang alam ang tao sa kabilang linya.
Address niya?
Savings Bank account?
Password sa social media?
Hindi ma-contact ang mga magulang. Malamang busy ang ospital sa ganitong oras. Nag-ring ulit ang cellphone niya. Takot na takot na s’yang sagutin kaya pinatay niya ang cellphone.
Nakaramdam s’ya ng sandaling pagkapanatag. Sandali lang. Dahil agad niyang naisip, kung may impormasyon sila ng buong buhay niya, maari s’yang puntahan ng mga ito sa bahay. Alam nila malamang kung papano bubuksan ang mga pinto at kung anong oras tahimik at walang makakarinig na kapitbahay.
Praning na praning na s’ya sa mga nangyayari kaya binuksan niya ang cellphone para manlang makatawag s’ya ng tulong kahit kanino.
Oras na buksan niya ang cellphone, nag-ring nanaman ito.
Sinagot niya sa pag-asang makakausap niya ‘to ng tao sa tao. “Ano bang gusto niyo sa’kin?”
“Isang pagpatay mo pa ng tawag, JR, ilalabas ko sa internet lahat ng search history mo. Lahat lahat. Kahit ang video mo sa front camera ng cellphone at laptop habang pinupuntahan ang mga website na kaduda-duda sa mundo. Gusto mo?”
Napahinto si JR. Napareview ng mga binisitang website.
“‘Wag mong isiping ligtas ka porket naka incognito ka o nagdidelete ka ng search history. Naiipon namin ‘yun lahat bago mo pa man i-delete.” paglilinaw ni Cassandra.
“Anong gusto niyo.” pagsuko ni JR. Wala s’yang magagawa. Napatunayan niyang hawak nila ang lahat ng impormasyon tinatago-tago niya sa mga publiko. Hindi man s’ya artista pero mahirap pa rin namang lumabas ang mga nakakahiyang website na napuntahan niya na.
“Gusto kong kunin mo ang kutsilyo sa kusina niyo. Kunin mo ang pinakamalaki…” walang emosyon sa boses ni Cassandra dahil sa pagiging Ai ng tunog ng boses nito, pero ramdam na ramdam pa rin ni JR ang kilabot sa bawat salita.
“Patayin mo si Mrs. Elorme sa kabilang bahay…” pagtatapos na salita nito.
“HA!!!” bulalas ni JR. hindi niya alam ang gagawin. Napatalon-talon s’ya sa takot sa gustong ipagawa sa kanya ng nasa kabilang linya. Nagpalakad-lakad ng mabilis sa kwarto habang umiiyak at humihiyaw ng “AYOKO!!! PARANG AWA NIYO NA! AYOKO!”
“‘Wag kang mag-alala, walang makakaalam.” pagpapakalma ni Cassandra. “Buburahin namin ang lahat ng record. Itatapon mo ang kutsilyo sa kabilang kalsada at kami na ang dadampot at magtatago. Buburahin namin ang lahat ng cctv footage. Papalitan namin ng edited clip na nasa ibang lugar ka. Magbibigay kami ng cctv footage ng bahay niyo kung saan wala ka d’yan. Walang makakaalam ng gagawin mo.” paliwanag nito.
Hindi kumbinsido si JR. binabalot s’ya ng takot sa krimen na gagawin.
“Ayoko!” sigaw niya sa telepono.
“Ilalabas namin ang —”
“ILABAS NIYO!!! WALA AKONG PAKIALAM!” sigaw niya sa telepono.
Pinatay niya nag telepono at agad lumabas ng bahay. Agad-agad niyang kinatok ang bahay ni Mrs. Elorme.
“Mrs. Elorme!!!” tawag niya habang kinakalampag ang pinto. Agad naman s’yang pinagbuksan nito.
“Bakit, JR?” nanginginig ang boses nito.
“May papatay po sa inyo!” agad niyang banggit at nagmamadaling magpaliwanag. Agad niyang hinatak ang kamay nito papalabas para ilayo sa lugar. Malamang alam nila kung nasaan ang matanda. Malamang may ipapadala silang papatay dito.
Nailabas niya ang mahinang matanda sa pinto sa isang hatakan lang sa kanang kamay nito. Nang makalabas si Mrs. Elorme, sa gitna ng pagmamadali ni JR, nakita niya parin ang malaking kutsilyong hawak nito sa kaliwang kamay.
Mabilis ang ginawa ng matandang pag-amba ng saksak sa kanya. Mabilis ang ilag niya sa mga pangyayari. Gawa nang mabagal na kilos ng matanda.
Tumakbo s’ya papalayo dito, ramdam ang kaunting hiwa sa balikat na nagawa ni Mrs. Elorme sa kanya.
“Patawarin mo ko, JR.” malungkot ang boses ng matanda. “Alam nila ang buhay ng anak ko. Hindi pwedeng makulong ang anak ko, JR.” pagpapaliwanag nito.
Naintindihan ni JR ang nangyayari. Tinawagan din ni Cassandra si Mrs. Elorme para patayin naman s’ya. Tumakbo s’ya papunta sa ligtas na lugar. Malayo kay Mrs. Elorme o kahit na sinong suspetya niyang papatayin s’ya.
Sa gitna ng ulan, naitakbo niya ang sarili sa tingin niyang ligtas na lugar. Isang mataong supermarket na bukas 24/7. Marami-rami pa ring mga tao ang namimili dito kahit gabi na at maulan. Dito s’ya sumigaw at humingi ng tulong.
“Tulong!” sigaw niya. “Nakikita nila tayo!”
“Alam nila ang lahat! Tulungan niyo ko!!!” pinagtinginan s’ya ng mga tao. Tuloy-tuloy lang s’ya sa sigaw. Dumudugo ang balikat sa pagkakahiwa ng kutsilyo ni Mrs. Elorme. Gayunpaman, hindi ito ang kinakatakot niya.
“Nakikita nila tayo! Alam nila lahat ang tungkol satin! Alam nila ang baho nating lahat!”
Nilayuan s’ya ng mga tao. Mayamaya pa, dumating na ang mga gwardyang kumaladkad sa kanya palabas. Binitbit s’ya ng mga pulis at inaresto sa salang panggugulo sa isang supermarket.
Kahit sa loob ng sasakyan ng pulis, habang nakabenda na ang sugat at nakaposas dahil sa pagpalag-palag sa mga umaawat sa kanya, patuloy parin ang pagsigaw niya sa kanila. “KILALA NILA TAYO! ALAM NILA LAHAT! ALAM NILA LAHAT!!!”
♦ ♦ ♦
“This is amazing, Ms. Lea.” pagbati ng professor kay Lea, isang BSIT student, habang nagpi-present ng kanyang personal project sa guro.
“They are sentient?” tanong ng professor.
“Yes, sir.” pagmamalaki ni Lea.
“This is brilliant. Imagine, we can use this Ai tool to create movies. Ang laking matitipid ng TV and film industry dahil dito.” paliwanag ng professor. “Wala na silang babayarang mamahaling artista, mamahaling set at lugar. Ai na lahat!”
Nakangiti lang si Lea sa papuri ng guro. Habang pinipirmahan ang isang kontrata para sa isang TV show kung saan gagamitin ang tech na ito sa kauna-unahang pagkakataon.
Pinirmahan sa taas ng buo niyang pangalan: Lea Cassandra Benitez.
Masaya s’ya sa kinalabasan ng proyekto. Nakapag-program s’ya ng isang sentient Ai kung saan ilalagay niya lang ang scenario at magkakaroon na ng normal na reaksyon ang mga karakter sa loob. Sa pinakita niya sa professor, nilagay niya lang ang karakter na si JR sa loob ng isang setting na horror-generated. Nagreact na lang ito ayon sa mga input niya. Mga input tulad ng pagpasok niya sa chat at calls ng sentient character. Natural na ang naging response nito. Walang arte, totoong takot ang karakter. Sarili rin nito ang desisyong ‘wag s’yang sundin kaya lalong humanga sa pagkakaprogram ng code ang professor.
Ayon sa mga tawag niya mula sa input bilang director ng Ai scenario. Lahat ng nangyari, lahat ng reaksyon, kahit ng karakter na si Mrs. Elorme, natural nang naganap. Kahit ang mga tao sa supermarket, mga gwardya at mga pulis.
Nilikha sila sa Ai scenario para gawin ang scene na gustong mangyari ni Lea.
“Ito ba ang scenariong ipapakita mo sa mga TV executives?” tanong ng professor.
“Ah no, sir. Pwede na po nating burahin ‘yan.” sabay pindot sa delete button. Pagbubura niya sa buong buhay ni JR sa computer.
“Anong ipi-present mo?” tanong ng professor.
“I was thinking of a scenario…” sagot ni Lea. “Maybe the life of someone, reading a short story. ‘Yung magsa-suggest sa kanyang nasa loob s’ya ng Ai? Something na mababasa nila sa digital or maybe, sa isang libro, a horror book syempre. Then I will let the horror of realization sink in to them.”