Nakakakaba pala talaga ang first time ma interview. Hindi ako sanay sa polo kong puting puti at ang pantalon kong itim. Kumalma ka Natnat, tatanungin ka lang. Tatanungin lang ang profile mo para alam nila kung ‘san ka ilalagay. Alam nila ang gagawin. Alam nila kung ‘san ka dapat. Alam nila kung ‘san ka dapat ilagay.
Pero gusto kong makapasok. Diyos ko gustong gusto kong makapasok.
“John Andrew Cabral?”
Tinawag na ko ng secretary. Ako na susunod. Tinaas ko ang kamay ko na parang recitation. Awkward ang pagkakataas ko kasi naisip ko na “ano ‘to attendance?”. Buti mabait ‘yung secretary na nginitian niya lang ako.
Ito na, hindi ako sanay sa lamig ng kwarto ah. Nakita ko kaagad yung interviewer sa upuan malapit sa bintana. Ang ganda ng opisina nila. Agad niya namang tinuro kung ‘san ako uupo.
“Hi John Andrew. Can I call you John or Andrew? Anong pangalan ka komportable?”
“Natnat na lang po ser”
Nagkunot ang noo niya.
“Ang layo ah, pero okay, Natnat. Taga saan ka pala?”
“Sa looban po”
Ang bilis ng sagot ko. Bobo, address tinutukoy niya. Saang address. Saang Barangay, saang City. Saang planeta. Tanga.
“Ay, sa Paranaque po.”
Napangiti ng konti ‘yung nag iinterview. Shet shet shet shet shet.
“Bakit looban?” patawa niyang tanong.
“Nasanay po kasi ako na kapag tinatanong ako, alam na nila kung ‘san ‘yun. Haha. sorry po”
“Mas gusto kong komportable ka kausap, Natnat. Kaya mas maganda siguro kung kwento mo muna sakin ano’tong looban niyo.”
“Buong buhay ko Ser, gustong gusto kong umalis dun eh. Papano ako magiging komportable. Hahaha”
Pero bukod sa mga kabitbahay naming snatcher (sa labasan lang naman, sa looban kapitbahay na sila), chismosa, pokpok, at mga adik sa bawat kanto, medyo maayos naman yung looban. May buhay naman kami dun. Minsan lang may riot, dagdag buhay din yun (literal pala na bawas buhay din)
“Simula sa pangalan ko, Ser. Nauso na talaga dun sa looban na ang maging pangalan ng bata eh yung kung ano yung mga na-experience namin. Dati kasi sa kuya ko lang ako nagpapagupit. Syemrpre dahil praktisan niya ko, nagkaroon ako ng malaking poknat. Kaya yun, Natnat na palayaw sakin.”
“Buti hindi pokpok tinawag sa’yo” sabay kaming natawa. Natawa sya dahil sa biro niya pero ang totoo may naka isip mag tawag sakin ng ganun kaya natawa rin ako, buti hindi lang nag catch-on.
“Bata pa lang ako, Ser, pangarap ko nang umalis. Kaya nag aaral akong mabuti. Tuwing dadaanan ko ‘yung mga tambay sa kanto, sinasabihan nila ko kung bakit pa ‘ko nag aaral eh nabubuhay din naman daw kahit hindi nakatapos. Sinasabi ko lang na may pangarap ako. Hindi ko gustong mabuhay ng hindi ako sigurado sa kakainin ko bukas.”
Mataas ang pangarap ko sa gitna ng mga taong sumuko na. Alam niyo yun. Karamihan ng mga tao samin, tanggap na na ganun na ang buhay. And they make peace with destiny. At doing great naman sila. Masaya na sila sa saktong perang nakukuha sa pa extra ng construction, o kaya mag kargador o 500 tuwing eleksyon. Kapag may sobrang pera sila, tama nang libangan ang kara krus o kaya videokarera. Kung medyo lumuwag, saktong sabong lang.
Wala akong problema sa kanilang ganun ang gusto nila. Pero iba ang gusto ko sa sarili ko.
Alam ko masamang tao ang tingin ng karamihan sa kanila dahil sa mga depiction sa TV. pero ang totoo, mga simpleng tambay lang sila sa kanto. Hindi sila ‘yung laging gusto ng away (mga sanggano naman yung ganun, ibang type naman yun. haha)
Madalas sila pang mga tambay ang tutulong sa mga dapat dalhin sa ospital o kaya tulungan kang magbuhat ng mga bagay bagay. Pang toma lang ang bayad sa kanila, sapat na yun.
“Hindi naman lahat ng tao sa skwater, Ser masasama. Sa katunayan, yung iba sa kanila ang nagbigay sakin ng pangarap umangat. Yung mga chismosa samin lagi kong naririnig na kausap si nanay:
‘nabuntis si ganito ganyan. Nakabuntis si ganito ganyan.’
Pero yung iba sa kanila, sasabihin ‘iba yang anak mo mare noh? Naku baka yan na mag ahon dito sa looban sa kahirapan ah,’
Alam ko na sobrang imposible nun, tsaka yung mga chismosa na yun, gusto lang maka amot ng tagumpay kung sakali. Pero dahil dun, naisip kong baka kaya talagang umahon. Maging successful para maahon sila lahat. Yung magkaron sila ng pangarap na kaya palang umalis dun at magkaron ng sariling bahay.”
“Sobrang na disappoint ka siguro nung nagkasunog?” tanong ng nag iinterview. Syempre alam niya yung tungkol sa sunog.
“Oo ser. Madami ring nawalang bahay. Pero nakita ko nag nagkakaisa kami sa kapitbahay.”
Araw nun ng graduation ko. Araw na magsisimula na dapat ang pag angat namin. Napatunayan ko na sa buong hood na “hoi, kaya nating umangat”.
Tuwang tuwa mga tambay na bigyan ako ng tagay sa ibang baso(alam kasi nilang nandidiri ako sa iisang basong ginagamit nila).
Kahit mga pokpok na dapat tulog sa umaga bangag na bangag akong binati.
Syempre masaya yung mga snatcher kasi dagdag daw ako sa magiging customer nila. Mga siraulo. Haha.
At syempre pinaka masaya yung mga kaibigan ko. Si mang Tap na laging nagpapayo na mag aral akong mabuti kahit bakasyon.
Si Ate Elis na tuwang tuwa na magiging engineer na daw ako kahit ilang beses kong sabihin na Education ang tinapos ko.
Sa sari-sari store, ilang beses din akong tinatanong kung mayaman na daw kami. Kakatapos ko lang, wala pa ngang trabaho. Hindi pa nga ko teacher talaga.
Laking tuwa rin ng mga chismosa nun kaya mabilis kumalat ang balita.
Parang apoy.
“Ang daming nasunog nun, Ser. Pero sabi ko, buhay ang mahalaga kaya iniwanan na namin yung mga gamit. Kaso, si Aling Telma...”
“Ano si Aling Telma?” mabigat ang tanong niya. Na parang alam niya ang mga susunod kong isasagot.
“Naiwan niya si Kutkot sa loob ng bahay na nasusunog.”
“Anong ginawa mo?” lalong naging mariin ang boses niya.
“Sumugod ako sa apoy, Ser. Hindi pwedeng mawala si Kutkot”
“Wait, ito si Kutkot, kaya ‘Kutkot’ kasi mahilig syang mag kutkot sa pader o dahil madami syang kuto?” pinagaan niya ang tanong dahil nararamdaman niya na siguro ang bigat sa mukha ko.
“Dahil sa kuto, Ser. Hahaha. Alam mo na yung pattern ah. Malaro kasing bata ‘yun sa arawan kaya madaming kuto. Nagkataon lang na kung kelan niya napiling matulog sa tanghali, saka nagkasunog.” sagot ko.
“May pangarap din yung bata. Gusto niya raw akong gayahin paglaki niya. Hindi ko kayang iwanan ang looban na mamamatay ang ganung pangarap, Ser.”
Masusunog ng apoy ang mga bahay naming tagni-tagning kahoy - kaya naman naming ibalik yun kinabukasan.
Pero mahirap ibalik ang pangarap sa ganung lugar. Hindi ko pwedeng hayaan yun.
Sumugod ako sa loob ng bahay nilang nasusunog. Nakuha ko si Kutkot na naiyak sa gitna ng apoy. Pinuntahan ko kahit kanda paso paso na mga balat ko sa init.
“Nakuha ko sya, Ser. Kaso ang problema namin, kung papano lalabas.” bumabalik sa alaala ko ang mga nangyari.
Unti-unti nang nasisira yung bahay kasi nga kinakain na ng apoy kasi kahoy lang.
Tumingala ako - naghahanap ng butas na tatakasan - kaya nakita kong malalaglagan na kami ng mga kahoy at yerong nasusunog.
“Anong ginawa mo?”
“Hinagis ko si Kutkot sa malapit na bintana, Ser. Umaasa na may sasalo sa kanyang bubong na malayo sa sunog, o milagrong may babagsakan syang tambay. Kesa maiwan sya dito sa siguradong mamamatay sya.”
Araw ng graduation ko.
Nakaalis ako ng looban.
Pero hindi sa paraang alam ko.
Napalingon ako sa bintana. Tinanaw ko ang malawak na espasyo ng langit. Walang basura sa daan, walang mga sampay ng damit, walang tambay sa kanto. Walang looban.
“Ligtas naman si Kutkot, Nat. Nasa baba si Mang Dante. Tanggap niya nang mamatay sa sunog pero nung nahulog sa kanya si Kutkot, naisip niyang mabuhay. Ang galing ng pagkakataon diba, kung tatanungin mo ko, kung may impact ba ang buhay mo, tulad ng mga unang naiinterview dito, masasabi kong Oo.”
“Nang hihinayang lang ako, Ser. Hindi ko manlang nabigay sa pamilya ko ‘yung buhay na pangarap ko.”
“Mas maganda ang iniwan mo sa kanila.
Natuto silang mangarap dahil sa buhay mo.
Natuto naman silang maging mabuti dahil sa pagkamatay mo.”
Pinilit kong wag maiyak sa mga naisip kong bagay na naiwan ko sa looban.
“May hindi ka pala na fill-up an, Nat. Bakit wala kang nilagay sa occupation?”
“Ahh, anong ilalagay ko ser. Hindi na ko estudyante, hindi pa ko teacher. Tambay ilalagay ko?” patawa ko.
“Lagyan mo.
Ilagay mo:
BAYANI”