Dai Ako Pagbayai

#story #short-story #filipino #anecdote #looban

Chapter 1

 

“‘San ka po pupunta nay?” tandang tanda ko ang tanong ko nang magising ako isang madaling araw. Alas tres ‘nun. Pitong taon gulang lang ako na hindi makatulog nang hindi katabi si nanay. Walang sariling kwarto, tabi tabi kaming lahat. Sa kanan niya ang bunso kong kapatid, si Elaine, ako naman sa kaliwa, kasi pangalawa ako sa bunso.

 

Ang himbing ng tulog ng bunso. Nagising ang pangalawa sa bunso.

 

Bumaba ako dahil naramdaman kong wala sya sa tabi ko. Nakita kong bukas ang ilaw sa baba kaya akala ko malapit nang mag umaga.

 

Nakita ko siyang nakabihis pang alis na. May bitbit ding dalawang malaking plastik bag na stripe ng puti at pula. Kung namimili kayo sa divisoria, alam niyo ang itsura at kung gaano kalaki ‘yun. Punong puno ng ititindang cotton buds.

 

“Magtitinda si nanay di’ba?” sagot niya. Oo nga pala. Madaling araw sya magtinda sa Binan ng cotton buds. Pang dagdag gastos. Para hindi kami magutom.

 

Ang takot ni nanay na magutom kami. Ang takot ko ring bumalik sa taas para matulog nang patay ang ilaw.

 

“Tulog ka pa.” lambing niya.

“Natatakot po ‘ko” sagot ko.

“‘Dito na lang po ‘ko sa baba?” dugtong ko dahil takot ako sa dilim sa taas. Magagalit naman ang buong bahay kapag nagbukas ako ng ilaw sa taas habang tulog silang lahat.

 

“Hindi kita pwedeng iwang ganito dito.” sagot ni nanay. Habang binababa ang mga ititindang naka plastik bag.

 

Naupo sya sa upuan malapit sa pinto.

 

Nagtitigan kami.

 

“Anong gagawin natin?” tanong niyang nakangiti. Kahit na alam niyang problema na magising ako dahil takot akong maiwan.

 

“Pwede po kong sumama?”

“Syempre hindi. Matao dun.”

“Hindi ako magkukulet?”

“Minsan hinahabol ng pulis kasi bawal sa pwesto.”

“Mabilis na po ‘ko tumakbo.”

 

Napangiti si nanay sa’kin.

 

“Dito ka na lang ‘nay.” huling sabi ko. “‘Wag ka nalang umalis?”.

 

“Eh ganun na nga.” sagot niya.

 

Nakaupo lang ako sa unang baitang ng hagdan. Kaharap sya sa upuan sa tabi ng pinto palabas.

 

Nakaupo lang kami nang matagal. Inaantay niya sigurong antukin ako. Ang totoo, inaantay kong magliwanag sa labas para hindi na ‘ko matakot.

 

Dahan dahan pero halos sabay nangyari. Lumiwanag sa labas at natalo ako ng antok ng kulang sa tulog na bata.

 

“Tutulog pa po ‘ko nay.” paalam ko. Maliwanag na. Para na ring pumayag akong umalis sya. Ligtas na rin sa kanya ang daan kasi malinawag.

 

Tumayo lang sya at nag asikaso sa bahay.

 

Umakyat ako ulit. Naisip ko kung aalis pa si nanay. Ayoko syang umalis sa bahay. Ayoko syang wala sa bahay lalo kung nandun ako maghapon. Iba ang bahay kapag nandun sya.

 

Maliwanag.

 

Bumaba ako ulit para masigurong hindi sya umalis.

 

“Nay?” tawag ko sa hagdan.

 

“Nandito pa ‘ko.” sagot niya. Habang inaayos sa gilid ang mga dapat niyang ititinda. Naglilinis na lang sya ng bahay. Nag aasikaso ng almusal.

 

“Hindi na ‘ko aalis.” sagot niyang nakangiti. Tinatago ang dismaya sa dapat sanang benta kung maaga syang nakaalis para mauna sa ibang tindera. Dismaya dahil kulang ang pera namin pang ulam. O totoong nakangiti sya dahil sa totoo lang, gusto niyang magkakasama kami lagi.

 

“Andito lang si nanay.”

 

♦♦♦

 

“Wala na.. si nanay…”

 

Taong 2022. Dalawamput tatlong taon ang pagitan ng alaala. Parang binuhusan ako ng malamig na tubig habang nagmamadali sa likod ng driver ng trike papunta sa labasan para makapunta agad sa ospital. Tinatawagan ko ang ate ko kasama ni nanay galing sa Taytay.

 

Nabangga ang sinasakyan nilang kotse sa pickup. Sasakyan nila ang pinaka na-damage.

 

Natataranta ang ate kong nagda-drive. Sinugod naman agad sa ospital si nanay kasama ng panganay kong pamangkin. Ayos ang ate at pamangkin ko pero si nanay.

 

Natayo daw sya pero nawalan din ng malay.

 

Hindi napasok sa isip ko ang eksaktong nangyayari.

 

Ang alam ko lang, habang naghahanap ng paraan kung papanong makakabyahe ng mabilis papuntang ospital.

 

Sa kabog ng dibdib ko, kaya kong takbuhin mula sa kung saan ako nakatayo papuntang ospital. Kaya ng paa kong tumakbo ng ganun kalayo at katagal.

 

Hindi ko lang alam kung kaya kong umabot.

 

Hindi ako natakbo sa layo - natakbo ako sa oras.



“Natatakot po ‘ko”

“Hindi kita pwedeng iwang ganito dito.”

“Pwede po kong sumama?”

“Syempre hindi....”

 

“Dito ka na lang ‘nay.” huling sabi ko. “‘Wag ka nalang umalis?”.

 

‘Wag ka nalang umalis.

 

Paulit ulit sa isip ko ang nangyari dati. Kung kaya ko bang sabihing ‘wag syang umalis.

 

Kung katok sa Diyos ang pagdadasal, tingin ko nasisira ko ang pinto kakapilit sa Kanyang ‘wag Niyang kunin sa’kin si nanay.

 

Hindi ko alam na kung ano ano nang sinasabi ko sa Diyos. Hindi ko kayang maging matatag. Kung au-anong inu-offer ko na okey nang walang ibang bagay, walang pera, walang kahit ano. ‘Wag lang si nanay.

 

Aanhin naman ni Lord kung kukunin niya ang mataas kong sweldo imbis na si nanay? Mangyayari ang gusto Niyang mangyari at wala akong magagawa.

Nagtatalo ang pagkakakilala ko sa Diyos sa gusto kong mangyari.

 

Pero maawa ka sakin, Lord. Kahit kailan hindi ako nanghingi ng ganito.

Pero ano ‘yun, nakaipon lang ang hiling ko?

 

‘Wag mo siyang kunin sa’kin. Hindi ko pa kaya.

 

Madilim pa. Natatakot pa ‘ko.

 

Antayin nating kaya ko na, antayin nating pwede na.

 

Kailan? Kailan ko kaya? Kailan maliwanag?



Pagtapos ng mahabang pagpupumilit sa Diyos sa isang napakabilis pero napakatagal ding byahe, sa wakas, nakaapak ako sa harap ng ospital.

 

Agad kaming nagtanong sa gwardya. May dala kaming bata. Dala dala namin ang maliit kong pamangkin. Sinundo ko lang sya galing school kanina. Bakit biglang sa ospital ko na sya bitbit.

 

Nakiusap akong mag antay sa labas ang ate ko kasama ng pamangkin namin.

 

Ako na ang hahanap sa emergency kung nasaan si nanay.

 

“Nasaan po ang nanay ko?” hindi ka nila kilala. Hindi nila alam kung sinong nanay mo.

 

“Car accident po. Dito dinala.” hindi ko alam kung kami lang ang may ganung kaso ko alam ng gwardyang sa emergency dinadala ang ganung aksidente.

 

Tinuro niya ang emergency. Ang layo ng takbo ko. Ngayon ko lang napansing bakit ang lalayo ng mga pasilyo ng ospital.

 

Mag-isa akong natakbo sa puting lugar. Layo layo ang mga pader na tinatakbo ko.

 

Ang tahimik na halos ang hakbang at kabog lang ng dibdib ang naririnig ko.

 

“‘Wag mo kong iwan.” bulong ko.

 

“‘Wag mo lang akong iwan…”

 

Others you might like: