Tuwing pipikit ako, naaalala ko pa rin ang hardin sa gitna ng maliit naming baryo. Sa gitna ng malawak na parang. Agos ng ilog ang awit na kasabay ng mga ibon sa mga punong iniihipan ng hangin pagtapos ng ambon.
Nakikita ko pa si Mama habang nagbubungkal ng lupa para sa lilipatan ng mga bagong halaman sa hardin.
“Clara...” bigla man ang tawag niya pero kasabay pa rin ng musika ng paligid ang boses niya. Naririnig ko pa lahat - Ang ilog, ang mga ibon, ang hangin, ang mga puno, at si mama.
Unti unti akong lalapit sa hawak niyang halaman para ibigay ang bahagi ko sa awit ng kalikasan:
“Sibol...”
Naniniwala kaming makapangyarihan ang salita. Bawat salita na para sa bawat buhay na kasama namin.
“Clara,” marahang tulad ng ambon ang mga boses ni mama. “Lagi mong tatandaan ang salitang dapat nating sinasabi sa mga nahihirapang lumago. Ito ang salita para sa lahat ng may takot lumabas sa buto para lumaban sa mundo. Balang araw, anak, aalis ka sa sarili mong buto, sa sarili mong hardin, para lumago. Lagi mong sasabihin ang salita ng pinagmulan mong hardin...”
Sibol.
Hindi ko naman gustong umalis ng hardin, perpekto na ang lugar na meron kami ni Mama. Pero katulad ng maraming hardin, may mga gusto tayong alisin - mga damo, ahas, peste, bagyo.
Dahil pagsapit ng gabi, kapag uuwi si Lolo mula sakahan, nagbabago ang tahanan ng hardin.
Sa likod man ng pinto ng kwarto, malinaw na malinaw ang naririnig kong bawat salita ng Lolo kay mama.
Disgrasyada. Inutil. Nagdagdag pa ng palamunin.
“Ilang taon na ba yang inutil mong anak, Lena? At bakit wala pang ibang alam banggitin kundi ‘sibol’?”
Tulad ng sinabi ni Mama, kailangan ko lang takpan ang tenga, at lunurin ang isip ng mga salitang dapat kong marinig.
Sibol. Kailangan kong sumibol.
Aantayin lang namin ni Mama ang umaga. Umagang kailangang umalis ni Lolo para magsaka o pumunta sa bayan. Magdadasal sa maghapon na ‘wag syang umuwing lango sa alak o kaya nama’y nahirapan magbenta ng mga ani.
Hindi ko maunawaan ang galit ni Lolo kay Mama. Ang lagi niya lang sinasabi, “Hindi naiintindihan ng lolo mo ang nangyaring pagdating mo. Darating ang araw na matatanggap niya rin ang pinili ko. Maiintindihan niya rin ang nangyari sakin...”
Inantay namin na magbago ang trato niya kay Mama. Pero umabot sa panahong hindi na ako umasa. Naging normal na ang pag aabang ko ng umaga para sa pagsibol ng araw sa hardin. Nabuhay ako sa paulit ulit na ikot ng araw.
Payapang hardin sa umaga. Bagyo naman sa gabi.
Hindi ko akalaing bagyo sa gitna ng sikat ng araw, ang magiging dahilan ng pagsibol.
Maagang nakauwi si lolo na lango sa alak. Nagwawala sya habang naghahagis ng gamit. Narinig ko ang sigaw niya at ang iyak ni Mama habang pinipigilan sya sa paninira ng mga gamit.
“Ikaw ang malas dito sa bahay na to! Pakawala kang babae!!!”
“Sinasabi sa baryo na baka nagdadala ka ng ibat ibang lalaki dito habang wala ako!”
Tinatanggap lang ni Mama lahat ng kasinungalin ni Lolo na malamang na narinig niya sa mga taga baryo.
Pinilit kong takpan ang mga tenga ko sa bawat salitang naguhit sa puso ni Mama.
Nahuli ang mga mata kong pumikit para hindi makita ang mga susunod na nangyari.
Habang pinipigilan ni Mama si lolo sa paglabas para sirain ang mga halaman ng hardin, naitulak niya si Mama sa isang nakausling matalim na kawayan na sumaksak sa katawan nito.
Naalala ko lahat ng sinabing katotohanan ni Mama na hindi niya pinaniwalaan…
Tungkol sa ama ko, kung papano ako nabuo. Hindi malandi si mama. Wala syang kasintahan.
“Hinalay ako, Pa! Hinalay ako ng - ”
“TUMAHIMIK KA LENA!”
Sa bawat salitang sinabi niya kay Mama, wala kaming tinanim na sama na loob, sa halip mga bulaklak sa hardin ang tinanim namin.
Mga bulaklak sa hardin na hanggang sa huling hininga niyang pinagtanggol. Hanggang sa huling salitang narinig ko sa mga labi niya. SIBOL.
Agad akong lumapit kay mama. Agad na hinawakan ang mga muka niyang matiwasay na humimlay sa tabi ng harding sabay naming minahal.
Nakita ko si lolo. Gulat at kilabot ang nakita ko sa mga mukha niya.
Patawarin mo ako, Mama, kung hindi ko nagawang magpatawad sa mga mukha niya.
“MAMATAY KA!!!”
Agad kong bulalas. Mga salitang minsan kong ginamit sa isang dagang nakita kong sumisira ng mga bulaklak ng hardin.
“MAMATAY KA!!!”
Narinig ako noon ni Mama. At sabay naming nakita kung papanong nabulok sa harapan namin ang daga. Kung papano sya nilamon ng mga uod at ‘di kalaunan ay naging parte ng lupa.
Noon ang mga panahong pinilit akong mangako ni Mama. “wala kang ibang sasabihing salita, kundi ‘Sibol’, naiintindihan mo ba?”
Pero wala na ngayon si Mama.
Hindi niya na ko maririnig. Patawarin mo ako Mama kung hindi ako tutupad sa pangako.
“Mamatay ka na!!! Mamatay ka na!!!”
Paulit ulit ang sigaw ko kay Lolo. Sa lahat ng mahinahong paliwanag ni Mama na hindi niya pinakinggan. Hinalay si Mama, hinalay sya ng engkanto sa gubat. Hindi niya lang gustong ipalaglag ang bata. Binuhay niya ‘to at binigyan ng masayang buhay.
Sa lahat ng hindi mo pinakinggan, ito ang dapat mong sundin.
“MAMATAY KA!!!”
Unti unting nilamon ng uod ang katawan ni lolo habang naririnig ng hardin ang sigaw at pagmamakawa niya. Kitang kita ko kung papano sya naging isa sa lupa.
Kitang kita ko kung papano sya maging lupa.
Naiwan akong naluha sa gitna ng hardin. May dugo sa mga kamay at luha sa mga mata.
Pilit binubulong sa sarili:
Sibol.
Dumating ang mga pulis. Lumabas sa mga report nila na pinatay si Mama ni Lolo at pagtapos ‘nun ay nagtago. Walang nakakaalam ng pagmakatay niya. Hindi ko alam kung papaano ko sasabihin dahil hindi rin naman sila maniniwala.
Meron akong kapangyarihan ng salita.
Simula sa araw na ‘yun. Marami akong pagpipiliang landas.
Maari akong maging makapangyarihang tao, gamitin ang kapangyarihan para yumaman. O kaya naman ay sumikat.
Maari akong maging pulitiko, artista, o businessman. Meron akong kapangyarihang mapasunod lahat ng tao sa mga salita ko.
Pero, pinili ko ang sinabi ni Mama. Pinili ko ang nais niya.
Pinili kong sumibol.
“TIGIL!” sigaw ko sa gitna ng madilim na eskinita sa isang magnanakaw na hinahabol ng mga pulis. Agad syang tumigil sa gitna ng daan. Hindi sya makakakilos hanggang mahabol sya ng mga pulis at maposasan. Hindi kalaunan ay nakita ko na ang awtoridad at ang babaeng ninakawan niya na labis ang hingal.
Ito na ang buhay ko. Syudad ang panibago kong hardin. Ang mga tao ang mga bulaklak na dapat kong protektahan.
“Maraming salamat, Kapitan Sibol!!!” sigaw ng mga pulis.
“Mabuti at nandito ka, Kapitan Sibol!!” sigaw ng babaeng nanakawan.
Ako si Kapitan Sibol.