Ma-maya na Mamaya

#maiklingkwento #shortstory

“Umusog ka nga apo at ako’y maiiputan na ng mga maya dito”

 

Nagulat ako sa boses ni Lola. Maamo ang tingin niya sa’kin habang nasa ulunan ang mga kamay niya sa takot na maiputan sya ng mga nagliliparang mga maya sa taas ng mga kable ng kuryente.

 

“Bakit ka nandito ‘La?” tanong ko habang nausog sa upuan ng waiting shed.

 

“Pupunta tayong probinsya? Di’ba?”

 

Kinalong ko ang bag kong pinatong ko sa katabing upuan. Tiningnan ang kahon na dala-dala kong nilapag naman sa ilalim. Hindi ko inaasahang sasamahan niya ko sa byahe kong ‘to.

 

Dahan dahan syang umupo sa lilim ng waiting shed katabi ko.

 

“Dapat kasama mo si Lolo, La.” pagpapa-alala ko.

 

“Hayaan mo sya dun.” Tawa lang ang sagot nito.  “Gusto kitang kasama. Tsaka gusto ko na ring umuwi ng probinsya.”

 

Aaminin kong medyo naluha ako sa sinabi niya. Laging ganun si Lola. Hindi sya natatakot sabihin kung anong nasa isip niya. At ang lagi niyang sinasabi sakin ay “Gusto kitang kasama” at “Gusto kong umuwi ng probinsya”.

 

Dalawang bagay na mahalaga sa kanya — ako at ang probinsya.

 

“Kapag umuwi ka dun, dapat mag desisyon na po kayong dun kayo titira.” Biro ko sa kanya. “Mahirap ang byahe ng byahe, La. Di’ba sabi mo mahihiluhin ka? Hindi ka pang makina na byahe. Horseback rider ka e. Pero madalas naman kalabaw ang sasakyan mo.” nagtawanan kami.

 

“Oo naman. Hindi naman palaging kasama mo ‘ko.” seryoso niyang sagot.

 

Napatingin ako sa malayo. Napatingin ako sa mga sasakyan, sa mga motor at jeep na dumadaan bago ang bus na inaantay namin. Masyadong mausok. Punong puno ng kable ng kuryente ‘tong syudad. Sa katunayan, puro kable ng kuryente ang nasa taas ng waiting shed na antayan ng bus.

 

Ang tanging bahid ng kalikasan dito sa syudad ay ang mga maya. Maraming maraming mga maya.

 

“Apo” pagbabasag ni Lola sa tahimik kong pag o obserba.

 

“Tingin mo, dapat tumira ka na rin sa probinsya?” nakatitig sya sa gubat ng syudad habang sinusubukang buksan ang chichirya na kung saan saan niya naman nabili.

 

“Bakit naman po, ‘La. May trabaho ako dito. May bahay tayo dito. Nandito na ang mga kakilala ko. Ano namang magagawa ko ‘La sa probinsya, eh programmer ako. ‘Ni hindi ako marunong magtanim ng petchay. Hindi rin ako marunong mangisda. At sa probinsya sino lang naman kakilala ko ‘dun. Si Mang Bob?”

 

“Huy! Patay na si Bob! Hahaha” nagulat syang tumitig sakin habang natawa.

 

“Alam ko ‘La.” patawa kong sagot. “Ang punto ko, wala akong kakilala dun. Hindi ko na kayang mabuhay dun”

 

At ang tanging kakilala ko ‘dun, lahat patay na o naandito na rin sa syudad.

 

“Bakit naman dati ang saya saya mo dun…” naging malungkot ang tono ng boses niya.

 

“Lola naman eh… Dati ‘yun, nung ang kaligayahan ko lang eh lumangoy sa ilog at umakyat sa puno.” hinawakan ko ang likod niya para maglambing at aluin sya.

 

“Oo, masaya ka dun ‘nun.”

 Sobrang saya ko sa probinsya kung tutuusin. Sino bang hindi. Sino bang gustong makipag agawan sa sasakyan pauwi. Sino bang gustong mabilis ang kilos bawat umaga. Sino bang gustong magising sa ingay ng isang buong syudad dahil hindi ‘to natutulog.

 

“Kaso, kailangang pumunta sa maynila diba?” sagot ko habang nakatingin sa malayo. Parang naaaninag ‘ko ang tambutso ng jeep na nabuga ng maitim na usok.

 

Kailangan kong mag aral. Kailangan kong magtrabaho. Pagtapos kong makapundar kahit papano dito sa maynila, minabuti kong kunin sa probinsya sila Lolo at Lola dahil hirap na rin sila sa buhay na sila lang.

 

Ang hirap maging probinsyano sa syudad sa totoo lang. Nagmukha kong tanga sa escalator. Medyo pinagtatawanan yung pagta tagalog ko. Ang pinaka malalala yung magtitiwala ka sa tao pero scammer pala. Mga snatcher. Ilang beses rin ako nawalan ng gamit dahil tiwala lang ako maglapag ng gamit kung saan saan.

 

“Para kang maya, Apo” sagot ni Lola.

 

“Bakit po Lola? Mabaho rin ipot ko?” pagpapatawa ko. Gusto ko lang iiwas kung san darating ang gantong usapan - dahil ganito na ang usapan namin dati pang bago lang sila dito sa maynila.

 

Para daw akong maya.

 

“Tingin mo ba, maya ang pumunta sa syudad?” Hindi sya natinag ng biro ko. Seryoso parin syang nagpatuloy.

 

“Dumating ang syudad sa kanila… Hindi sila ang pinaka malalakas na ibon kaya wala silang nagawa. Kailangan nilang mabuhay sa syudad na binigay sa kanila.” tumingala sya para ituro ang mga maya sa kable ng kuryente.

 

“Pinutol ang mga puno na tahanan nila, pinalitan ng mga kable ng kuryente. Ang iba naman sa kanila, kagaya mo, napilitang lumipad dito. Ang iba naman, dito na pinanganak. Nakadikit ang buhay sa usok, sa gulo, gustuhin man nilang umalis pero andito na ang buhay nila.”

 

“Mas maraming maya ng mga alas syete ng umaga dito, ayon sa pagkakaalam ko. Anong oras na, Apo?”

 

“Alas sais-a-kinse po ‘La”

 

“Mayamaya marami na’ng maya”. May pag aalala sa boses niya.

 

“Kailangan lang lakasan ng loob ng mga maya, ‘La. Kailangan naming maging malakas para sa mga mahal namin sa buhay - para magpatuloy sa dapat naming liparan.”

 

Hanggang dito lang ang lipad namin, pero kailangan parin naman naming mabuhay. Minsang minsanang makatikim ng buhay sa probinsya, pero babalik parin sa gubat ng syudad na laban namin.

 

Dumating ang bus pa probinsya. Dali dali kong binuhat ang bag at ang kahon na bitbit ko paalis.

 

Sa bus, nakita ko kung papano magbago ang syudad na maging bukid. Nawala ang mga makalat na kalye na napalitan ng mga malalawak na parang. Nawala ang mga matataas na gusali at napalitan ng mga bahay kubo.

 

Nagbuntong hininga ‘ko para maramdaman ang simoy ng hangin.

 

Pauwi ka na ‘La. Ito ang gusto mo diba? Ang probinsya at kasama ako.

 

Sayang isa lang dun ang kaya kong maibigay.

 ♦♦♦

 


 



Pagkababa ng bus. Agad-agad akong dumiretso sa dapat kong puntahan. Nagmamadali ako dahil hindi ko gustong abutan ng dilim. Isang araw lang ang ipinaalam kong mawawala sa trabaho kaya kailangan kong makabalik agad.

 

Kumatok ako sa pinto ng isang bahay sa tabi ng kalsada.

 

“Mang Paco?” tawag ko habang nakatok.

 

Isang lalaki ang nagbukas ng pinto. Halatang galing sya sa pang hapong syesta.

 

“Ako po si Arthur, yung tumawag po sa inyo? Galing maynila?”

 

“Ah ikaw yun! Ito na ba yun?” tinuro niya ang kahon na bitbit ko.

 

“Opo.” inabot ko ang kahon sa kanya. Kinuha niya ‘to at agad agad nag aya.

 

“Dito tayo, ser.” kinuha niya ang mga gamit sa bahay at nag aya sa sementeryo.

 

Dumating kami sa hukay na hinanda ni Mang Paco.

 

“Grabe ka ser. Hindi ka natakot? Bitbit mo lang ‘to ng buong byahe” binuksan niya ang kahon at bahagya kong nakita ang mga laman. Parang may tumatarak parin sa puso ko kahit matagal na panahon na.

 

“Bakit naman ako matatakot, eh Lola ko yan…” sagot ko.

 

“Sabagay, Sobrang mahal kung sa legal papadaanin kaya sepulturero sa sepulturero na lang ang usapan” Pag uunawa ni Mang Paco.

 

Hindi naman nagtagal ang pag aayos niya ng libingan ni Lola. Natagalan ako bago dalhin pabalik si Lola. Namatay sya sa Maynila at wala akong pera para dalhin ang katawan niya dito. Pinilit ko namang gawan ng paraan pero natagalan lang talaga.

Para akong maya — wala akong lakas liparin ng hangin ng pagbabago.

 

“Didiretso ka na bang uwi sa maynila, ser?” tanong ni Mang Paco nang matapos sya sa ginagawa.

 

“Opo. May kailangan po akong habulin.” sagot ko.

 

Pagtapos kong magpasalamat at mag abot ng kaunting pera para pasasalamat sa pagtulong, agad agad akong pumunta sa sakayan ng bus. Alas tres na ng makasakay ako kaya alam kong aabutin ako ng traffic.

 

Makakasabay ko ang mga taong papunta sa maynila para magtrabaho - para iwan ang buhay na gusto ni Lola. Tahimik at malapit sa kalikasan — malapit sa kanila.

 

Konting oras na lang ay dadami nanaman kaming pupunta sa syudad. Aabutan pa ako ng rush hour kung saan maraming tao ang nililipad ng hangin ng buhay sa iisang gubat na dapat naming paglaban-labanan.

 

“Ma-maya na mamaya…” bulong ko.

Others you might like: