“It’s Horizon”. Nagulat si Peter nang biglang nabasag ang pagtitig niya sa pinta na naka display na ngayon sa kauna unahang museo sa bayan nila. Wala pang tao dahil gabi na para sa mga bisita sa isang buong pasilyo. Inaabangan na lang ni Peter na maipakita itong larawan kinabukasan kaya minarapat niyang puntahan.
“Ha?” sabay lingon niya sa babae.
“No. I mean, ‘yung title mo, I thought it was a riddle kaya ko nasabing ‘Horizon’ ang sagot.”
Nais Puntahan. Hindi mahawakan.
‘Yun ang sabi ng titulo sa baba ng painting niya kung saan may palubog na araw(o palitaw?). Nasa gitna naman ang isang babaeng nakaharap at direktang tila nakatitig sa pintor. Hawak hawak ang isang piraso ng bulaklak na gumamela.
Kita sa mukha ng babae ang pagkagulat. Hindi man nito tinago ang ganda ng mga ngiti pero sadyang madaling mapansin ang pag ibig sa mga mata.
“Iniisip ko kung ‘Unang pagkikita’ o ‘Abot Tanaw’ ang ilalagay ko as Title. Hindi ako magaling sa salita. Pintor ako, hindi manunulat” nilingon ni Peter ang babae para magbigay ng mapaglarong ngiti. Ngumiti lang pabalik ang babae at binalik nag paningin sa larawan.
Halata ang pagkamangha at interes nito sa detalye ng pinta. Tama lang naman dahil para kay Peter, ito na ang pinaka maganda niyang nagawa. Halos ibuhos niya ang puso’t kaluluwa sa bawat kulay. Hindi para mahalo sa iba pang mga obra sa Museo. Mababaw masyado ang dahilan na ‘yun, kundi para manatili ang isang alaalang mahalaga sa kanya.
Gusto niyang maging matibay na alala ang pinta ng una niyang pagibig.
Pagibig na abot tanaw.
“So, what’s the story?” pagpapatuloy na busisi ng babae.
“Lahat ng obra may kwento. And this one, clearly, has a story. So tell me,” nilapit ng babae ang mukha sa nakalagay na impormasyon na pinta para sa buong pangalan ni Peter.
“Peter Arebyo”.
Nakita ni Peter na kumunot ang noo ng babae sa pagbanggit ng apelyido niya, Maaring malabo lang ang mata nito at nahirapan magbasa O kaya naman ay, oo na, hindi na maganda ang tunog ng “Arebyo” - hindi pang sikat - pero hindi naman kailangang pagkakunutan ng noo.
“Kathang isip lang naman ang pagkakabuo ng kwento nito.” normal niyang sagot. Ito lang naman ang sagot na maiintindihan ng mga tao. Hindi nila maiintindihan ang pagkikita nila ni Alena.
Hindi nila maiintindihan na isang gabi sa panaginip niya ay nasa lugar syang hindi niya kilala. Malakas ang tunog ng kalikasan kaysa sa normal. Isang lugar na maraming halaman at kakaiba ang langit. Mas maliwanag. Mas parang, bata?
Habang nililibot ang lugar sa panaginip, naaalala niyang habang naglalakad ay maiingay ang tunog ng mga maliliit na sanga sa lupa. Nasaang gubat ba sya? Habang nililibot ang lugar ay di niya namalayang pagkalabas sa mga maliliit na punong kahoy ay bumungad sa kanya ang malawak na parang sa taas ng isang burol.
Doon niya nakita ang isang babaeng nakaharap sa palubog na araw. “Takipsilim”
Sambit nito. “Gusto mo rin ba ng takipsilim kaya ka rin nandito?”
Simula noon ay palagi na niyang napapanaginipan ang babae. Minsan sa burol, minsan sa tabing dagat, minsan sa takipsilim, minsan sa bukang liwayway.
Parang tunay ang bawat panaginip. Pero sa tuwing gigising sya isang umaga, dun niya naiisip na malayong mangyari ang mga panaginip na ‘to. Nawawala ang pagasang magkita sila uli.
Ang tanging hindi nawawala ay ang nararamdaman niya para babae sa panaginip. Posible nga bang magmahal ng isang taong sa panaginip mo palang nakikita? Nababaliw na ba sya? Ganito ba talaga ang mga pagiging pintor? Ang tuluyang masiraan ng bait kakaisip ng bagong sining?
“Hindi” pagtutol niya sa sarili. Hindi ito tungkol sa sining. Hanggat maari ay ayaw niyang may makaalam tungkol sa babae sa panaginip kaya sa simula ay hindi siya nagkaroon ng interes ipinta ito.
Masakit lang isipin kung sa balang araw ay malimutan niya ang mukha ng babae - kasabay ng pagkawala ng nararamdaman niya.
Kaya kinuha niya ang mga gamit at ginawa ang obra.
Hanggang sa ‘di niya namamalayan ay nandito na sya sa Museo kung saan nakuhang maipakita ang gawa niya.
“Nasa nakaraan si Alena” mula sa kawalan ang boses ng babae sa Museo habang hindi tinatanggal ang mata sa larawan.
“Ha? Papano mo nalaman ang pangalan niya? Sino ka ba?” sunod sunod ang tanong ni Peter.
“Anong nakaraan?”
“1985”
“Bakit ako maniniwala sayo?”
“Papano ko malalaman ang pangalan niya?” tanong ng babae. Napatahimik nito si Peter. Wala syang kahit sinong pinagsabihan ng kahit anong tungkol sa napintang larawan.
“Hindi na rin naman mahalaga kung nagsasabi ka ng totoo. Pero sino ka ba?” may pagkatalo sa tanong niya. Kung totoo mang nasa nakaraan si Alena, ang ibig sabihin, walang pagkakataong magkita sila. O kung magkita man sila’y halos nalimutan na sya nito sa madaming taong lumipas.
“Helen na lang itawag mo sa’kin”. Sagot ng babae “Pero may paraan ako para magkita kayo.”
Inilabas nito ang isang kwintas na may asul na bato.
“Narinig mo na ba ang kwento ni Luna? Ang dyosa ng buwan?” pagsisimula ni Helen.
“Nice to meet you Helen, pero tingin mo madali akong maniniwala sa magic tsaka time travel?” pambabara ni Peter. Natatawatawa sya sa mga sinasabi niya pero may konting pagasa sa puso.
Pwede ba talaga kaming magkita?
“Walang mawawala kung maniniwala ka. Besides, konting pagasa lang ang kailangan ng kwintas ng luha” pagpapatuloy ni Helen.
“Minsang nagmahal si Luna. Tuwing magkakaron ng pagkakataong hindi makikita ng tao ang buwan, bumababa si Luna sa mundo ng mundo para makihalubilo.” napahigpit ang hawak ni Helen sa kwintas.
“Minahal niya ang buhay ng isang tao sa loob ng mga araw na naibibigay sa kanya. Ang saya ng pagkapanalo, ang lungkot ng pagkawala, ang pagasa sa bagong bukas at ang bawat minutong kailangang habulin para sa buhay na nais nila.
“Hanggang sa magkaroon sya ng pagkakataong maranasan ang pinakamasayang mararanasan ng isang tao - ang magmahal.
“Nagmahal si Luna ng isang tao. Sya ang nagturo sa kanya kung papano mabuhay ng tama. Magmalasakit, tumulong, maging tunay na masaya.”
Naputol ang kwento ni Helen dahil napatingin sya sa kwintas, at sunod na tinuon ang mata sa larawan.
“Tulad mo, tulad niyo ni Alena, nabuhay si Luna sa sandaling walang hanggan. Naranasan niya ang walang katapusang pagibig sa limitadong oras. Naghangad sya kasama ng minahal na mortal na magkaroon sila ng pagkakataong mamuhay ng magkasama - ang gawing permanente ang pagsasama nila. Hindi alam ni Luna kung papano ‘to mangyayari, basta ang alam niya, walang imposible sa dalawang taong nagmamahalan.”
Lumakas ang kabog ng dibdib ni Peter. Posible ba talaga lahat ng sinasabi ni Helen?
“Hanggang sa isang punto ng buhay nila, nakita sila ng Oras - o ang diyos ng oras. Kinaawaan sila nito. Ginamit ang luha ng tunay na nagmamahal at ginawa itong kwintas. Gamit ang kwintas na ito, matutupad ang hiling na magkasama ng dalawang nagmamahalan.”
Nakatulala lang si Peter kay Helen. Hanggang magkaron ng tapang magtanong “Nagkasama ba sila? Natupad ba ang hiling nila?”.
“Hindi.” Malungkot na sagot ni Helen.
“Dahil nang gagamitin na ni Luna ang kwintas, nakita niyang may mas higit sa pagmamahal na meron sya. Kaya binigay niya ito sa tao.”
Inabot ni Helen ang kwintas kay Peter.
“Iniatas ni Luna ang kwintas sa mga nagmamahalan sa lupa - sa mga tunay na nagmamahalan. Para maging masaya ang mga taga lupa. Ang lupa ang naging pugad ng pagibig na hindi nabigyan ng pagkakataon, sapat na ang oras na naririto sya para makita ‘to. Kaya ipinasa pasa ang kwintas sa mga magbabantay nito sa pag asang makakita ito ng pagibig na mapagbibigyan sa bawat pagkakataon.”
Kinuha ni Peter ang kwintas. Nagpatuloy si Helen “Isang beses lang magagamit ang luha, pagtapos nito, ayon sa alamat, ay mawawala ang kulay nito pagtapos magamit at hindi na magagamit muli.”
Totoo ba to? Ito ang tanong ni Peter. Totoo bang mas higit ang pagmamahalan nila ni Alena kaysa sa lahat kabilang ang pagibig ng Buwan sa mortal at sa lahat ng pagibig sa mundo?
“Bakit hindi mo ‘to nagamit, Helen? Wala ka bang pagibig na gusto mong makuha?” tanong ni Peter. Hindi niya pa rin matanggap na ganun kahalaga ang pagmamahal niya kay Alena.
“Hindi ako sang ayon kay Luna. May mga bagay na higit sa pagmamahal sa mundo.” nagbigay si Helen ng matamis na ngiti.
“Pero nang makita ko ang larawan ni Alena, ang titig niya sa pintor, ramdam kong gusto ka niyang makita” pagpapatuloy nito.
Hindi na pinagsayang ng oras ni Helen si Peter. Sinabi niya kung papano gagamitin ang kwintas. Agad namang pumunta si Peter sa rooftop ng Museo. Sa gitna ng madilim na gabi, ang ihip ng hangin ang tanging ingay na kasabay ng hiling. Hinawakan niyang maigi ang kwintas at binulong ang hiling.
Dalhin mo ‘ko kay Alena.
Ipinikit niya nang maigi ang mata, malakas na hangin ang naramdaman at narinig habang nagbabago ang simoy nito.
Pagdilat ng mata, nakita niya ang sarili sa burol habang takipsilim.
“Takipsilim”
Narinig niya ang pamilyar na tinig sa likuran niya.
“Dumating ka nga sa takipsilim. Totoo ka nga”.
Inabot ng ilang minuto pero nakatitig parin si Helen sa larawan ni Peter sa Museo.
“Luna?” Narinig niya ang pamilyar na tawag sa likod niya. Si Henry.
“Did it work? Gumana ba ‘yung kwintas? Tao ka na ba talaga?” Sunod sunod ang tanong nito.
“It did.” may pait sa ngiti ni Helen - ni Luna.
“Eh bakit ka malungkot?” pagtataka ni Henry.
“I gave it away.” pumatak ang luha ni Luna sa pagsasabi ng totoo.
“Ha?! Bakit? Kanino?”
“Sa tatay mo.” binalot ng lungkot si Luna. Simula palang kanina nang ma kumpirma niyang tatay ni Henry si Peter - sa pagkakataong ito nalaman niya ang kailangan niyang gawin.
“Kailangan kong ibigay sa kanya ang kwintas. Kung hindi, mawawala ka sa mundo. Hindi ka ipapanganak.” paliwanag ni Luna.
“Pero mas mahalagang maranasan mong maging tao. Hindi ako ang mahalaga, matagal mo nang gustong maging tao bago mo ko nakilala.” pagkumbinsi ng binata.
“But it would mean, you’ll never exist.” paglilinaw ni Luna.
“Ayokong mabuhay sa mundong wala ka” sagot ni Henry.
“Ayokong mabuhay sa mundong wala ka” paguulit ni Luna.
Sa pagkakataong titig lang nila sa isa't-isa ang nag uusap, nararamdaman ni Luna na palitaw na muli ang buwan sa langit. Nalalapit na ang pagkawala niya sa mundo.
Niyakap ni Henry si Luna sa gitna ng pasilyo ng Museo na sila lang ang laman.
Mahigpit na parang ayaw niyang pakawalan pero unti unti naglalaho si Luna na parang panaginip sa bukang liwayway.
Pumatak ang luha ni Henry sa huli nilang pagkikita - pero hindi ito pumatak sa lupa, sa halip ay kinuha ito ng Oras, nilagyan ng hiling at inilagay sa kwintas na hawak ni Peter sa nakaraan.
May pagtataka kay Peter kung bakit hindi nawala ang kulay ng kwintas. Ang ibig sabihin ay maari pa itong magamit ng isa pang beses.
Itinabi ito ni Peter para ipamana sa magiging anak balang araw. Kung balang araw ay makakita sya ng pag-ibig na nangangailangan ng hiling ay magagamit niya ito.
Balang araw, magagamit ito ng anak para sa minamahal. Papangalanan niya ang anak ng “Helen” kung maging babae ito at “Henry” kung maging lalaki. Bilang pasasalamat sa babaeng nagbigay sa kanya ng pagkakataong makuha ang pagibig na inakala niyang abot tanaw lamang.